filipino,

Literary: Biyernes

4/28/2021 05:03:00 PM Media Center 0 Comments




Biyernes na!

Masigla ang buong klase dahil patapos na ulit ang isang linggong pag-aaral. Malapit na ang uwian. Babati na ang guro ng “Happy weekend!” at sa paglabas ng pinto ay magkasama na ang barkada. Dismissal na kaya didiretso na sila sa stone bench para hindi maunahan ng ibang mga estudyante. Ibababa nila ang kanilang mga bag at aatupagin ang kani-kanilang gawain. Ang ilan ay pupunta na sa ensayo, habang ang iba naman ay may make-up pa na kailangang tapusin. Mayroon ding mga matitirang nakaupo lang para maghintay sa kani-kanilang mga kaibigan habang nagkukuwentuhan. Tatambay doon hanggang sa magkayayaan nang umuwi nang sabay-sabay.

Rinig na rinig ang kanilang tawanan. Pagkalabas ng geyt ay may biglang magyayayang kumain sa Area 2 o sa Town Center. Ang iba ay gusto ng Mcdo sa TC at ang iba naman ay sa A2 kung saan mas maraming pwedeng kainin. Dahil mas malapit at mura sa A2, doon sila tutungo.

Magkakasama silang maglalakad papuntang sakayan ng jeep habang patuloy lang ang kwentuhan. Halos alas-sais na kaya naman mahaba na ang pila sa sakayan ng Ikot. Puno lagi ang mga jeep kaya laging hindi sila kasya sa iisang sasakyan. Kaya sa huli, magdedesisyon na lang na maglakad patungo sa pupuntahan para magkakasama pa rin. Kahit na mahaba-haba ang lakaran, hindi nila ito napapansin dahil sa tawanan at mga biruan.

Pagdating sa A2, buhay na buhay ang buong kalye. Halo-halong mga estudyante ang nandoon kasama ang kanilang mga kaibigan para kumain at magsaya. Maraming kainan at halos lahat ay puno na. Ang daming pagpipilian at iba-iba rin ang gusto ng lahat kaya naman maghihiwa-hiwalay muna at bibili ng sari-sariling pagkain sa gusto nilang tindahan. Mayroong may gusto ng Mango Graham Shake, Shawarma Rice, Takoyaki at iba pa. Kahit na marami ang pagpipilian, mayroon pa rin sa grupo ang pipiliing kumain sa sikat at nakasanayang kainan sa A2 na Iskomai.

Pupunta ang mga ‘yon sa Iskomai at maghahanap ng bakanteng mesa. Ang buong kainan ay maingay dahil puno ito ng mga estudyanteng kumakain at nagdadaldalan. O-order sila ng siomai rice at iskrambol. Sunod-sunod na darating ang magkakaibigan dala ang kani-kanilang mga pagkain. Sa wakas ay magsasalo-salo na ang barkada sa isang mesa.

Wala munang magsasalita sa una para kumain pero hindi rin magtatagal ay mayroong magsisimula ng usapan. Sila’y magkukumustahan tungkol sa kanilang linggo at magkukwentuhan sa mga bagong pangyayari sa buhay ng bawat isa. May magrereklamo tungkol sa mga assignment na gagawin sa weekend. Pag-uusapan din nila ang mga mahirap na pagsusulit at ensayo noong nagdaang linggo. Masaya ang lahat dahil kasama nila ang isa’t-isa sa labas ng eskwela at natapos na naman ang isang linggo ng pag-aaral. Hindi nila namamalayan ang oras, kaya nama’y umaabot hanggang gabi ang kwentuhan. May magyayaya nang umuwi at isa-isa na silang magliligpit.

Dahil magkakalapit lang ang bahay nila, sabay-sabay rin silang sasakay ng Ikot jeep para makauwi. Halos sila lang ang laman ng jeep at tuloy na naman ang daldalan. Wala talagang katapusan ang asaran at saya ‘pag kasama ang mga kaibigan. Isa-isang papara sa jeep malapit sa kanilang bahay. Magpapaalam sa lahat na akala mo nama’y hindi magkikita kinabuksan.

Biyernes na naman…

Malapit nang bumati ng “Happy weekend” ang guro at naghahanda nang mag-on-cam ulit ang mga estudyante. Mula sa screen ay panandaliang makikita ang mukha ng lahat, nakangiting magpapaalam at pipindutin na ang kulay pulang “leave meeting”.
Pero hindi pa magsisipagpatay ng laptop. Diretso sa hiwalay na group chat ang magkakaibigan at magkukumustahan. Magtatanong kung ano pa ang mga assignment na kailangan gawin ng bawat isa. May magyayayang mag-Zoom call para sabay-sabay silang mag-aral. Buong hapon hanggang gabi sa call ang magkakaibigan. Nagtutulungan sa mga gawain, nagkukuwentuhan, at minsan ay manonood pa ng pelikula. Nagtatanungan ng mga nangyayari sa buhay ng bawat isa at nagdadamayan sa sama-sama nilang pangungulila. Kahit na nasa sari-sarili nilang kwarto sila at magkakalayo, masaya pa rin sila na kahit papaano ay nagkakaugnayan sila sa panahong lubos na mahirap na magkasama-sama ng pisikal. Magtatawag na ng hapunan ang mga magulang kaya naman magpapaalam na sa isa’t isa at magkakasundong mag-Zoom call ulit mamaya para ipagdiwang ang isa na namang Biyernes.

You Might Also Like

0 comments: