filipino,

Literary: Isang Payaso

3/16/2018 08:58:00 PM Media Center 0 Comments





Napakaputing face paint, pulang-pulang lipstick, at isang makinis na kamatis ang nakalagay sa aking mukha. Suot ko rin ang makulay at maluwag kong uniporme na ginagamit ko sa aking trabaho.

“Are you ready to see some magic, kids? Let us welcome our special guest! Squeaky the Clooooown!” sigaw ng emcee sa ikapitong kaarawan ni Ayesha, ang unica hija ng aking mga kliyente na sina Mr. at Mrs. Abaya.

“Yeeeeey!” magiliw na sagot ng mga bata, habang pumapalakpak at naghihiyawan.

Lumabas ako sa aking pinagtataguan, kumaway ako at ngumiti habang hinahanda ang aking mga gamit upang maisagawa ko na ang aking mumunting palabas.

Agad kong ipinakita ang nakatagong umiilaw na bola sa aking leeg. Nilipat-lipat ito sa iba’t ibang parte ng aking katawan, mula sa kamay, napunta ito sa likod ng aking tainga, biglang nawala at nalipat naman sa aking tuhod. Manghang-mangha ang lahat, hindi nila napansin na galing lamang ito sa kuwelyo ng aking suot.

“Amazing!” sabi ng batang nakasuot ng pulang bestida, sabay hawak sa kanyang kulot na kulot na buhok.

“Magic!” sabi ng kalbong bata na kumakain ng ice cream habang nakaturo sa ginagawa ko.

Humalakhak ako, sabay hila ng pagkahaba-habang papel sa aking bibig, hindi ito maubos-ubos. Lahat sila ay napatingin, naglalakihan ang maliliit na mata ng mga bata. Hindi nila alam na galing lang iyon sa bulsa ng uniporme ko.

“Paano kaya niya ginagawa ‘yun?” pagtataka ng kumare ni Mrs. Abaya.

Napangiti na lamang ako sabay kuha ng aking itim na sombrero.

“Kailangan ko ng isang volunteer!!!” pag-engganyo ko sa mga bata upang mas makuha ang atensyon nila.

Agad-agad namang nagtaasan ang kamay nilang lahat.

“Me! Me! I want!” sigaw ni Ayesha.

“Sige! Dahil birthday mo, I’ll show you some of my special magic!” sabi ko sabay hawak sa kamay niya.

Iniangat ko ang aking itim na sombrero at ipinakita na wala itong laman.

“Ayesha, ano ang gusto mo ngayon sa birthday mo?” tanong ko sa kanya.

“Gusto ko po ng white na rabbit na may pink ribbon!” sabi niya sabay yakap sa kuneho niyang laruan.

“Sige. Mamadyikin ko ito para sa ’yo! Alakazum! Alakazam! Mahiwagang sombrero, ibigay ang gustong rabbit ni Ayesha!” wika ko habang iwinawasiwas ang aking baston sa itim kong sombrero. Lahat ay nakanganga, nakatingin, at inaantay kung may lalabas nga ba mula rito.

Ilang sandali lamang, biglang lumitaw ang hiniling ni Ayesha. Agad na binitawan ng bata ang laruan niya sabay lapit sa kunehong lumabas galing sa sombrero.

Nagpalakpakan ang lahat ng tao. Naghihiyawan, nagsisigawan, pinupuri nila ang mahikang ginawa ko. Agad akong yumukod upang ipaalam ang aking pagtatapos.

“Nagustuhan niyo ba ang magic ni Squeaky the Clown?” sigaw ng emcee sa mga manonood.

“Opooooooo!” sigaw ng lahat.

Napangiti na lamang ako.

Matapos ang birthday party, nagsiuwian na ang lahat. Naiwan ang napakaraming kalat, magugulong upuan, at mga natirang pagkain.

Pauwi na sana ako nang biglang lumapit sa akin si Ayesha at niyakap ako, “Kuya Squeaky, thank you po sa white rabbit. I’ll take care of it. Ang galing-galing niyo po! We’re so happy!”

“Salamat, Ayesha, happy birthday uli,” sabay akap ko rin sa napakalambing na bata.

“What’s your secret, Kuya Squeaky? Gusto ko rin pong mag-magic so I can make other people happy. Secret lang po natin, promise!” bulong niya sa tainga ko habang nakayakap sa akin.

“Gusto mo talagang malaman?”

“Opo!”

“Simple lang. Hindi ako masaya. Kaya ginagawa ko ang lahat para magpasaya ng mga tao,” sabi ko sabay bitaw sa yakap.

Umalis na ako, iniwan ko siya roon na nakakunot ang noo, nalilito sa aking mga sinabi.

Naglakad na ako papalayo sa marangyang bahay nila.

Biglang tumunog ang aking telepono, kinuha ko ito upang sagutin.

“Gardo, ang nanay mo ito. May pambayad na ba tayo kay Aling Fely? Sinisingil na kasi, eh. ‘Tsaka ‘yung panggamot ng tatay mo sana...”

Hindi ko napansin na rumaragasa na pala ang luha sa aking mga mata.

Iyon siguro ang sikreto ng mga payasong kagaya ko. Malungkot ang aming realidad, mahirap ang aming buhay. Tanging pagpapasaya na lamang ng ibang tao ang nakapagpapangiti sa isang kagaya ko.

You Might Also Like

0 comments: