elane madrilejo,

Feature: Deserve Mo ‘To: Ipagdiwang ang Kalayaan mula sa Hell Week

3/23/2018 08:04:00 PM Media Center 0 Comments





Naisulat mo na ang kahuli-hulihang talata sa iyong formal theme at naidikit mo na rin ang natitirang detalye para sa iyong proyekto. Nabanggit mo na ang pangwakas na pangungusap sa iyong talumpati at natuldukan mo na rin ang huling salita sa markahang papel. Sa wakas, natapos na rin ang hell week.

Nairaos mo na ang mga araw ng pagpupuyat, pag-aalala, at pagkabahala at malaya ka nang muli mula sa mga nakakapagod na trabaho sa eskuwelahan.

Kaya naman oras na upang kumalma at hayaan ang iyong sarili na magpahinga nang matagal-tagal. Malaya ka na muling gawin ang kahit anong gusto mo upang mapasaya ang sarili bilang gantimpala sa katakot-takot na hirap na iyong dinanas. Pero kung wala ka pang ideya kung paano gagamitin ang iyong pansamantalang kalayaan mula sa reqs, narito ang ilang suhestiyon na maaring makatulong sa iyo.

Matulog ka na.
Ito ang pinakaunang bagay na ipinagkait sa iyo noong hell week, mainam lamang na ito ang pinakauna mong bawiin. Kaya naman hayaan mong bumagsak ang iyong mga talukap at pagpahingahin ang sarili. Malaking tulong daw ang pagtulog upang makabawas ng stress na iyong nakuha. Kailangan ng iyong katawan ang tulog na makabubuti pa sa iyong mental at pisikal na kalusugan.

Idaan mo sa kain!
Kainin mo na ang lahat ng ‘di mo nagawang kainin noong mga panahon na stressed ka. Mapa-ice cream, cake, float, fries, fishball, pancit canton o kung ano pa man. Makabubuting gantimpalaan mo na ang iyong sarili ng lahat ng gusto mo. Ngayon na ang oras upang i-spoil ang iyong sarili sapagkat pinaghirapan mo namang matapos ang lahat ng iyong gawain. Nararapat lang na magsaya at magpakabusog kung saan hindi lang ang pakiramdam mo ang sasaya, kundi pati ang iyong sikmura.

Linisin ang iyong bag.
Hindi man halata, ngunit nakatutulong ang paglilinis ng iyong mga gamit at pagsinop sa hindi na kailangan pang mga papel sa pagpapahinga. Hindi lang ito nakakagaan ng bag ngunit maging ng kalooban sapagkat para itong paalala na natapos at nalagpasan mo na ang mga gawaing humamon sa iyo. Ngunit kailangan mo rin munang siguraduhin na hindi na importante ang mga papel na iyong itatapon.

Catch-up Marathon
Halos lahat ng oras mo ay nailaan mo na sa iyong pag-aaral at paggawa ng mga requirements. Napag-iwanan ka na sa sinusubaybayan mong K-drama o series sa Netflix, tapos na ang paborito mong manga, comic, o manhwa at ‘di mo pa magawang basahin dahil sa kawalan mo ng oras para dito. Puwes, ito na ang nararapat na panahon upang makahabol at muling pagtuunan ng pansin ang iyong mga naisantabing interes. Habang wala pa masyadong gagawin o kailangan aralin ay mabuting libangin muna ang iyong sarili malayo sa mga bagay tungkol sa eskuwelahan at pasayahin ang kalooban kahit sandali lamang.

Magbunyi!
Gawin mo na ang lahat ng nais mong gawin upang ipagdiwang ang pagtatapos ng isang yugto sa akademikong taon. Maaari ka nang lumabas kasama ng iyong kapamilya, kaibigan, kaklase o kahit sinong nais mong makasama upang magsaya o gumala. Makapunta sa mga lugar na matagal mo nang gustong puntahan, o ‘di kaya’y balikan ang paborito mong kainan. Dapat lamang na magbunyi ka dahil sa wakas ay malaya ka na mula sa mga pasanin ng hell week.

Mahalagang makahanap ng paraan upang makapag-“unwind” at makapagpahinga matapos ang mahaba at nakakapagod na hell week. Ngunit dapat ding tandaan na hindi dapat tayo maging kampante at manatili sa ganitong kondisyon, dahil babalik din naman ang klase sa dati at kakailanganin muling magpokus sa pag-aaral. Ang mahalaga ay balansehin lamang ang tungkulin sa paaralan at pagsasaya upang hindi palaging ma-stress sa mga gawain.

Sa ngayon dapat lang na maglaan ng oras ang mga estudyante sa pagsasaya sapagkat deserve naman natin ito. Kaya’t huwag nang magsayang pa ng panahon at magsimula ka nang magpakasaya.//nina Marlyn Go at Elane Madrilejo

You Might Also Like

0 comments: