em gacad,

Opinion: Medalya o Diploma?

4/06/2017 07:59:00 PM Media Center 0 Comments



Photo Credit: Jem Torrecampo 


Ang makatapos ng hayskul— 'yan ang isa sa mga pinapangarap ng lahat ng estudyante, saanmang paaralan sila magmula. Hindi lamang ito nagbibigay ng karangalan sa kanila, bilang katibayan ng kanilang kakayahang pang-akademiko, kundi nagsisilbi rin itong simula ng pagkamit nila ng tagumpay sa buhay.

Pagdating sa mithiing ito, hindi naiiba ang student-athletes, sapagkat gayong ehemplo sila ng kahusayan sa napili nilang isport, kailangang magaling at ehemplo rin sila sa pagbabalanse ng oras sa paglalaro at pag-aaral.

Hindi isang perpektong tao ang student-athletes. May mga pagkakataong kinakailangang nilang pumili sa pagitan ng pag-aaral at ng pagiging atleta. May mga pagkakataon na may naisasakripisyo ang isang manlalarong mag-aaral.

Ano nga ba ang mas karapat-dapat na pagtuunan ng pansin? Ang pagiging huwaran sa pang-akademikong larangan o ang pagiging magaling sa napiling isport?

Kung ang pagkakaroon ng medalya ang pag-uusapan, hindi maikakaila na bilang mga atleta ay mahalagang bagay ito’t malaki ang maitutulong sa kanilang athletic career. Ang pagsali nila sa iba’t ibang kompetisyon ay isang oportunidad, sa halip na obligasyon, na kanilang nakukuha bilang student-athletes. Ito ang nagbibigay sa kanila ng pagkakataong mahasa sa pinili nilang isport at nagsisilbing ambag nila sa karangalan ng kanilang paaralan.

Isang halimbawa na lamang ng mga ganitong pagkakataon ay ang paglahok taun-taon ng iba’t ibang varsity teams sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Dito nila naipapakita ang kanilang talento sa napiling sport sa pamamagitan ng paglaban sa iba pang paaralan para mag-uwi ng mga medalya. Sumasali sa mga kompetisyon sa loob at labas ng bansa ang ibang student-athletes upang ipamalas ang kanilang hindi matatawarang galing. Gayundin, sa pamamagitan nito’y nabibigyang- karangalan nila, hindi lamang ang paaralan kundi ang buong bansa. Marami rin sa kanila ang nabibigyan ng pagkakataon mula sa iba’t ibang unibersidad upang ipagpatuloy ang paglalaro sa kolehiyo kahit na hindi pa sila nakatatapos ng hayskul. Talagang hindi na nakapagtataka kung ang student-athletes ngayon ay nakakatanggap ng ganitong mga oportunidad. Sa kanilang husay at determinasyon sa napiling isport, marapat lamang na matanggap nila ang mga ito. Ginagamit nila ito upang mapabuti pa lalo ang kanilang mga kakayahan sa paglalaro ng kanilang isport.

Subalit dahil paminsan-minsan lang ang paglalaro sa ibang bansa, karamihan sa mapapalad na nakakatanggap nito’y hindi na ito pinapalampas. Sa kabila nito’y hindi rin dapat itangging bahagi ng kanilang pagiging atleta ang pagka-estudyante. Sa katunaya’y nagkaroon sila ng pagkakataong maglaro dahil sa institusyong kanilang kinabibilangan. Sa gayon, inaasahang magtatapos sila ng kanilang hayskul sa kanilang paaralan.

Ang binanggit sa itaas ay ang siyang dapat na nakapangyayari subalit hindi ito ang realidad. May mga atletang higit na pinipili ang alok ng ilang unibersidad na maging manlalaro sa kanilang paaralan kahit pa hindi pa nakapagtatapos ng hayskul sa ilalim ng K-12 program. Sa sitwasyong ito, dapat nga bang ipagpalit ang pagtatapos sa hayskul para sa pagkakataong mapalapit sa kanilang mga pangarap?

Tulad ng sports, ang pag-aaral ay hindi mapapantayan ng kahit na anuman, ngunit ang dalawa ay may malaking pagkakaiba. Para sa ilang atleta, ang pagtahak sa larangang ito ay nangangailangan ng mahabang pasensya at maraming pagsubok. Sa panahong nasa rurok ng tagumpay ang isang manlalaro, maaaring maisip nilang hindi isang pagsisisi ang pagpili sa pagiging atleta, kumpara sa kung magtapos ka ng hayskul. Pagkatapos kasi ng hayskul, mayroon pang kolehiyo, at kung hindi ma’y magtatrabaho ka— at unti-unti’y matutuklasan mong nagsisimula ka pa lamang sa tunay na buhay. Subalit sa oras na mawala na ang kinang ng iyong medalya sa pag-aatleta, marahil ay mapapaisip ka kung ano na ang susunod na maaari mong gawin.

Kung makatatapos ka ng hayskul higit na malaki ang posibilidad na makapasok ka sa kolehiyo. Sa pagtatapos, makatatanggap ka ng diploma bilang katibayan ng iyong sapat na pag-aral. Ang pagtatapos ay patunay ng ilang taong pagsusumikap ng isang mag-aaral. Higit na maraming oportunidad ang magbubukas para sa iyo kapag tinutukan mo ang iyong edukasyon, hindi ka na malilimitahan sa larangan ng sports. Ang edukasyon ay magagamit kahit na nagtratrabaho ka na sa ibang larangan. Kaya naman ang pagkamit nito’y katumbas na rin ng isang napakalaking hakbang papalapit sa iba pang mga pangarap ng isang estudyante.

Mawala man ang isport sa landas ng ating buhay, ang mga aral na natutunan sa eskwelahan ay hindi maiaalis sa ating buhay. Para sa mga atleta, importante ang kanilang larangan sapagkat ito ang nagbigay ng oportunidad papalapit sa kanilang mga pangarap, ngunit dapat tandaan na ang inyong edukasyon ay makapagbibigay ng tiyak na kinabukasan.

Hindi masamang tumanggap ng mga oportunidad na makakatulong sa pagkamit ng mga, lalo na kung ito ay magdudulot talaga ng pagbabago sa buhay ng student-athlete. Subalit sa pagkuha natin ng mga pagkakataong ito, kaakibat nito ang mga bagay na maaring hindi natin makuha. Maaaring sabihin na ang pagiging magaling sa sports ay nangangailangan ng maraming oras at sakripisyo, ngunit hindi ba’t ito rin ang inaalay ng bawat estudyante para sa kanilang pag-aaral?

Ang pagkakataong magtagumpay bilang atleta ay hindi mauubos o mawawala basta’t matiyaga mong hinahasa ang sarili sa napiling isport. Sa kabilang banda, ang pagkakataong makapagtapos ng hayskul ay hindi basta-bastang nakakamit. Ang hirap at pagsusumikap na inilalaan ng bawat estudyante nang maraming taon para sa kanyang pag-aaral ay hindi dapat ipagpalit sa mas madaling paraan ng katuparan ng pangarap.

Totoong hindi dapat palipasin ang mga oportunidad na dumating sa ating buhay lalo na kung ito ang magiging susi sa tagumpay. Gayunpaman, hindi rin dapat sayangin ang sakripisyong ibinibigay natin sa pag-aaral, dahil ang pagtatapos ng pag-aaral at pagkuha ng diploma ay hindi matutumbasan ng anumang medalya. //nina Maica Cabrera, Em Gacad at Jaggie Gregorio

You Might Also Like

0 comments: