faber castell 0.7,

Literary: Pagmumuni-muni

4/07/2017 08:44:00 PM Media Center 0 Comments






Ilang beses pa nga ba?

Isa, Dalawa o Tatlo, sapat na ba ang subukan lang? Ang magbilang kung ilang beses na ba tumunganga sa mga pagkakataong dapat ay sinambit ko na? Iyong mga panahon na nariyan ka na sa tabi, ngunit mas pinili kong tanggapin na oo, torpe ako, kaya wag na lang kitang kausapin. Ang minsa'y tila tadhana na ang nagtakdang magkasama tayo, ngunit hindi ko man lang nagawang matignan ka sa iyong mga mata o bumulong kahit isang salita. 

Nakakainis talagang maging ako, tama, ang maging kagaya ko. Ngunit, marahil hindi naman ako magkakaganito kung hindi natatak sa isip ko na ikaw yung tipong tinitingala sa lahat ng aspeto habang ako na wala,walang mapala, kumbaga napakalayo natin sa katotohan, doon sa lebel na tinatawag nila na “magkakatuluyan.” Sabihin man ng mga tao na mababaw ang dahilan ko o baka naman humahanap lang ako ng dahilan sa kaduwagan ko, pero ewan ko ba ito kasi ang nararamdaman ko. Pakiramdam ko na hindi ako ang pinakaangkop at nararapat na lalake para sa'yo.

Pero,

Dahil sa patuloy na panunukso sa atin ng panahon, sa pagdaan ng bawat araw na magkasama tayo sa silid-aralan, sa mga oras na nakakasalubong ka sa pasilyo, hindi mapigilan ang tibok ng puso kong nagpupumilit mangibabaw. Parang gusto niya akong sigawan na walang dapat ikatakot, magtiwala ka pagka’t walang mawawala. Tila nagkakaroon tuloy ako ng isang bagay na makakapitan at mapanghahawakan... at iyon ay ang pag-ibig sa'yo. Kaya eto, sa ilang taong nagsusulat, mabibilang mo lamang sa kamay ang mga hindi patungkol sa'yo dahil kahit papaano, sa paraang ito nasasabi ang tunay na nadarama at sa pamamagitan din nito naipaparamdam ko ang pagmamahal na karapat-dapat na maramdaman mo.

Hindi man masabi ng deretso, hindi man maipakita sa'yo, sana sa pagbabasa mo ng akdang ito ay muli kong maiparamdam na kahit gaano man kadami o kakonti ang mga salitang binibigkas at isinusulat, ay makakasigurado kang may isang lalakeng narito sa likod na nais kang mapasaya sa pinakasimpleng paraan na alam niya, at iyon ay ang pagsulat sa minamahal niya.

You Might Also Like

0 comments: