barcode,

Literary: Ang Mga Taong Laging Huli

4/07/2017 09:50:00 PM Media Center 0 Comments





Ang mga taong laging huli, takot sa mga numerong nagpapahiwatig ng oras

Takot silang pangunahan ang mga ito
Dahil pagod na silang maghintay
Sa pagpatak ng bawat segundo
Sa pagdaan ng bawat minuto
Sa paglipas ng bawat oras
Umaasa lang sila na darating ka na
                            Na darating ka pa
Kahit na hindi ka naman talaga pupunta
Kaya naman napagod na silang maghintay

Pero takot rin silang mahuli
Dahil pagod na silang maghabol
Kapag sila ay nahuli
Sa paglipas ng bawat oras
Sa pagdaan ng bawat minuto
Sa pagpatak ng bawat segundo
Humihiling sila na sana naghihintay ka
                             Na sana naghihintay ka pa
Kahit na ang totoo’y di mo na
Kaya papagurin nila ang sarili nila kakahabol sa iyo

Ang mga taong laging huli
Takot tumingin sa orasan
Dahil ayaw nilang malaman
Kung sila’y maaga pa o kung huli nang tuluyan

Kung maghihintay pa sa tamang oras
O kung hahabulin pa ang mga nasayang na panahon

At bilang isang taong laging huli
Sa lahat ng bagay
Sa lahat ng pagkakataon
Lalo na sa iyo
Isang bagay lang ang sigurado ako:

Ayokong tignan ang orasan
Dahil ipinapaalala lang nito
Na di kailanman umayon sa atin ang panahon
Pagkat nahuli ang pagdating ko ngayon.

You Might Also Like

0 comments: