aldric de ocampo,
Nagtabi-tabi para sa litrato pagkatapos ng matagumpay na seminar sina (mula sa kaliwa) Prop. Ria P. Rafael, Prop. Eugene Y. Evasco, Bb. Ergoe Tinio, Prop. Ana Maria Margarita S. Salvador, Prop. Jem R. Javier, at Prop. Jesus Federico C. Hernandez.
News Feature: Kumusta na ang Panitikang Pambata?
Nagtabi-tabi para sa litrato pagkatapos ng matagumpay na seminar sina (mula sa kaliwa) Prop. Ria P. Rafael, Prop. Eugene Y. Evasco, Bb. Ergoe Tinio, Prop. Ana Maria Margarita S. Salvador, Prop. Jem R. Javier, at Prop. Jesus Federico C. Hernandez.
Nagbahagi ng kanilang kaalaman ang ilang mga eksperto sa isang seminar ng UP Department of Linguistics na pinamagatang "Curiouser & Curiouser: Linguistic Socialization & Children's Literature" noong Agosto 22, 2019, sa Palma Hall, silid 207.
Ang inimbitahang mga tagapagsalita ng Departamento ng Linggwistika ay sina Prop. Jesus Federico C. Hernandez, Prop. Ana Maria Margarita S. Salvador, Prop. Eugene Y. Evasco, at Bb. Ergoe Tinio.
Tulad ng nasa pamagat ng seminar, ang mga susing salita nito ay ang children's literature, language development of children at linguistic socialization. Tinalakay nila rito ang katangian ng panitikang pambata at ang epekto nito sa paghubog ng kasanayan sa wika ng bata at pagkatuto niya sa isang kultura.
Inilahad nina Bb. Tinio, Prop. Salvador, at Prop. Evasco ang kanilang mga karanasan bilang mga manunulat sa larangan ng panitikang pambata. Ayon kay Bb. Tinio, na marketing officer ng Adarna House, Inc., ang nakikita na lang daw natin sa pamilihan ay ang mga finished product na kuwentong pambata, kaya nagsisilbi na rin daw na "behind the scenes" ang seminar para sa pagsusulat at paglalathala ng mga nasabing akda.
Aminado raw si Bb. Tinio na minsa'y minamadali lang niya ang kanyang mga kuwento, ngunit praktis din ito para makatapos ng sulatin kahit gipit na sa oras. Nabanggit din niya na ang kanyang kwentong "Salusalo para kay Kuya" ay nagmula sa isang ideyang naisip niya noon pa man, ngunit kamakailan lang niya nailapat sa isang libro.
Si Prop. Salvador naman, na isang propesor sa larangan ng Reading Education sa College of Education, ay nagsulat na rin noon ng isang kuwentong pambata, ngunit hindi ito nailathala. Dahil daw ito sa isa pang kuwento na may katulad na premise, na pwede raw magdulot ng isang kompetisyon sa pamilihan. Hangga't maaari raw, iniiwasan ang ganitong mga sabayan para hindi malugi ang isang kuwento.
Dahil dito, nag-isip siya ng iba pang maaari niyang sulatang paksa. Nakakita raw siya ng isang kuwentong pambata tungkol sa alpabeto bilang mga tauhan. Naisip niya, "if the alphabet can be used as characters, why not numbers?" Kasabay ng kanyang pinag-iisipan noong konsepto ng "nothingness" o kawalan, ito ang naging simulain niya para sa kanyang kwentong "When Zero Left Number Land."
Ang huling manunulat namang si Prop. Evasco, na isa ring tagasalin at propesor sa larangan ng Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa College of Arts and Letters, ay ang sumulat ng kwentong "Anina ng mga Alon." Binibigyang-pansin naman niya ang kultura ng katutubong Pilipino, partikular ng mga Badjao, sa kanyang akda para malinang at yumabong pa ang ganitong uri ng mga kuwento sa industriya.
Ibinahagi rin ni Prop. Evasco ang kanyang karanasan na magsalin ng Charlotte's Web ni E.B. White sa wikang Filipino, kung saan sinabi niyang hinayaan niya lamang ang mga katawagang "Mr." at "Mrs." o "Ms." sa teksto kaysa palitan ng "Gn." at "Gng." o "Bb." para mapanatili ang kulturang pinanggalingan ng akda. Sa ganitong teknikal na kaayusan ng wika makikita ang epekto nito sa pagkakaunawa at pagkakasalamin ng kultura't lipunan sa panitikan. Ito ang tinatawag na linguistic socialization.
Sa panayam kay Prop. Evasco at gayundin kay Prop. Hernandez, na isang kolektor ng mga kuwentong pambata at propesor sa larangang Historical Linguistics sa College of Social Sciences and Philosophy, higit na pinagtuunan nila ng pansin ang linguistic socialization, na naiiba naman sa pokus ni Prop. Salvador na language development.
Sa analisis ni Prop. Hernandez, malaki ang ambag ng panitikang pambata sa paglilinang ng kaalaman ng isang bata tungkol sa mga katangian ng wika ng lipunang kanyang inaalam, tulad ng sintaks at morpolohiya, liban pa sa kultura. Hinuhubog ng mga nababasa natin ang ating pagkakaintindi sa kolektibong alaala ng lipunan at sa ugali ng mga tao rito. Kumbaga kapag may nabasang eksena ang isang bata sa kuwento, nahahanda na niya ang kanyang sarili sa ganitong kondisyon kung sakaling makita niya ito sa tunay na buhay.
Sabi rin ni Prop. Hernandez na sa mga akda ni Dr. Seuss at ni Lewis Carroll, ginagamit din dito ang mga inimbentong salita ng awtor na sumusunod pa rin sa ilang mga katangian ng wikang pinanggalingan nito. Kahit kakaiba ang mga anyo ng mga salita, hinuhubog pa rin ng mga ito ang kaalaman ng mambabasa sa consonant clusters at sa iba pang bahagi ng gramatika sa wikang Ingles. Ang pangunahing halimbawa na lang dito ay ang "curiouser and curiouser" mismo, na nagmula sa Alice's Adventures in Wonderland ni Carroll.
Bukod sa pag-unlad ng kaalaman ng kabataan sa mga nababasa nilang panitikan, ang panitikang pambata mismo ay umuunlad na rin ayon sa mga inimbitahang mga tagapagsalita.
Ang pagtingin sa mga akdang pambata ay hindi na masyadong nalilimitahan ngayon sa mga picture at illustration books ayon kina Bb. Tinio at Prop. Evasco. Nagbago na rin daw kasi ang pagtingin na hindi kaya ng mga bata ang kritikal na pag-iisip. Sa panahon ngayon, hindi na dapat kinikilingan ang pagtingin na mas mababang uri ng panitikan ang panitikang pambata, dahil kaya naman din ng kabataang unawain ang mga nakikita nila sa mga libro. Kaugnay nito, nabanggit din nila at ni Prop. Salvador na sa pagsulat ng panitikang pambata, mahalaga rin ang edad ng mambabasang target ng manunulat, para maging angkop ang kanilang isinusulat na kuwento sa baitang ng bokabularyo ng mga batang babasa.
Ang isa pang magandang pangyayari sa panitikang pambata, ayon kay Prop. Evasco, ay ang pagbabago at paglawak sa mga tema nito. Sa kasalukuyan, tinutugunan na rin ng mga kuwentong pambata ang mga isyung panlipunan tulad ng isyu sa terorismo, polusyon, mga LGBT+, human trafficking, mga kababaihan, mga makabagong bayani, at ang mga katutubo ng Pilipinas.
Dagdag ni Bb. Tinio, may mga indigenous peoples na lumalapit daw sa kanila sa Adarna House, Inc. para magpalimbag ng kanilang isinulat, ngunit hindi nila ito matanggap. Puro Tagalog daw kasi ang alam at pinanggagalingan ng mga editor sa Adarna House kaya nagkaroon sila ng limitasyon sa kakayahan sa wika. Naniniwala sila na sa ganitong sitwasyon, hindi nila mabibigyang-hustisya ang gawa ng mga indigenous peoples.
Ang magandang balita naman daw ay nakahanap ng paraan ang mga katutubo para i-self publish ang kanilang akda. Sinagot naman ito ni Prop. Evasco nang malugod dahil nakatutuwa raw na hindi kailangan ng mga indigenous peoples na pumunta pa sa Metro Manila at sa mga limbagan dito tulad ng Adarna, Lampara, at Anvil para lang mailathala ang kanilang isinulat. Nabanggit niya na ang magandang pwedeng mangyari sa hinaharap ay magtatayo na lamang ng sariling limbagan ang mga katutubo sa kanilang mga rehiyon para umunlad din ang kanilang nalilikhang panitikan, partikular na rin sa pambata.
Ang isyu rin sa wikang gamit sa mga kuwentong pambata ay kanilang natalakay dahil sa isang katanungan ng kalahok sa seminar. Madalas kasi ngayon sa mga kuwentong pambata, sinusunod nito ang bilingual na pagkakasulat sa Filipino at Ingles. May isang pangunahing wika na ginagamit ang manunulat at isasalin na lamang ito sa isa pang wika. Ang naging tanong dito ay "Hindi ba't magiging mapili lang ang mga mambabasa kung may salin?" at "Kung ganito nga ang sitwasyon, paano nila matututunan ang isa pang wika?"
Ang sagot ni Prop. Evasco dito ay "Kung ako ang masusunod, isang wika lang ang ipapalagay ko: Filipino." Dahil din daw ito sa kanyang pansariling bias na itaguyod ang wikang ginagamit niya. Pero para kay Bb. Tinio naman, ang tugon niya'y madalas kailangan daw ang bilingual na pagkakasulat sa mga libro, tulad ng sinulat niya, para sa kompanya. Mas mahirap daw kasing ibenta ang mga akda kung isa lang ang wika nito, na nagdudulot din ng language barrier sa mga mambabasa. Ngunit may mga paglihis din sa kalakaran na ito tulad ng libro ni Prop. Salvador na nakasulat sa Ingles lang, at sa libro rin ni Prop. Evasco na nasa Filipino lang.
Pero sa pangkalahatan, sang-ayon ang lahat ng mga tagapagsalita na mahalaga ang panitikang pambata ng Pilipinas. Hindi rin daw mas mababa ang antas ng wikang Filipino kung ikukumpara sa Ingles, at magkasinghalaga lang ang dalawang ito para sa pagpapaunlad ng kultura natin.
Ang habilin din ni Bb. Tinio bago matapos ang seminar ay, "Please, kapag pumunta kayo sa mga bookstore, dumaan kayo sa customer service at itanong niyo kung nasaan ang panitikang Filipino. Hindi kasi sila naniniwala na may demand pala talaga para dito." //ni Aldric de Ocampo
0 comments: