feature,
Feature: Umiwas sa Dengue!
Sa tuwing nagsisimula ang bagong akademikong taon, nagsisimula na rin ang paglaganap ng isang sakit na maaaring ‘di agad-agad mapapansin sapagkat ang mga sintomas nito, katulad ng ubo’t sipon, ay hindi natin aakalaing seryoso.
Isang lamok ang nakadapo sa balat ng isang tao. Nakuha mula sa: https://www.ketoisland.com/wp-content/uploads/2016/04/mosquito.jpg
Ang sintomas na ito ay ang Dengue Fever na resulta ng pagkakaroon ng Dengue Virus. Ang Dengue ay isang vector-borne disease sapagkat nakukuha ito mula sa kagat ng mga lamok na may dala-dala ng nasabing virus. Ilan sa mga sintomas nito ay ang pagkakaroon ng sakit ng ulo, labis na pagkahilo, sakit ng katawan, rashes, madalas na pagsusuka, at marami pang iba. Ang mga nasabing sintomas ay maaaring lumitaw sa loob ng dalawang linggo.
Kapag nagpakonsulta sa doktor, ang taong may dengue ay inaasahang magkaroon ng mababang platelet count at mababang blood pressure. Kung sakaling mas bumaba pa ang platelet count at blood pressure ng pasyenteng may dengue virus, maaaring manganib ang buhay ng biktima. Sa katunayan, idineklara na ng Department of Health (DOH) ang national dengue epidemic dulot ng pagkakaroon 98% na pagdami ng dengue cases mula Enero. Bukod pa rito, simula Hulyo ay nagkaroon ng humigit-kumulang na 5,100 na kaso ng dengue kada linggo ang kinahaharap ng DOH (Andrade, 2019).
Sadyang nakababahala ang dengue, kaya’t mabuting ngayon pa lang ay mapigilan na ang tuluyang paglaganap nito. Sa nakaraang mga taon, tumaas na rin ang bilang ng mga estudyante ng UPIS na nagkaroon ng Dengue. Dulot nito, nagsagawa ang UPIS ng paraan upang maiwasan ang Dengue katulad na lamang ng fumigation at ang pagpapahintulot sa mga estudyante na magsuot ng jogging pants. Ngunit bukod pa rito, maaari pa nating mas iwasan ang dengue sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:
1. Maglinis ng tahanan
Dahil ang dengue ay nakukuha lang mula sa mga lamok, siguraduhing hindi maaaring mamuhay ang mga lamok sa kung saan tayo naninirahan. Tiyaking walang mga container na puno ng tubig na maaaring pangitlugan ng mga lamok. Bukod pa rito, dapat malinis ang mga sulok ng tahanan, dahil dito madalas nagkaroon ng alikabok na madalas ring pinupuntahan ng mga lamok.
Ang mahahabang kasuotan ay nagdadagdag ng isang layer sa ating katawan upang hindi maabot ng mga lamok ang ating balat. Nakuha mula sa: https://www.fashionlady.in/wp-content/uploads/2015/06/monsoon-season-clothes-for-women.jpg
2. Magsuot ng mas angkop na damit
Kung sakali namang aalis ng tahanan, maaari rin tayong magsuot ng mas balot na damit katulad ng pantalon at pang-itaas na mahaba ang mga manggas upang hindi umabot ang mga lamok sa ating balat.
Bukod pa rito, mabuting iwasan natin ang pagsuot ng madidilim na damit, lalong-lalo na ang kulay itim sapagkat ito’y nakaaakit para sa mga lamok.
Mosquito repellant patch. Mga patch na naglalabas ng amoy na nagpapalayo ng mga lamok. Nakuha mula sa: https://kinven.net/wp-content/uploads/2017/09/Untitled-design-600x600.png
3. Gumamit ng mga mosquito repellant
Kung sakali namang naaabot pa rin ng lamok ang ating balat kahit na nakasuot ng mahahabang damit, maaaring gumamit ng mga lotion o patches na naglalabas ng scent na hindi kaaya-aya para sa mga lamok. Ang mga ito ay mabibili kahit sa pinakamalapit na convenience stores o kaya nama’y sa mga supermarket..
4. Panatilihing malinis ang katawan
Panghuli ay ang pinakasimple ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ng ito ay ang pagkakaroon ng maayos na hygiene. Siguraduhin nating maligo araw-araw, o sa tuwing nararamdaman nating hindi na kaaya-aya ang amoy ng ating katawan dahil madaling maakit ang lamok sa amoy ng body odor at pawis.
Iilan lamang ang mga ito sa mga paraan ng pag-iwas sa pagkakaroon ng Dengue. Dulot ng maraming paraan na ang mayroon tayo sa kasalukuyan, mabuting atin nang subukan ang mga ito upang makaiwas sa isang sakit nang sa gayon ay ating matanggihan ang Dengue na iyan.
Sanggunian: Andrade, J. I. (2019) DOH declares national dengue epidemic. Retrieved from: https://newsinfo.inquirer.net/1151103/doh-declares-national-dengue-epidemic //ni Ned Pucyutan
0 comments: