astraea,

Literary: I Speak English

8/24/2019 08:26:00 PM Media Center 0 Comments




"I am an Xxxxxian, I speak in English."

Nabigla ako nang mabasa ko ang mga salitang ito sa karatula sa isang paaralan. Pero kung tutuusin, hindi na dapat ako nanibago sa ganitong klase ng manipestasyon ng neokolonyalismo sa mga paaralan dahil nag-elemantarya rin naman ako sa paaralang may kahalintulad na pagpapahalaga sa wika. Siguro'y ilang taon na rin kasi akong nakibahagi sa isang hayskul na mataas ang pagtingin sa sarili nating wika kaya hindi na ako gaanong sanay sa mga pahayag tulad ng nabasa ko.

Naalala ko noong nasa elementarya pa ako, may mga alituntunin pang kailangan laging magsalita sa Ingles. Kapag nagsabi ng salitang Filipino, kinailangan naming magbayad ng piso. Nakakahiyang aminin, pero noon ay nandidiri ako kapag nakaririnig ng OPM. Noon, lahat ng binabasa kong libro ay sinulat ng mga banyagang manunulat. Ang mga palabas na ginawa ng mga Pilipino ay binansagan ko ring “basura." Pinagdiriwang naman namin noon ang Buwan ng Wika pero halos wala rin naman itong kuwenta dahil nagmimistula lang itong eksibisyon ng mga batang nakabihis ng Filipiniana.

Saka na lang nagbago ang aking pananaw nang lumipat ako ng paaralan. Dahil sa pakikihalubilo sa bagong mga kasamahan, napagtanto kong hindi naman pala kailangang sundin at isapuso ang lahat ng mga alituntuning iniatas sa atin. Nang subukan kong suriin at intindihin ang nakasanayan kong pagtingin sa kulturang Pilipino, napagtanto ko ring hindi kinakailangang magkunwaring mapagmahal sa sariling wika at kultura. Sa tuwing sumasapit ang Agosto rito, hindi kinakailangang takpan ang mga sarili gamit ng palamuti at kasuotang Filipiniana upang patunayan ang pagtangkilik sa wikang Filipino. Sa bawat taon na namalagi ako rito, unti-unting tumindi ang pagpapahalaga ko sa ating kultura. Hindi ko kaagad namalayang dito ko pala matatagpuan ang tilamsik na magsisimula ng pagsiklab ng makabayang damdamin.

Ngayong napagninilayan ko ang mga ito, napapaisip din ako kung paano nga ba bubuti ang lagay ng ating bansa kung sa paaralan pa lang, sa mismong sektor na dapat nagpapatibay ng ating pagka-Pilipino ay doon pa nasisisra ang ating pundasyon para rito. Ang saloobin sa pagtuturo sa mga estudyante sa ilang mga paaralan ay hindi talaga nakatuon sa layuning mahalin at tangkilikin ang sarili nating wika ngunit ito ang umiiral sa isip ng napakaraming mga Pilipino. Tila ba tinakpan ng pintura ang pagpapahalaga natin sa ating kultura at wika nang sa gayon, hindi mapansin ng iba ang pangangalawang at unti-unting pagguho nito.

Ang kultura ng ating bansa ay nasa bingit ng pagkupas dahil kulang ang pagtataguyod natin sa ating wika. Ang wika ang naghuhulma ng ating diwa at kamalayan. Kung hindi natin napahahalagahan ang wika, hindi maayos na maipapamahagi sa bawat isa ang mga kaalaman at katotohanang bubuo ng kolektibong kamalayan ng ating bansa.

Sa pagtatangkilik ng ibang wika, nahahaluan na ang ating kultura ng mga ideya at pagpapahalaga ng ibang bansa. Ang dahilan ng pagtangkilik na ito ay mauugat noong panahon ng mga mananakop kung saan sinubukang patunayan ng mga Pilipino ang kanilang halaga sa pamamagitan ng pakikisabay sa mga dayuhan. Inaral nila kung ano ang inaral noon ng mga mananakop. Ginamit din nila ang wikang ginagamit ng mga mananakop.

Ngayon, wala na namang dayuhang nananakop sa ating bansa. Subalit, tuluyan na nga bang naputol ang tali nila sa atin? Hindi. Marami pa rin sa atin ang nabigkis sa kulturang banyaga dahil sa hindi maka-Pilipinong pangangaral ng iba't ibang mga institusyon katulad na nga ng paaralan.

Kung subukan nating magmasid-masid, makapapansin tayo ng mga pahiwatig na magpapakita kung gaano nga ba kaliit ang pagpapahalaga ng karamihan sa ating wika. Bihira lang tayong makarinig ng kapwa nating nagsasalita ng malinaw na Filipino. Maraming nagpapayo sa mga mag-aaral tulad natin na gawing layunin ang makapagtrabaho sa ibang bansa. Maraming pinandidirian pa rin ang mga produktong gawang Pinoy. Sa pagkakaroon ng ganitong klase ng pag-iisip, nahahadlangan tayo upang matuklasan at linangin pa ang kayamanan ng ating kultura.

Hanggang kailan kaya natin mapagkakamalang sapat na ang ating pagmamahal sa bansa? Hanggang kailan kaya natin masisikmura ang pagkukunwaring tunay ang pagmamalasakit natin para sa bansa? Hanggang kailan natin aakuhin ang titulong “pag-asa ng bayan” kahit na hindi naman tayo karapat-dapat gawaran ng napakataas na karangalan tulad nito?

Marami pa tayong kailangang matutunan at mapagtanto. Ngunit sana’y hindi tayo tumigil sa paghahanap ng tunay na kahulugan ng kahalagahan ng pagmamahal sa ating kultura hanggang sa tumatak na sa ating mga puso ang mga katagang:

"Ako ay Pilipino at hindi ko ikinahihiya ang aking wika."

You Might Also Like

0 comments: