daylight,
Literary: Okey Lang Kahit Hindi Ka Makabayan
Kahit kailan, nasabihan ka na ba ng “Makabayan ka ba?”
“Ano'ng gagawin mo para sa Pilipinas?”
“Dapat ipaglaban mo ang inaapi!”
“Bakit hindi mo mahal ang Pilipinas?”
Baka naiinis ka na sa mga tanong na ito dahil paulit-ulit na lang sa’yong sinasabi. Nararamdaman mo bang pinipilit kang mahalin ang Pilipinas? Para sa mga taong hindi mahal ang Pilipinas, ito lang ang masasabi ko:
Okey lang kahit hindi mo mahal ang Pilipinas.
Naiintindihan ko naman kung bakit.
Posibleng ayaw mo ang gobyerno natin. Mali-mali naman ang inuuna ng gobyerno. Imbis na unahin tayo, mas inuuna ang foreign investors. Sa halip na inuuna ang pangangailangan natin, kung ano-anong bill ang pinapasa.
Baka wala kang mahanap na trabaho. Kahit nakapagtapos ka ng kolehiyo, wala namang tumatanggap sa’yo. Ang mga trabaho lang na pwede mong mapasukan ngayon ay hindi naman katumbas ng degree mo. Naiintindihan ko kung bakit mo gugusuhin lumipat ng ibang bansa. Para magkaroon ng magandang trabaho na magbibigay saya sa’yo.
O baka wala kang pera. Ang pamilya mo ay dumadaan sa paghihirap. Minsan toyo at asin lang ang ulam mo sa kanin. Kahit makapag-aral man lang hindi mo magawa. Hindi kaya ng bansa natin na mapag-aral ka, kaya siyempre iisipin mong walang kwenta ang Pilipinas.
Pwede ring ayaw mo sa mga tao dito. Puro toxic, walang inaral, walang alam. Kung maayos sana ang education system dito sa Pilipinas, hindi ito mangyayari. Naiindintihan ko kung bakit mo gugustuhin mag-aral sa ibang bansa. Mas maganda ang equipment nila, mas magaling ang guro nila, at mas magaling ang estudyante nila. Siyempre gugustuhin mo maging magaling din, hindi ba?
Mas maganda sa ibang bansa, at naiintindihan ko kung bakit mo ito maiisip.
May mga kilala rin akong hindi makabayan. Marami sila. Lahat ayaw na sa Pilipinas, gusto nang umalis ng bansa. Lahat ng isyu gusto nang layuan. Sinabi ko sa kanila na may maraming rason para mahalin ang Pilipinas. Maraming magagandang tanawin, mayaman na kultura, at mababait na tao na hindi nila makita. Sinubukan ko ituro sa kanila kung paano mahalin ang bayan. Hindi naman ito basta-basta gagana.
Mayroon silang argumento para hindi mahalin ang bayan. Walang trabaho dito, walang edukasyon dito, at walang mabuting tao rito.
Kung ganito rin ang pananaw mo, naiintindihan kita.
Kung binabasa mo pa rin ito, sasabihin ko sa’yo ang pananaw ko sa pagmamahal ng bayan.
Ito ay parang pagmamahal sa iyong pamilya. Hindi ito required.
Kahit anong gawin mo, kahit sabihin pa ng ibang tao na dapat mahal mo ang bayan, sa huli, pinipilit lang naman nila ang paniniwala nila sa’yo. Ang paniniwala na hindi naman dapat required.
Hindi ko mahal ang Pilipinas dahil maganda rito.
Hindi dahil maganda ang trabaho rito.
Hindi dahil maganda ang edukasyon dito.
Hindi dahil may kinabukasan ako rito.
Mahal ko ang aking bayan dahil ito ay ang aking bayan.
Hindi ko kailangan ng iba pang rason para mahalin ang bayan.
Tanggap ko na hindi maunlad ang Pilipinas kumpara sa ibang bansa.
Tanggap ko na hindi maganda ang education system dito.
Tanggap ko na mas mabuting magtrabaho ako sa ibang bansa.
Tanggap ko na ang bansang nagpalaki sa akin ay hindi maganda.
Pero mahal ko pa rin ito.
Para sa mga magulang, hindi mo ba mamahalin ang anak mo kahit anong mangyari? Kahit gaano kalaki na ang galit mo sa kanya, hindi mo pa rin ba siya mamahalin sa dulo?
Para sa mga anak, kahit hindi ka naiintindihan ng magulang mo, hindi ba mahal mo pa rin sila? Kahit pagalitan ka man, kahit magtanim ka ng galit sa puso mo, hindi mo ba sila mamahalin kahit ganon?
Kailanman hindi ako nirequire ng ina ko na mahalin siya, pero mahal na mahal ko pa rin siya.
Gayundin ang bayan. Hindi ako nirerequire na mahalin ko ang aking bayan, pero mamahalin ko pa rin nang buong puso. Kahit gaano karaming problema at isyu mayroon ang Pilipinas, mamahalin ko pa rin ito buong puso.
Hindi ko ito sinasabi para mahalin mo rin ang bayan. Kung pinilit kita mahalin ang bayan, hindi ba magiging required na ito?
Kaya hindi ko kayo pipilitin na mahalin ang bayan, ngunit ito lang ang sasabihin ko:
Hindi magbabago ang katotohanan na ito ang bayan niyo.
0 comments: