coruscate,

Literary: Ang Wika ng Kaunlaran

8/24/2019 08:31:00 PM Media Center 0 Comments




Noong unang panahon, may isang nayong nagngangalang Karaan. Malayo-layo ito sa ingay ng pagbabago ng mundo ngunit malapit-lapit pa rin sa karatig na bayan para makatanggap ng nagbabagang balita.

Dito sa nasabing munting komunidad ng kabundukan ay mayroon ding isang munting angkan ng mga magsasaka. Narito ang mag-asawang sina Sinultian at Hunahuna. Kasama rin nila sa kanilang pamamalagi ang kanilang labing-isang taong gulang na anak na si Kamatutoan.

Araw-araw, may sinusunod na kalakaran ang mag-anak sa Karaan para maging masinop at maayos ang kanilang mga gawain.

Sa umaga, bago pa man sumikat ang araw, pumupunta na ang tatlo sa kanilang bukid upang masimulan ang pag-aaruga sa kanilang mga pananim. Si Kamatutoan ang itinatalaga ng mag-asawa na manguna sa taimtim na pananampalataya para maging matiwasay ang panahon. Si Hunahuna naman ang naglalagay ng pamatay-peste sa mga halaman habang si Sinultian ang nagdidilig sa mga ito.

Sa tanghali, dinadala ni Sinultian ang iba nilang mga ani sa karatig na lungsod para ibenta ito. Inaatupag naman ng dalawang naiwan sa bahay ang mga pangkaraniwang gawaing pantahanan. Madalas na si Hunahuna ang naglalaba ng damit at nagluluto ng pagkain dito habang si Kamatutoan naman ang nag-iigib ng tubig at naglilinis ng sahig at dingding ng kanilang kubo.

Sa hapon, nakikipag-usap si Sinultian sa mga taga-lungsod bago umuwi sa kanila para malaman ang mga mahahalagang balita sa araw na iyon. Sinusubukan naman ni Hunahuna na turuan si Kamatutoan sa kanilang tirahan ng mga batayang aralin para maging handa na ito kung sakaling magkaroon na muli ng pagkakataong makapasok sa lokal na paaralan ang bata.

Sa gabi, nagliligpit naman ang tatlo at naghahanda na ng kanilang mga gamit-pantulog upang maulit nila ang kanilang mga nakasanayang gawi sa susunod na araw.

Pero paano kung hindi na nila mauulit ang kanilang kalakaran?

Isang hapon, habang palubog ang araw, kauuwi pa lamang ni Sinultian sa kanilang munting kubo. Mabagal ang kanyang paglakad, pababa ang kanyang tingin, at nakayukod ang kanyang mga balikat.

"O, bakit naman ganiyan ang mukha mo?" sabi ni Hunahuna. "Anong nangyari sa iyo sa bayan kanina at nagkaganiyan ka?"

Napabuntong-hininga si Sinultian. "Mahina na naman kasi ang benta, at hindi lang sa atin ang problema."

Kumunot ang noo ni Hunahuna. "Ano ang ibig mong sabihin?"

"Napipinsala lahat ng pamilya ngayon sa merkado ng bayan," sabi ni Sinultian nang pahina. "Walang makabenta nang maayos dahil sa mga nawawalang suki."

"Hala! Paano iyon nangyari?" sigaw ni Hunahuna.

"Tanda mo pa iyong nabanggit ko sa iyo noong isang araw? Tungkol sa gusaling itinatayo nila sa bayan?"

"Oo, bakit naman?"

"Balak daw nilang magpatayo ng isang malaking pabrika." Nanginig si Sinultian. "Pagmamay-ari raw ng Kaunlaran Inc."

"Hay nako!" Nagkamot ng ulo si Hunahuna. "Kompanya? Ano namang kinalaman noon sa mga suki natin?"

Inikot-ikot at tinitigan ni Sinultian ang isang kamatis mula sa kanyang dala-dalang sisidlan at huminga nang malalim.

"Sabi sa akin ng mga taga-bayan, kasama raw ng pagtatayo ng gusali nila ang paglalagay ng isang harang sa baybay ng bayan. Dahil sa harang, walang nakakapasok na mga suking tagalabas ng lalawigan. Sila pa naman ang nakabibili talaga ng mga ani natin."

"Paano iyan! Dapat magreklamo kayo laban sa kompanya!"

"Sa tingin mo ba hindi pa namin nagagawa iyon?" Tumaas nang kaunti ang boses ni Sinultian. "Mayroon nang mga nagsumbong sa mga pinuno ng bayan tungkol sa problema. Sinubukan na rin nilang kausapin iyong kompanya pero wala raw silang magagawa! Hindi raw pwedeng itigil ang pagtatayo ayon sa kontrata ng Kaunlaran Inc."

Napapalatak si Hunahuna. "Nako naman!"

Pumasok si Kamatutoan sa kanilang kubo nang may hawak na lumang kuwaderno at lapis. Ginuguhit niya noon ang takipsilim sa tabi ng punong mangga sa harapan ng pilapil. Makikita ang nagtatagong araw sa kagiliran at kabundukan sa may likuran ng larawan. Sa gitna naman ay makikita ang isang maliit na guhit ng bayang laging pinupuntahan ng kanyang magulang sa araw-araw. Litaw rito ang isang kayariang may mga matatangkad at magkakasalikop na linya sa gilid ng lungsod na sa katunayan ay mga bakal na baras at kahoy na tabla. Katabi rin nito ang mga tambak ng bato at lupa na halos kasintaas din ng ilang mga bahay sa lungsod ayon sa pagkakaguhit.

Nakayukong lumapit sa kanyang mga magulang si Kamatutoan na inaabot ang kanyang kuwaderno. "Patawad po kung nakasasagabal ako. Itatanong ko lang po sana kung anong masasabi ninyo sa iginuhit ko."

Kinuha ni Sinultian ang kuwaderno at tiningnan ito nang mabuti. May malungkot na ngiting makikita sa mukha niya na halos mapaluluha. "Maganda naman, anak."

Sinilip din ni Hunahuna ang ginuhit ni Kamatutoan. Sumimangot naman ang kanyang mukha at sumingkit ang kanyang mga mata. "Hindi ko nagugustuhan ito."

"Bakit naman po?" sabi ni Kamatutoan.

"Basta. May guniguni akong hindi ko ninanais," pinasadahan ni Hunahuna ang kanyang hinlalaki sa larawan ng itinatayong gusali. Ilang saglit, ibinalik na niya sa kanyang anak ang kuwaderno. "Kailangan nating maging maingat at mapagmatyag. Matindi ang bagabag ng kutob ko ngayon."

Malayo ang tingin ni Hunahuna sa bintana ng kanilang kubo habang nagtinginan naman sina Sinultian at Kamatutoan. Bumugso ang hapis sa pakiramdam ng bahay at hindi nagtagal ay dumating na ang dilim ng gabi.

Sa tanghaling tapat ng sumunod na araw, habang nagliligpit pa lamang sina Hunahuna at Kamatutoan sa bukid, umuwi nang maaga si Sinultian. May sira-sirang bahagi ang pagkakahabi ng kanyang sisidlan kung saan mayroong mga nahuhulog at gumugulong na patatas sa daan. Pawisan at balisa rin ang mukha niya at may mga pasa ang kanyang mga braso't binti. Pilay na ang kanyang kanang paa at kinakaladkad na lamang niya ito papunta sa kanilang kubo.

Nagmadali sina Hunahuna at Kamatutoan nang matanaw si Sinultian. Dali-daling inakbayan ni Kamatutoan ang kanyang magulang habang si Hunahuna naman ang naghanda ng damong-gamot.

"Anong nangyari sa iyo na nagkaganiyan ka?" sigaw ni Hunahuna. "Kasasabi ko lang na mag-iingat ka tapos…"

"Patawad Hunahuna. Nagkakagulo kasi sila sa bayan ngayon," sabi ni Sinultian. "May napaaway daw sa mga nagpoprotesta sa Kaunlaran Inc. at napunta sa bugbugan ang labanan nila. Pati ang mga napadaan lang, nadamay sa gulo."

Hinaplos ni Sinultian ang mga pasa sa kanyang braso at ngumiwi sa sakit. "Sabi ng mga pulis, mabuti raw na bumalik na lang muna kami sa aming mga tahanan para hindi na kami mapahamak pa."

Ipinahid ni Hunahuna ang gamot sa mga namamagang bahagi ng katawan ni Sinultian. Hinawakan naman Kamatutoan ang kamay ng kanyang magulang sa tuwing humihigpit ang kapit nito sa sakit.

"Mukhang magiging matagal-tagal din na ganito ang ayos sa bayan," sabi ni Sinultian. "Hindi magpapaawat ang kahit sino roon."

"Basta't mag-ingat ka lang," sagot ni Hunahuna. "Iyon lang naman ang hinihingi ko."

Ilang buwan din ang nakalipas sa Karaan at sa karatig nitong bayan. Mahirap mawari kung paano nilang lahat nalagpasan at natiis ang salat na kalagayan dito, ngunit ang mahalaga ay kinaya pa rin nila rito at nabubuhay pa rin sila.

Matayog pa rin ang pagkakatayo ng mga luntiang puno sa bundok kung saan matatagpuan ang Karaan, ngunit matayog din ang pagkakatatag ng senisadong gusali ng Kaunlaran Inc. sa may paanan nito, kung saan ito'y napaliligiran ng mga pula't puting maliliit na baitang sa kapatagang malapad. Mas umingay din sa kapatagang bayan nang maitayo ang malaking gusali ng kompanya, hanggang sa umalingawngaw na rin ito sa kabundukan.

Nagpapahinga lamang ang munting mag-anak ng Karaan sa kanilang kubo nang may usap-usapang naganap sa harapan ng baryo. Lumapit sa pagtitipon ang tatlo at sumilip.

"Ano ang nangyayari?" sabi ni Sinultian sa isang kasama.

"May dumalaw raw na kakaibang panauhing sa baryo ngayon," sagot nito. "May nais daw ibalita sa atin."

"Anong sinabi?" tanong muli ni Sinultian.

"Magsasalita pa lang, pakinggan mo."

"Magandang umaga po sa inyo," sabi ng dayo sa harapan ng mga tao habang idinadaop ang kanyang mga kamay. Suot nito ang isang pawisang itim at bughaw na polo, kung saan nakasulat sa maliliit at puting titik ang katagang KAUNLARAN INC. Sa tabi niya ay may isang malaking kahon. "May nais lang po sana akong ibalita rito sa Karaan."

Makikita ang bakas ng alinlangan sa mukha ng mga taga-Karaan. Nag-usap-usap sila at lumapit ang pinuno sa harapan.

"Sige, ipagpatuloy mo."

"Ay, salamat po Sir," yumukod ang dayo sa pinuno. "Pero bago po ako magsimula, magpapakilala muna ako."

Nagsitinginan nang maigi ang mga mamamayan sa isa't isa at inilipat ang kanilang pansin sa dayo. Huminto nang bahagya ang dayo at nagpatuloy sa kanyang patalastas.

"Ang pangalan ko po ay Dalubhasa, at nagtatrabaho po ako sa Kaunlaran Inc." huminto ulit ang dayo para isipin ang kanyang susunod na sasabihin. "Inatasan po ako ng kompanya na maghanap ng mga pwedeng maglingkod sa amin para bumilis ang aming trabaho."

"Trabaho?" sabi ng isang mamamayan sa likuran.

"Opo, trabaho po, Ma'am!" mabilis na sagot ng dayo. "Kailangan po kasi talaga namin ng mga trabahador ngayon para sa aming mga operasyon. Kung pwede lang naman, sana po tanggapin ninyo ang aming alok. Mataas po ang binabayad namin doon."

Lumakas ang usap-usapan sa gitna ng pagtitipon.

"Pera? Trabaho? Talaga?"

"Totoo ba ang sinasabi nito?"

"Ilang buwan na rin tayong naghihirap dito..."

"Di ba!"

"Paano na?"

"Hala!"

"Katahimikan mga kasama!" sabi ng pinuno. Nang humina ang daldalan, hinarap muli nito ang dayo. "Ikinalulugod namin ang iyong balita, Dalubhasa. Ngunit may trabaho pa kami rito. Sino ang mag-aalaga sa mga bukid namin kung aalis kami?"

"Ay! Napaghandaan na rin po namin iyan, Sir!"

Tumingin ang dayo sa matangkad na kahon sa kanyang tabi na kanyang dinala mula pa sa kompanya hanggang sa Karaan. Bago pa man makarating ang dayo sa itaas ng bundok ay malaki na ang pagdududa at pagtataka ng mga tao sa maaaring nilalaman nito.

"Ipakikilala ko po sa inyo ang pinakabago naming imbensyon!" Tinanggal ng dayo ang takip sa harapan ng kahon.

"Behold! Ito po ang Work-Intensive Kinematic Automaton, o kung tatawagin, ang W.I.K.A."

Nagulantang ang mga mamamayan ng Karaan sa kanilang nakita sa kahon: isang tao, pero hindi talaga tao. Mukha lang tao, ngunit mararamdaman kaagad ang kahungkagan nito. Isa lamang itong mekanikal na manika. Hindi pumipikit, hindi humihinga, hindi humuhukot. Parang yelo sa katigasan ng hubog.

Nanlaki ang mga mata ni Kamatutoan, napanganga si Sinultian, at napatitig lamang si Hunahuna. Lahat ng nasa pagtitipon ay nabighani sa kanilang nakita. Walang makaimik.

"Ba-bakit ka m-may gan-n-niyan?" nangangatal na tanong ng pinuno.

"Huwag po kayong mag-alala, Sir!" sabi ni Dalubhasa. "Isa po itong mabuting bagay para sa inyo!"

"Paano?" tanong ng isang galit na mamamayan.

"Oo nga!" sabi ng nasa likuran niya.

"Ano ba talaga iyan?"

"Halimaw!"

"Makadaragdag lamang iyan sa problema namin dito!"

"Nakakatakot…"

"Bakit mo iyan dinala dito?"

"Umuwi ka na!"

"Katahimikan!" galit na sabi ng pinuno. "Wala tayong mararating sa usapang ito. Dalubhasa, umuwi ka na. Hindi namin kailangang tanggapin ang alok mo."

"Pero mapapadali po ng W.I.K.A. ang trabaho niyo rito!"

"Dalubhasa."

Huminto sa pagpapaliwanag ang dayo. Bumuntong-hininga ito at tiningnan nang isa-isa ang mga nasa pagtitipon.

"Kung sakaling magbago po ang isip ninyo, alam niyo naman kung saan ako hahanapin," tumingin si Dalubhasa sa malaking gusali sa bayan at tumingin muli sa mga taga-Karaan. "Paalam at mabuhay po kayo."

Hinatak muli ni Dalubhasa ang kanyang matangkad na kahon palabas at pababa sa bundok. Pinagmasdan lamang siya ng mga mamamayan ng Karaan.

Nagsibalikan na ang ibang mga mamamayan sa kani-kanilang mga bahay. Nagkatinginan din nang bahagya ang mga magulang ni Kamatutoan. Nanginginig ang mga kamay ni Sinultian, habang malalim naman ang iniisip ni Hunahuna.

"Hunahuna, sa tingin mo ba totoo ang sinabi ng dayo?" sabi ni Sinultian.

"Hindi ko matiyak, pero may kutob na naman ako."

"Ano po ang gagawin natin ngayon?" sabi ni Kamatutoan.

Inakbayan ni Sinultian ang kanyang anak at hinagod nang mahinahon ang likod nito.

Tumingin naman si Hunahuna sa magandang tanawin ng palubog na pulang araw mula sa lilang langit, hanggang sa likod ng pusikit na gusali sa may paanan ng bundok. Nakita niya dito ang mahabang anino ng matangkad na kompanya sa katapat na bahagi ng araw, kung saan nalulubag nito ang isang maingay na bayan noong umaga. Ibang klaseng katiwasayan ang nararamdaman nilang lahat. Isang katiwasayang nasa bingit ng mundo, tulad ng araw.

"Unti-unti na namang nababalot ng dilim ang ating lunan," sabi ni Hunahuna. "Hindi ko maipalagay kung magandang bagay ba talaga ang ganito o hindi."

Ilang araw ang nakalipas ay gumuguhit na naman si Kamatutoan sa paanan ng punong mangga. Rinig ang ulyaw ng pagtatalo ng kanyang mga magulang sa kanilang kubo mula sa kanyang pwesto sa labas.

"Hindi!" sigaw ni Hunahuna. "Hindi ako papayag!"

"Pakiusap," sabat ni Sinultian. "Ito na lang talaga ang magagawa natin."

"Hindi!"

Bumalik na sa loob ng kubo si Kamatutoan at umupo sa banig. Binaba niya sa sahig ang kanyang kuwaderno at lapis at pinagpag ang kanyang damit. "Bakit po ba kayo nagtatalo?"

"Ito kasi," sabi ni Hunahuna habang kinakamot ang kanyang ulo, "kung ano-anong naiisip. Balak raw niyang magtrabaho na lang doon sa kompanya sa bayan."

Napatingin si Kamatutoan kay Sinultian nang may mga malalaking mata.

"Anak, hindi na natin kayang mabuhay na umaasa lang sa bukid. Kailangan kong lumuwas."

"Kalokohan! Dahil lang bumigay na ang ibang mga taga-rito sa Kaunlaran Inc. ay bibigay ka na rin? Mag-isip ka kaya muna!"

Minasahe ni Hunahuna ang kanyang noo at nagpatuloy. "Sinultian, marangal at mahalaga ang trabaho natin. Tayo ang nagpapakain sa mga tao rito!"

"Alam ko naman iyon."

"Kung alam mo, bakit mo pa pinag-iisipang magtrabaho roon? Hindi pa ba sapat dito?"

"Hindi naman sa ganoon," sagot ni Sinultian. "Sadyang mas maganda ang pagkakataon sa bayan. Tingnan mo nga ang mga bukid natin dito sa Karaan, may mga W.I.K.A. na! Hindi naman sila nakapapahamak sa ating mga pananim, nakatutulong pa nga, e!"

"Hindi pa!" diin ni Hunahuna. "Malay mo, magkamali tayo sa ating pinili, at baka tayo pa ang mapahamak sa huli."

"Hunahuna, mas lumakas ang bentahan at ani natin dito sa Karaan nang may naglakas-loob na magtrabaho na lang sa Kaunlaran Inc." sabi ni Sinultian. "Ano ba ang pumipigil sa atin para maglingkod na lang doon? Binibigyan naman nila tayo ng W.I.K.A. para mag-asikaso rito nang maayos. Walang problema!"

"Hindi mo naiintindihan," sagot ni Hunahuna. "Napagdaanan na naman natin dati ang kahirapan dito. Bakit ba kailangan mo pang ibenta ang sarili mo para lang sa kumpanyang iyon?"

"Hindi ko binebenta ang sarili ko!" bulalas ni Sinultian. "Hindi ko binebenta ang sarili ko..."

Sumara ang bibig ng kubo at nagsilayuan ang tanaw ng mga mata. Rinig ang huni ng mga ibon sa kalayuan ng bundok sa bigat ng katahimikan. Nahirapang pumiglas ang tatlo sa pagkabahala.

"Dito lang kami," pamasag na pasok ni Hunahuna. "Dito lang kami ni Kamatutoan. Kung nais mong lumuwas, bahala ka…"

Tumingin-tingin muna sa paligid si Sinultian bago tumungo sa pintuan ng kubo. Tumalikod siya nang bahagya sa kanyang pamilya at humakbang sa labas.

"Kailanma'y huwag niyong kalilimutan na para sa inyo naman ang ginagawa ko." Pumikit si Sinultian, huminga nang malalim, at dinala ang kanyang sisidlan tungo sa karatig na bayan.

Minasdan lamang nina Hunahuna at Kamatutoan ang paglakad ng kanilang kapamilya nang tahimik. Sa may sahig, may patak ng luhang matatagpuan sa papel ng kuwadernong bukas, kung saan may guhit ng mga mekanikal na manika sa isang bukid.

Sa sumunod na araw, may dumating sa harapan ng kubo nina Hunahuna at Kamatutoan. Kamukha ni Sinultian, ngunit makintab ang balat. Asiwa at magaspang ang kilos nito at malamig din ang damdaming sinasalamin ng mukha nito. Kinatok nito ang sawaling dingding ng kubo.

"Tao... po..." sabi ng dumating. "Nandyan ba... si Hunahuna... o Kamatutoan?"

Kababalik pa lamang ng dalawang magsasaka mula sa bukid nang makita ni Hunahuna ang nasa labas ng kubo. Dali-dali niyang itinago sa likod ang kanyang anak at tinagpo ang tingin ng kaduda-dudang kamukha ng kanyang asawa.

"Bakit?" sabi ni Hunahuna.

"Kayo po... ba... si Hunahuna?" tanong ng dalaw.

"Bakit?"

"Ako... po kasi ang... Work-Intensive Kinematic Automaton… o W.I.K.A. na in-assign… sa inyo… habang nagtatrabaho po... ngayon... si Sinultian… sa Kaunlaran Inc."

Lumalagitik at nangingisay pa ang mekanikal na kopya ni Sinultian. Bunga ito ng mga proseso sa sistema ng manika na hindi pa pino at tapos.

Sumilip si Kamatutoan mula sa likod ng kanyang magulang. Kinawayan at nginitian naman ito ng manikang kumakalatong.

"Sino po kayo?" tanong ng bata.

"Ako po… ang… Work-Inten-"

"Hindi po iyon," sabat ni Kamatutoan. "Iyong pangalan niyo po."

"Pangalan…" Napatigil ang manika sa gitna ng sinasabi nito. Rinig lang mula sa kanya ang ugong na katulad na lang sa isang kompyuter. "Wala po… akong pangalan…"

"Hindi ka binigyan sa kompanya?" sabi ni Hunahuna.

"Hindi po…"

"Wika," sabi ni Kamatutoan. "Iyon daw po ang katawagan sa inyo diba?"

"Opo…"

"Iyon na lang," sabi ni Hunahuna. "Pero sa labas ka lang ng kubo pwedeng manatili. Bawal sa loob. Naiintindihan mo ba?"

Umugong at lumagiktik ang manika. "Opo…"

Ilang araw ang nakalipas ay naatasan na rin si Wika ng kanyang mga gawain sa tahanan. Ang ibang mga taga-Karaan ay may sari-sarili ring kopya ng ibang mamamayang lumuwas tungo sa Kaunlaran Inc. Ang ibang mekanikal na manika ay nakaatas sa pagdidilig ng mga halaman, at ang iba naman ay nag-aasikaso sa mga gawaing-bahay. Kahit ang asawa ng pinunong nagtrabaho na rin sa kompanya ay may sariling manikang kopya na ginagawa ang madalas nitong gawin sa araw-araw habang namamahala ang kanyang kabiyak. Halos naging komunidad na rin ng mga manika ang Karaan ngayon.

Sa gitna ng takbo ng Karaan, may panahon na naman si Kamatutoan na gumuhit sa paanan ng punong mangga. Gumaling at bumilis na siya sa pagguguhit at pagkukulay ng kanyang mga likha na lumilitaw na ang mga imahen nito.

Sa may kubo, nilapitan naman ni Wika si Hunahuna.

"Tapos… na po ako… sa gawain ko…"

Hindi kumikibo si Hunahuna at hinuhugasan lamang ang mga basahang para sa dingding sa may poso ng kubo. Pinabayaan niyang nakatayong may puwang sa isip ang manika sa kanyang tabi.

"Ano naman... po ang... susunod?"

"Basta!" Magkasalubong ang kilay ni Hunahuna nang iniwanan niya ang manikang walang gagawing trabaho. Blangko pa rin ang mukha nito nang makita si Kamatutoan sa tabi ng punong mangga. Lumapit ito at tumabi sa kanya. Sa kanilang pagkakaupo, minasdan lamang nila ang kalangitan ng nayon.

"Para sa iyo, Wika," biglang tanong ng bata, "ano ba ang kaunlaran?"

Walang nagbago sa mukha ng manika. Tumingin lamang ito sa gusaling nasa kalayuan at lumingon sa likod kung nasaan ang bukid. "Ano… ang kaunlaran…"

"Oo, kaunlaran," ulit ni Kamatutoan. Huminto nang ilang saglit ito bago magpatuloy. "Matagal ko na kasing sinubukang unawain at aralin iyon. Sinubukan ko nang iguhit, sinubukang isapuso. Pero nalilito pa rin ako."

Umuugong pa rin si Wika na parang isang kompyuter sa gitna ng proseso. Malayo lamang ang tingin nito sa katotohanan ng buhay. "Isapuso…"

Napatingin si Kamatutoan sa kanya. "Isapuso?"

Tinignang muli ng bata ang kanyang kuwaderno at ngumiti nang bahagya sa tanawin ng bundok.

"Pagmamahal," bulong ng bata sa kanyang sarili.

Tumayo si Kamatutoan mula sa kanyang pwesto at tumingin muli sa manika. "Salamat, Wika. Babalik na ako sa kubo."

Nang maglakad ang bata patungo sa bahay, naiwang muli ang mekanikal na manikang nakaupo sa paanan ng punong mangga. Malamig-lamig ang damdamin sa mukha nito kahit nasisinagan ng araw ang kanyang buong katawan.

"Pagmamahal…"

Ilang araw ang nakalipas, napagpasyahan ni Kamatutoan na kausapin si Hunahuna habang nag-aaral. Nagtitiklop noon ng mga sampay si Wika dahil sa nagbabadyang ambon kaya hindi dapat ito makasagabal sa kanila.

"Napapansin ko po," sabi ng bata habang nagsusulat. "Hindi niyo po gusto si Wika."

"Maaari bang ipagpatuloy mo na lang ang iyong gawain, anak?" Kumibot ang isang mata ni Hunahuna nang mabanggit sa kanya ang pangalan ng manika. "Mas mahalaga iyang pag-aaral mo."

"Hindi po," matatag na sagot sa kanya. "Labag po sa kalooban kong nahihirapan kayo at hindi ko po maunawaan ang problema."

"Pwede ba?" sigaw ni Hunahuna. "Tantanan mo na lang ako? Parang mas marami ka pang alam kaysa sa akin, e!"

Bumakas ang makintab na tulo ng luha mula sa mukha ni Kamatutoan sa ilalim ng ilaw ng kandila nang masigawan ito. Wala itong magawa kundi punasan ng kanyang braso ang tulo.

Pumasok sa kwarto si Wika nang may dala-dalang isang tumpok ng mga tinuping damit. "Tapos… na po ako..."

"Kasalanan mo ito!"

"Po?"

Pinaghahampas ni Hunahuna ang dibdib ng mekanikal na manika nang umiiyak. Muntik nang mahulog ito sa balanse dahil sa pwersa ng pagkakatulak sa kanya. "Akala mo mapapalitan mo si Sinultian? Hindi! Imposible! Akala mo nakatutulong ka rito sa amin? Hindi!"

Blangko pa rin ang mukha ni Wika kahit bugbog-sarado na siya sa rami ng kanyang tama.

"Tao ka ba? Tao ka ba? Manika ka lang! Kung pwede lang sana, bumalik ka na sa pinanggalingan mo! Sinisira niyo lang ang buhay namin dito!"

Pinagpapalo at pinagsusuntok ni Hunahuna ang manika hanggang sa matumba na ito sa sahig. "Umalis ka na sa buhay namin! Inagaw niyo si Sinultian sa amin!"

Hindi na napigilan ni Kamatutoan ang kanyang paghagulgol. Lumisan siya mula sa kwarto nang mabilisan at hindi na niya pinansin ang dalawang naiwan. Napatili na naman si Hunahuna habang nakakuyom ang kanyang mga kamao.

"Suko na ako!" sabi niya sa manikang nasa kanyang ilalim. "Ibalik niyo na sa akin si Sinultian!"

Humagulgol si Hunahuna kasabay ng sigabo ng hangin. Lumabas din ito nang mabilis sa kwarto at iniwang nabuwal si Wika. Kasinlamig ng simoy ng kakasimulang ulan na pumapasok sa kubo ang damdamin sa mukha ng manika. May mga patak ng tubig na matatagpuan sa mukha nito na kasabay tumulo sa lagapak ng ulan. Sa lakas ng ihip ng hangin, namatay ang apoy sa kandila.

Sa sumunod na araw, nakaratay si Kamatutoan dahil sa kanyang pagtakbo sa ulan. Dinapuan siya ng ubo't sipon kaya kailangan muna siyang alagaan ni Hunahuna.

Kung babasahin ang mukha ni Wika, parang walang nangyari ang makikita rito. Nilapitan niya ang dalawang nasa banig nang may dala-dalang sisidlan.

"Babalik… na po ako…"

Nakakunot pa rin ang mga kilay ni Hunahuna at namumula ang kanyang mga mata. Hindi niya sinagot ang paalam ng manika. Hindi rin makasagot ang namumutlang Kamatutoan dahil sa kanyang kalagayan. Pinunasan na lamang ni Hunahuna ang kanyang anak.

Lumuwas si Wika tungo sa gusali sa bayan nang hindi nababati ng kanyang mga nakasama. Sinunod lamang niya ang utos ng kanyang amo at naglakbay sa bayan hanggang makarating sa malaking senisadong gusali ng Kaunlaran Inc.

Sa loob nito ay makabago ang teknolohiya at propesyonal ang mga kawani. Ang istilo rin ng mga kulay ay sumusunod sa itim at bughaw. Diniretso ni Wika ang tanggapan ng kompanya.

"Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo ngayon?" sabi ng tekladong aparato ng tanggapan sa manika. Matatagpuan sa harapan nito ang isang pabilog na maliit na butas.

Idinikit ni Wika ang kanyang hintuturong may kakayahang maglabas ng isang karayom sa dulo nito sa nasabing butas. Sa ganitong paraan, binuksan niya ang database ng kompanya. "Saan ko mahahanap si Sinultian? Isa siyang magsasaka mula sa baryo ng Karaan."

"Pumunta kayo sa F187 P63," balik ng index sa kanya.

Sumakay si Wika sa elevator ng gusali para makapunta nang mabilis sa kanyang paroroonan. Layon niya kasing hikayatin na lang na bumalik si Sinultian sa kanyang pamilya, at pagkatapos ay magpahinto na ng kanyang serbisyo sa kompanya bilang W.I.K.A.

Iyon dapat ang plano niya, kung hindi lang niya sana nakita ang loob ng F187 P63.

Pagkabukas ng awtomatikong pinto sa kwarto, malaking kaayusan ang nakita niya. Punong-puno ng mga kama ang lugar na ito. Maraming nagkakabuhol-buhol nang mga kableng nakakabit sa mga instrumentong nakadikit naman sa mga ulo ng mga tao ang makikitang nakakalat sa sahig at sa dingding. Sa gitna ng lahat ay may isang malaking kompyuter na nakakabit naman sa isang tubong umaabot sa kisame. Sa paanan din ng malaking kompyuter ay may matatagpuang isang pamilyar na hubog na nakasuot ng polong itim at bughaw. Ito nga ay is Dalubhasa.

"Ano… ito…" sabi Wika.

Biglang napalingon si Dalubhasa sa kanyang narinig. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niya ang mekanikal na manika. Tinitingnan niya nang mabuti ang walang kaimik-imik na mukha nito.

"Hindi ako nagkakamali," sabi ni Dalubhasa. "Isa ka sa mga W.I.K.A. di ba? Ang dami nang nagbago sa'yo! May mga yupi-yupi ka pa."

Tumingin lamang si Wika sa natutuwang kawani ng kompanya.

"Ay! Halika, halika! Libutin natin itong kwarto."

Ipinakita ni Dalubhasa kay Wika ang iba't ibang bahagi ng kanyang laboratory mula sa mga kable, hanggang sa mga butones ng kanyang malaking kompyuter.

"Dito sa screen, may naka-flash tayo na Logarithmic Tag Cloud. Doon naman, nakalagay sa monitor ang Transfer Regulator. Halika, halika!"

Habang nililibot nila ang kwarto, may napansin si Wika sa isa sa mga taong nakahiga sa kama. Kahit may nakakabit na instrumento sa ulo nito, nakikilala niya ang hitsura nito. Nilapitan niya ito at sinundan naman siya ni Dalubhasa.

"Iyang tinitingnan mo ay ang source subject mo," sabi ng kawani. "Ilang buwan na rin naming kinukuhanan siya, at ang iba pa rito, ng data para mapatakbo kayong mga W.I.K.A."

"Data?"

"Sa tingin mo, paano mas naging fluid ang pagkilos mo? Saan nanggagaling ang hitsura mo? Biglaan na lang?" Tinapik ni Dalubhasa ang tiyan ni Sinultian. "Galing lahat ng kung ano ka man sa kanya, sa source subject mo."

Tinitigang mabuti ni Wika ang nakapikit at nakahigang Sinultian. Napansin din niya ang iba pang mga mapuputlang source subjects mula sa Karaan, at pati na rin sa iba pang mga bayan.

Isa lang ang pumasok na imahen sa mga proseso na nagaganap sa kanyang looban: ang hitsura ni Kamatutoan na may sakit sa kanilang kubo.

Tinanggal ni Wika ang instrumentong nakakabit sa ulo ni Sinultian. Hinugot din niya ang iba pang mga kordon at kable na malapit sa kanya.

"Anong ginagawa mo?" nagulantang na sabi ng kawani. "Sinisira mo ang Transfer System!"

"Patawad… pero mali… po ito…"

Sa bawat instrumento at kableng tinanggal ni Wika sa mga source subjects, mas lalong nabalisa si Dalubhasa. Dali-daling hinanap ng kawani ang emergency contact system ng kwarto para humingi ng tulong. "Hello? Security!"

Nang magkamalay ang mga source subjects, hinarap sila isa-isa ng mekanikal na manika. "Bilis… Umuwi na… po kayo… Masama po… dito…"

"Sino ka?" Lumapit si Sinultian sa mekanikal na manika.

"Basta po… Kailangan na... nating umalis…"

Kahit naguguluhan si Sinultian sa tila salaming nakikita niya sa kanyang harapan, ramdam niya sa kanyang sarili na panatag at mapagkakatiwalaan ito. Tumulong siya sa ginagawa ng manika.

Nakabawi sa hilo ang karamihan sa mga tao at dali-daling tumungo palabas. Sa dagsa ng rami nila, nadaganan na rin si Dalubhasa. Pagkaabot nila sa may elevator, pabukas na rin ang isa pang pinto na puno naman ng mga pulis. Sinundot ni Wika ang kanyang karayom na daliri sa may panel sa dingding para ma-hack ang pagbukas ng pinto.

"Paano na ito?" sabi ni Sinultian. "Maiiwan ka namin dito."

Napasimangot ang pulutong ng mga source subjects nang maintindihan nila ang sitwasyon. Kahit gaano karaming elevator man ang mabukas para sa mga tumatakas, kailangan ding masara ang daanan ng mga pulis para hindi sila mahuli.

"Umalis na… po kayo… Susunod po… ako…"

Nakinig naman ang mga source subject kay Wika. Pumasok na silang lahat sa mga elevator at tumakas sa gusali ng Kaunlaran Inc. Sa panahon ding ito bumukas ang mga pinto para sa mga pulis.

Doon muli sa Karaan, natanaw ng ilang mga mamamayan ang papalit na mga nanghihinang taong may suot na hospital gown. Napansin nilang ito ang kanilang mga kababayan at agarang tinulungan ang mga ito.

Isa na si Hunahuna sa mga nangunang umagapay sa mga source subjects ng Karaan. Nakatulong din si Kamatutoan sa iba dahil nakabawi na siya sa kanyang sakit.

"Alalang-alala kami sa inyo!" sabi ni Hunahuna. "Ano ba ang nangyari at hindi niyo man lang kami nakausap?"

"Huwad ang pangako ng Kaunlaran Inc." sagot ni Sinultian. "Dinakip nila kami at ginawang laruan para sa mga eksperimento nila."

Tinanaw ni Hunahuna ang mga W.I.K.A. na nasa bukid. Sinundan din ng iba ang kanyang tingin.

Huminga nang malalim si Hunahuna. "Basta ang mahalaga, nakabalik na kayo."

Nagkayakapan ang mga pamilya sa baryo ng Karaan. Lumigaya at lumiwanag ang mga mukha ng mga mamamayan at nagsibalikan na sila sa kani-kanilang mga bahay. Naiwan lamang sa bingit ng bundok, sa may paanan ng punong mangga, si Kamatutoan. Tinanaw niya ang malaking gusali sa karatig na bayan. Nilapitan siya ng kanyang mga magulang.

"Sa tingin niyo po ba, babalik pa siya?" sabi ni Kamatutoan nang hindi inaalis ang mga mata sa tanawin ng takipsilim.

"Sino?" tanong ni Sinultian.

"Si Wika," sagot ni Hunahuna. "Siya ang nakasama namin dito habang wala ka."

"Talaga?" sabi ni Sinultian.

"Parang naging pamilya na rin po namin siya," sabi ni Kamatutoan.

Napatingin na lang din si Sinultian sa tanawin ng bundok at huminga nang malalim. "Kung pamilya siya, babalik at babalik din iyon."

Nginitian ni Sinultian ang kanyang asawa at anak. "Halika na. Bumalik na rin tayo."

Tanghaling tapat ng sumunod na araw, may dumayo na naman sa baryo ng Karaan. Nagtipon-tipon ang mga mamamayang may abot-taingang mga ngiti sa kanya. Kahit sina Sinultian at Hunahuna ay nakangiti. Pero sa lahat ng naroon sa panahong iyon, si Kamatutoan na ang may pinakamataas na ngiting abot-langit.

Ang dayo ay mainit, kumakalantong, at umuusok pa sa pagdating nito. Pero sa kabila ng gulanit nitong hubog, mayroon din itong ngiti sa mukha nito.

"Pagmamahal…"

You Might Also Like

0 comments: