filipino,

Literary (Submission): Manlalakbay

8/24/2019 09:00:00 PM Media Center 0 Comments




Ako’y isang manlalakbay
Ako’y isang dayuhan
Ako ay nagtungo
Dumako sa kung saan-saan

Malalayong lupain
Malalalim na katubigan
Aking tinahak
Aking tinawid

Samu’t saring mga tao
Iba’t ibang kulay
Aking nakasalamuha
Iba’t ibang tinig

Kanilang wika
Bago sa aking panrinig
Aking nilabas
baon kong Ingles

Pagkalito, pagkagulat
Bakas sa kanilang mga mukha
At sila’y sumagot
Sa kanilang sariling wika

Kung ang nais ko ay manatili sa kanila
kailangan kong sanayin ang sarili.
Susundin ko ang kanilang kultura,
Bilang tanda ng pagrespeto.

Aking dila
ay kailangan kong hasain
Sa sining ng paggamit
at pagsalita ng kanilang wika

Sa aking pag-uwi
Sa inang bayan kong mahal
Napansin kong ang aking mga kababayan
ay ilag gumamit sa sariling wika

Banyaga ang mga salita
Na lumalabas sa kanilang mga bibig
Sila pa ang nakikibagay
Sa mga dayuhang dito ay naglalagi

Bansag pa nga nila sa mga hindi marunong
Ng wikang banyagang naghahari
Mahina! Mahirap!
‘Di edukado! Walang alam!

Ako ay isang manlalakbay
Ako’y isang dayuhan
Hilig ko ang matuto
Ng iba’t ibang kultura’t wika

Kultura’t wika
na pinapangalagaan
at tinuturo’t pinapalaganap
ng mga bansang aking napuntahan

Sa dami ng aking natutunan
At minahal na mga wika
Ako’y babalik at babalik pa rin
Sa wikang aking kinagisnan

Wikang Filipinong napakayaman
at kay ganda sa tainga
na sa kasawiang palad
Ay isinasantabi natin at ‘di nalilinang

Di tulad sa ibang bansa na
Ipinagmamalaki ang kanilang pagkakakilanlan
At hindi sumusuko at nagpapadaig
sa kultura ng mga dayuhan

Pangarap ko ay makita ang araw
Na hindi tayong nahihiyang magsalita ng sariling wika
Makita ang araw na mawala ng tuluyan
Ang diskriminasyon sa hindi marunong ng salitang banyaga

Makita ang araw na
tayo ang siya pang dadayuhin,
Upang matutunan naman
ang kultura nating tunay na mayaman

You Might Also Like

0 comments: