filipino,
Literary (Submission): Nagliligtas
*Hindi ito hango sa totoong pangyayari. Ginamit na batayan ang ilang paksang tinalakay sa klase ng Peryodismo, ngunit malaking bahagi ay mula sa likhang-isip ng may-akda.
Noong lumapit sa akin ang kaibigan ko upang mang-imbita sa pagsimula ng diyaryong pampaaralan, hindi ako gaanong nasabik. Sa lahat ng maaaring gawin upang mabigyang-buhay ang ordinaryo’t nakababagot nang gawain ng estudyante sa modernong taon ng 1973, ang pagsimula pa ng diyaryo ang kaniyang iminungkahing ideya? Sinabi ko pa ngang mayroon na dating mga school paper, ang UP Scroll at UP Highlight, na mukhang hindi naman gaanong itinangkilik ng mga estudyante. Sa kabila ng mga ito, tinuloy niya pa rin ang ideya, at sumama rin ako upang maging mabuti at matulunging kaibigan. Sabi rin ng aming guro na magiging maganda ang paglagay ng ganito sa aming mga résumé sa panahong maghahanap na kami ng trabaho. At iyon, nagsimula ang kwento.
Ang pangalan ng aming binuong diyaryo ay Ang Aninag. Nagsimula kami sa mga simpleng artikulo tungkol sa mga nangyayari sa loob ng kabuuan ng Unibersidad. Bawat linggo ay naglabas kami ng mga pisikal na kopya ng balita, at bawat linggo ay mayroong nagbabasa. Dumami nang dumami ang tumulong sa diyaryo hanggang sa nagkaroon din kami ng mga seksyon para sa Agham at Teknolohiya, Sining, at iba pa. Nakatutuwa ang tugon ng mga tao. Dumating din ang oras na may dumagdag na seksyong pampanitikan sa Ang Aninag.
Matapos ang ilang linggo lamang ng pagsulat sa Aninag, nahanap ko ang kasiyahan sa pagsulat sa diyaryo. Nagkaroon ako ng boses at mahalagang papel sa pagbahagi ng impormasyon sa pamamagitan ng papel sa paaralan. Hindi ko namalayan ang tunay na epekto ng aming inililimbag hanggang dumating ang isang araw na mayroon akong nakitang dalawang freshman na nagtatalo sa harap ng silid-aklatan, kung saan nakapwesto ang mga diyaryo. Sa aking narinig, pinag-aawayan nila ang estado ng bansa at ang pamamalakad ni Pangulong Marcos. Bumigat ang aking loob. Alam ko ang kahalagahan ng aming isinusulat, ngunit ngayon ko lang nakita ang epekto ng mga ito sa estudyante. Pagkatapos noon ay nagkaroon ako ng bagong perspektibo at uminit lalo ang apoy sa aking dugo para sa pagsusulat. Nag-iba na ang dahilan ng pagsulat: hindi na lamang libangan, hindi na lamang pampalipas-oras. Mayroon akong boses at mahalagang papel.
Tinuloy namin ang pagsulat. Tumuloy ang pagdiskurso, ang paglimbag ng mahalaga sa mga estudyante, ang laban para sa kamalayan. Sa pagdaan ng mga taon, lalong naging mahalaga ang aming diyaryo. Lumaki nang lumaki ang populasyon ng mga estudyanteng nakikilahok at nagsusumite ng kanilang mga gawa, at unti-unting naging mas madali ang aming mga trabaho. Hindi ko masasabing hindi ko na-miss ang paghawak sa lahat ng aspeto ng diyaryo, ngunit, iyon ang kailangan upang makamit ang aming layuning mamulat ang mga mag-aaral.
Sa kabila ng bigat at kahalagahan ng aming ginagawa, hindi naman lahat noon ay seryoso. Tulad nga ng aking binanggit, nagkaroon ng iba’t ibang seksyon ng sulatin, at ang aking paborito ay ang seksyong pampanitikan. Ay, dito matatagpuan ang tunay na katuwaan at kagalakan ng kabataan. Mula sa mga loko-loko at matatapang na kwento tungkol sa nakakikilabot naming gurong hindi na gaanong pinilit pa ng manunulat na itago ang identidad, hanggang sa mga tula tungkol sa pagtakas ng tingin at ningning ng mga mata na ubod ng kilig, dito nailabas ng mga estudyante ang kanilang kinikimkim na personal na damdamin. Dito tumatakas ang mga tao sa tuwinang nagiging masyadong nakatatakot o mabigat ang mundo.
Ako’y isa sa mga taong iyon. Hindi alam ng mga mambabasa na ako ang nagsulat ng ilan sa mga tulang tinitilian nila, o kaya’y iniiyakan. Ako mismo’y isang dramatiko at romantikong tao, kaya’t walang-katapusan ang aking inspirasyon para sa kathang-isip na sulatin. Ang kaibigan kong nandoon na sa simulang-simula ng diyaryo, ang pinakamatalik kong kaibigan, lamang ang nakakaalam na ako pala ang sumusulat sa ilalim ng pangalang “Aliwalas”. Naaalala ko pang napakaraming nagtatanong noon kung sino ‘yun, lalo na’t dahil hindi pa sikat ang paggamit ng ibang pangalan sa pagsulat. Lagi ko na lamang tinatawanan at hindi binibigyang-pansin ang mga sulat na nagtatanong; sariling sikreto na lamang ng manunulat ang kaniyang pisikal na anyo matapos niyang ibunyag ang kaniyang mga isipan at emosyon nang hubo’t hubad.
Sa lahat ng aking pinagdaanan sa paaralan at sa buhay, ang pagsulat na lamang ng mga tula ang nagliligtas at nagbibigay sa akin ng pagkakataong huminga. Hanggang sa puntong iyon ay hindi ko napahalagahan ang ekspresyon. Sa mga oras na ako’y malungkot, ang pagsulat lamang ang nakapagpagaan sa aking mga damdamin. Sa mga oras na ako’y takot o kinakabahan, sa mga tula ako nakahanap ng kamay na mahahawakan, ng pagtuwid ng mga iniisip. Sa mga oras naman ng kasiyahan, sa sanaysay ko naisiguro ang pagdala ng mga emosyong ito kahit saan man ako pumunta.
Nasisiyahan akong makitang hanggang sa panahong ito ay buhay na buhay ang diyaryong aming binigyang-buhay, at bumuhay din sa aming diwa. Napakalaking karangalang makibahagi sa pagpapalaki at pagtuturo sa mga matatalino, moral, at mulat na mga mag-aaral na puno ng pagmamahal sa buhay, bayan, at kapwa.
Siguro nga’y inaya ako ng kaibigan kong iyon na magsimula ng diyaryo dahil nakita niyang ikabubuti ko ito. Hanggang sa araw na ito, patuloy pa rin ang aking pagsulat. Oo, hindi laging mabuti ang naidudulot; hindi laging masaya. Napakaraming kalungkutan at kasamaan sa mundo. Ngunit nakatutulong tayo sa pagbigay ng boses sa mga ito at nakatutulong tayo sa pagbigay ng taingang makikinig. Sa paraan lang na ito natin mabibigay ang hustisyang nararapat sa bawat tao, sa bawat isa sa atin. At sa kabila ng lahat ng mabibigat na damdamin ay nararanasan ko rin, nakikita, nararamdaman, ang mga bagay na karapat-dapat sulatan ng limanlibong saknong, ang mga bagay na nagbibigay-buhay sa bawat modernong taon, ang kasiyahang sinusulatan ng mga nobela at nararapat na ipakalat sa lahat ng mambabasa. Sa dulo ng lahat, masasabi kong malaking bahagi ng pagligtas sa mundo ang pagsulat sa diyaryo. Ngunit niligtas din nito ako.
0 comments: