atticous,
Literary: Sinigang… na Salmon
“Dad, pa-buy the Parmesan-crusted salmon from the fine dining po. Basta not the sinigang one, ha, kasi it’s so kadiri!”
Ito ang kanyang inutos sa kanyang ama kanina. Gamit ang kanyang banyagang pananalita, binilin niya sa kanyang tatay na bumili ng pagkain sa labas sapagkat ayaw niya ang luto ng kanyang ina.
Puro na lang kasi sinigang na bangus ang niluluto kada hapunan. ‘Pag uuwi galing paaralan, sinigang na bangus! Pagkasimba, kakain na naman ng sinigang na bangus!
Nagsimula ang kanyang pagkamuhi sa putaheng iyon nang nagluto si mama ng kakaibang sabaw na ang ngalan ay sinigang. Sabi raw niya, malinamnam ito dahil may halo itong sampalok at may bangus na lumalangoy sa loob. Sumunod naman siya sa kanya, dahil ang unang akala niya'y magiging masarap ito – tulad ng salmong palaging binibili ng kanyang ama.
Hindi niya alam ang ibang mga sangkap nito, bukod sa sampalok at isda. Sabik na sabik siyang tikman ang sabaw, ngunit nang hinigop niya ang putahe at nginuya ang sinubong bangus, agad na bumagsak ang kanyang kutsara sa aking pinggan. Muntik na siyang mapatakbo sa lababo dahil sa pagkaayaw niya sa nakain.
“Ma, the sabaw is so kadiri. Puwe!”
Kaya mula noon, hindi na siya kumain ng sinigang na bangus. Nandiri siya sa sabaw na iyon, maging ang kahalo nitong karne. Sinigang na baboy, puwe. Sinigang na hipon, puwe. Basta may sinigang, puwe! Naging mas maarte siya sa mga kinakain. Hindi nagtagal, at tinanggihan niya na rin ang lahat ng mga putaheng Pilipino – ang pang-almusal na sinangag, pananghaliang tinola, pangmeryendang bibingka, at panghapunang galunggong. Puro na lang mga pagkain ng mga dayuhan ang kanyang binibili.
Sa paglipas din ng panahon, nagbago ang kanyang pananalita. Hindi na siya masyadong nagsasalita ng tuwid na Filipino. Di lang kay Tatay tuwing magpapabili ng pagkain. Di lang kay Nanay tuwing magrereklamo sa kanyang luto. Pati na rin sa kanyang mga kaklase tuwing may pagpupulong, kahit pa sa drayber ng dyip – sa lahat ng mga nakakausap niya, kahit saan.
Ginawa niya ang lahat upang makalimutan ko ang sariling wika. I made English my “native”, I made gaya na the coñotics. Kaya puro “You make pasa the so bigat na libros forward!” at “Make bilis, Manong Driver, I’m nagmama-hurry!” na lang ang nasasabi niya.
Alam ng kanyang nanay na ayaw niyang kumain ng sinigang na bangus. Pero ayaw niyang makita ang kanyang anak na hindi maging maka-Pilipino. Di kumakain ng di-Pilipino na pagkain. Di bihasa sa sariling wika. Habang nasa labas si Tatay, naisip niyang ihalo sa pinakaayaw niyang sabaw ang pinakagusto niyang isda.
Pinagmalaki ng kanyang ina ang kanyang niluto, "Anak, ang hapunan ngayon ay sinigang... na salmon."
Nagulantang siya nang narinig ang sinabi ng kanyang nanay. Alam niyang naroon ang kanyang paboritong isda – ang rosas na kulay nito, ang preskong halimuyak nito. Pawang mga magagandang katangiang haka niya'y mayroon sa mga banyagang lengwahe. Pero naroon din ang kulay ng sampalok na masakit sa mata, ang nakakahilong amoy nito. Pawang mga katangiang binabatikos niya sa sariling wika. Pinili niyang paniwalaan ang huli, kaya hindi niya binuksan ang kaldero sa mesa.
Habang nasa kusina siya, dumating ang kanyang tatay. Dala ang paboritong Parmesan-crusted salmon ng kanyang anak. Hindi na siya makahintay kainin ang laman nito na malarosas, mabango, at may halong impoted na keso. Nilapag ang putahe sa may bandang kaliwang bahagi ng mesa.
Malamang ay pinili niyang kainin ang Parmesan-crusted salmon. Ngunit nang binuksan niya ang kahon sa loob, muntik na siya mapanganga sa pandidiri. Amoy malansa ito, tulad ng “mabahong” amoy ng bangus sa sinigang. Nang tinignan niya ito, hindi na masaganang rosas ang kulay nito, at naduwal siya sa amoy sa kesong halo nito. Sa ibang salita, napanis ang salmon.
Dapat niyang tatanungin ang kanyang ama kung bakit malansa ang amoy ng salmon. Bakit the salmon so baho? Why you did not make tignan the isda bago you made alis? Ngunit nawala na ang tatay sa kusina, at pumunta sa kanyang kwarto. May nakalagay na patalastas na "HUWAG PUMASOK" sa busol nito. Naramdaman din ng kanyang anak na mahanging lamig mula sa pinto. Patay na rin ang ilaw sa loob nito.
Hinanap din niya ang kanyang nanay pero hindi niya ito nakita. Nahinuha niyang nasa kuwarto na rin siya, at tulog na ang kanyang mga magulang. Nakakahiya namang gisingin ang kanyang tatay at nanay, kaya dumiretso na lang siya sa kusina.
Paulit-ulit niyang sinabi na ayaw niya sa sinigang na niluto ng kanyang nanay. The sabaw is kadiri, the sabaw is so diri! Ayaw niyang lumapit dito, dahil sa takot na baka sumuka siya. Hinayaan niya ang ang kanyang sarili na magutom sa halip na lulunin ang kanyang pagkamuhi sa Pilipinong putahe.
So lansa, so lansa, so lansa! Kahit sobrang masakit ang kanyang tiyan, hindi pa rin siya kumain. Hanggang sa maalala niya ang payo ng kanyang ina tungkol sa pagpili sa kakainin noon.
Naalala pa niya kung gaano siya nagalit sa pinakain sa kanyang sinigang na salmon kanina. Maasim ito, nakakawalang-gana ang hitsura, nakakahilo ang amoy. Gayunman, galing sa mga sariwang kasangkapan naman ito, at hindi bilasa ang isda.
"Anak, maaaring hindi kaaya-aya ang anyo nito. Pero, hindi naman malansa ang salmon sa sinigang! Tikman mo, fresh na fresh pa!"
"Eh pero, I find it so kadiri-ish eh!"
"Isa pa 'yang pagkokonyo mo. Isipin mo, ang pagsalita gamit sa sariling wika ay tulad ng pagkain ng sariwang isda. Tulad ng ating wika bago inimpluwensyahan ito ng mga banyagang wika, hindi pa ito nabubulok ng mga salik sa labas. Kung naiwan ba magdamag, kung hindi ininit.
Kinumpara niya ito sa biniling Parmesan-crusted salmon ng kanyang tatay kanina. Ibang-iba ito sana sa sinigang na niluto ng kanyang ina – nakapagbibigay-gana, masarap ang lasa. Pero, malansa ang amoy! Dahil sa mga salik sa labas – naiwan ito nang matagal sa loob ng kotse, kaya napanis. Tila'y may isang boses na nagpaalala sa sinabi ng kanyang ina noon – pero ang kabaliktaran, "Ang di pagsasalita gamit sa sariling wika ay tulad ng pagkain ng malansang isda."
Umalingawngaw sa kanyang isip ang mga pariralang “malansang isda” at “sariling wika” at napamuni-muni siya. Nakita niya ang kanyang pagkakamali, na kung paano siya naging tulad ng malansang isda na tinapon kanina, na kung paano niya tinakwil ang kanyang sariling wika sa loob ng kanya buhay. Inamin niya, mababa ang naging tigin niya sa kulturang Pilipino. Dahil lang sa paniniwalang mas de-kalidad at sibilisado ang pamumuhay na banyaga.
Nilaro niya muli ang mga alaala sa kanyang utak – ang pagtanggi sa mga luto ng kanyang nanay at pagbago sa paraan ng kanyang pananalita. Hanggang sa hindi na niya kayang tiisin ang sakit ng tiyan niya. Kaya, kinalimutan niya muna ang kanyang pagkamuhi sa sinigang na niluto ng nanay. Kumuha siya ng mangkok at sinalin niya roon ang sabaw. At tulad ng kanyang ginawa nang una niyang nakita ito, hinigop niya ito. Hindi naman maasim. Hindi masakit sa mata. Masarap naman pala. Di niya inakalang mabubusog siya, at mauubos niya ang buong kaldero.
Nang siya ay tapos nang kumain, napasigaw siya, “Kay sarap pala ng pagkaing ito!” Wala nang pagkamuhi sa mga pagkaing Pilipino. Wala nang pilit at banyagang pananalita. Wala nang paghuhusga sa sariling kultura.
0 comments: