filipino,
Literary (Submission): Simpleng Salamat
Sa mga gabi na hindi matahimik ang mga boses sa likod ng aking isipan, sa mga gabing hindi mapakali ang mga kamay kong nanginginig, sa mga gabing may mga luhang hindi magawang lisanin ang aking mga mata… sa mga gabing ito, wala akong malapitan. Walang iba kundi ang panulat kong tahimik na humihimlay sa aking lamesa, katabi ang aking mapagkakatiwalaang kuwaderno.
Ang mga gabing ito, hindi ko matatanggi, ay ang pinakamadidilim na gabi. Tila ako ay nasa kalagitnaan ng kawalan at hindi ko matiyempuhan ang mga ulap na kumukubli sa aking paningin. Tila ako’y lumulutang, nawawala, naghahanap pero hindi alam kung ano ba ang aking kailangan.
Pero nakaraos ako. Nakaraos ako, salamat sa aking panulat na ginawang sining ang mga salitang nagkabuhol-buhol sa aking utak, sa aking kuwaderno na ginawang makasaysayan ang mga hindi pinapansin, kahit ng aking sarili, na mga kaisipan.
At nakaraos ako dahil sa MC. Pinatibay niya ang aking loob noong nawalan ako ng tiwala sa sarili. Nagawa niya akong aluin sa mga gabing ako’y nangangamba. Noong nararamdaman ko ang kalumbayan na hindi ko matakas-takasan, naroon siya upang samahan ako’t ipadama na hindi naman ako nag-iisa.
Nakaraos ako dahil napadama ng MC sa akin na may halaga naman pala ang aking mga salita. May halaga ang aking mga nararamdaman. May halaga ako.
Kaya salamat, MC. Salamat talaga.
0 comments: