boomerang,
Literary: Tahanan sa Labas ng Bahay
Hunyo 5, 2008
Tandang-tanda ko pa ang araw kung kailan mapalad akong nabigyan ng pangalawang bahay. Bahay na wala mang kamang tulugan, telebisyong panonooran, at salang tambayan, masaya pa rin ako dahil may malaking palaruan na matatakbuhan. Bahay na kahit wala man ang aking mga magulang, panatag ako dahil may mga guro na sa aki’y nakabantay at nakaalalay. Bahay na kahit hindi ko man kasama ang aking mga kapatid, maraming kasing-edad ko ang maaari kong makalaro—kakilala ko man o hindi. Bahay na matatawag kahit hindi lumalagpas ng anim na oras ang pananatili rito mula Martes hanggang Biyernes.
Kung pipili ako ng mga salitang maglalarawan sa pinagdaanan ko sa bahay na ito, ang mga ito ay “basic,” “malaya,” at “kaibigan.” Basic dahil dito mo malalaman ang mga pinaka-basic na konsepto sa buhay. Basic kung tawagin dahil ang lahat naman sa atin ay kinakailangang matutunan ito bago dumako sa mas kumplikado. Dahil dito, wari mo’y naglalaro ka pa rin kaya hindi mo malalamang ikaw pala ay nag-aaral. Dahil sa musmos na kaisipan, hindi mo aakalaing ang mga ito ay mahalaga. Malaya dahil hindi nakakahon sa iilang mga aktibidad ang iyong mga ginagawa. Araw-araw, may iba-ibang kuwento, iba-ibang paraan ng pagkatuto, at iba-ibang mga aralin. Malaya rin dahil hindi nakasentro ang iyong pag-iisip sa pagkatuto. Panghuli ang salitang kaibigan, dahil sa bahay na ito, kahit sino ay maaari mong kaibiganin. Isang beses lamang na makalaro mo siya sa palaruan o kaya naman ay makasabay mo siya magbasa ng libro sa silid-aklatan, magkaibigan na kayo.
Sa bahay na ito, wagas ang dami ng mga posibilidad ng mga maaaring mangyari. Isa lamang ang sigurado — dito mo makikilala ang pangalawang pamilya mo.
Hunyo 13, 2011
Pagkalipas ng mahigit tatlong taon, hudyat na ng pagbabago. Panibagong bahay at mga guro ngunit parehong mga kaibigan ang kasama. Lumalagpas na rin sa anim na oras tuwing Martes hanggang Biyernes ang pag-uwi rito. Dumating pa nga ang taon kung kailan limang beses sa isang linggo ang pag-uwi sa bahay na ito kaysa sa nakaugalian. Kahit wala nang palaruang matatakbuhan, nariyan naman ang Bulwagan na bagong tambayan.
Ang bagong bahay na ito ay maikukumpara ko sa isang embudo. Mula sa pagiging malaya ng dating bahay, ang pangalawa naman ang kabaligtaran. Mas maraming oras na ang kailangang ilaan para sa pag-aaral kaysa sa paglalaro. Sa bahay na ito kasi mapagtatantong umuuwi ka rito upang mag-aral at hindi maglaro. Nagsimula na ring magkaroon ng pormula ng mga mangyayari sa araw-araw. Araw-araw, pabigat nang pabigat ang konsepto ng “puntos” sa iyong isipan. Ngunit kahit na ganoon, nariyan pa rin naman ang mga taong handang tumulong sa iyo.
Sa bahay na ito, wagas ang dami ng mga posibilidad ng mga maaaring mangyari. Dahil sa murang edad, maaaring magkaroon ng mga hindi pagkakaintindihan na magbubunga sa pagkawala ng ibang mga miyembro ng pangalawa mong pamilya.
Hunyo 4, 2015
Pagdaan ng apat na taon, kinakailangan na namang lumipat sa isang panibagong bahay. Isang bahay na nakatatakot dahil sa laki’t nakalulula dahil sa taas. Sa katunayan, maaari mo nga itong ikumpara sa mga mall na itinatayo ng Ayala. Binubuo ito ng apat na parte. Isang parte na nakalaan para sa isang Gym, kung saan makikita ang mga atletang nag-eensayo tuwing gabi. Isang bahagi kung saan makikita ang mga opisyal ng paaralan at mga lugar na nakalaan para sa sayawan at kasiyahan. Isang bahagi kung saan ka mabubusog at mahahasa ang mga praktikal na gawain. Ang pinakamalaking parte naman ay apat na palapag ang taas. Dito nangyayari halos lahat ng mga pag-aaral. Huwag nating kalimutan ang Quadrangle, ang gitna ng tahanan na maituturing bilang sala.
Ang pagpasok sa malaking tarangkahan ng bahay na ito ay parang pagpasok sa pinto patungo sa totoong buhay—mahirap at hindi ka laging nasa rurok. Mahirap dahil parami nang parami ang mga kinakailangan, oo, kinakailangang malaman. Kasabay ng pagdami ng mga asignatura ay ang pagdami rin ng iyong responsibilidad. Sa hirap, minsan ay mapupunta ka sa pinakamababang punto ng iyong buhay. Sa kabila naman ng mga ito, masaya pa rin dahil sa mga taong iyong mga kasama. Masaya dahil kasama mo pa rin hanggang ngayon ang mga dati mong kaibigan. Mayroon din namang mga bagong makikilala, nakapagtataka dahil alam mong dapat sabay-sabay kayo papasok pero biglang may darating na bago. Nakapagtataka man, hindi mo na rin ito mapapansin kalaunan. Exciting dahil dito rin magbubukas ang pinto para sa mga oportunidad na hindi pang-akademiko. May iba’t ibang organisasyon para iba’t ibang interes. Maaari rin sumali sa mga varsity kung hilig mo ang pagbabanat ng buto.
Sa bahay na ito, wagas ang dami ng mga posibilidad ng mga maaaring mangyari. Maraming darating at aalis, tao man o oportunidad, kinakailangan mo lang masanay. Ang mahalaga ay ang pananatili mo sa tirahang ito.
Agosto 8, 2019
Panibagong sistema sa parehas na bahay. Ganoon pa rin ang bahay tulad ng dati, hindi nakakapagod mahalin. Bahay na wala mang kamang tulugan, telebisyong panonooran, at salang tambayan, masaya pa rin dahil ito ang ating pangalawang bahay. Hindi man orihinal na bahay, ang bawat isa’y naging kumportable na rin dito. Ang mga pasilyo ay ginagawang tulugan at ang silid-aklatan at Food Court ay tinatambayan.
Ang panibagong yugto namang ito ay maituturing na hagdan. Hagdan na magdadala sa atin papunta sa ating mga pangarap. Mas mahirap, syempre, pero masaya kahit na hindi mo nakakasama madalas ang iyong mga kaibigan. Ang mga kaibigang lagi mong kasama dati ay nakahahalubilo mo na lamang sa tuwing walang klase. Dito, tila ba higit na kapana-panabik ang pag-aaral dahil interesado ka sa iyong mga asignatura. Marami na rin ang mga oras na walang klase, kung kaya ginugugol mo ito sa mga bagay na hindi mo na magagawa sa oras na lisanin mo ang bahay na ito.
Sa bahay na ito, wagas ang dami ng mga posibilidad ng mga maaaring mangyari. Sa tagal ng pananatili, darating at darating ang oras ng pamamaalam.
Hulyo 8, 2021
Tatlong bahay ang nilipatan sa loob ng labintatlong taon. Kapag iyong nakita ang tatlong ito, iisang salita lang ang iyong maiisip—tahanan. Salamat sa pagpapatuloy sa iyong tahanan sa loob ng labing-tatlong taon. Mapadpad man sa iba’t ibang lugar sa mundo, hahanap at hahanap ng oras para makauwi sa’yo.
0 comments: