english,

Literary: Pauwi Sa'yo

1/22/2021 08:30:00 PM Media Center 0 Comments




Sa gitna ng nangyayaring kaguluhan
Isa lamang ang aking hinahangad
Ang makauwi sa aking tahanang
Maglalayo sa akin sa realidad

Munting tahanang matagal nabuo
Sa dami ng pagsubok na pinagdaanan
Tahanang binuo ng dalawang taong
Lubos na nagsisikap at nagmamahalan

Napakaraming inisip at isinakripisyo
Bawat haligi ng tahana’y pinatibay at hinulma
Ngunit nang nagtagal, ang tunay na bumuo
Ay ang dalawang pusong kalauna’y naging isa

Sa kabila ng paglalim at pagkakatatag
Hindi maiiwasang makaranas ng paghihirap
‘Di kailanman naisip na matitibag 
Ngunit ngayo’y tila nagbabago na ngang ganap

Saan ako nagkulang, may nagawa ba akong mali?
Mayroon bang problema, may ‘di ka ba nagustuhan?
Mahal ko, ikaw lamang ang aking minimithi
‘Di ipagpapalit sa iba, wala ka nang dapat katakutan

Handang gumawa ng paraan para ika’y makampante
Handa ring ipangalandakan sa mundo
Umaraw man o gumabi, umulan man o bumagyo
Ikaw ay akin, at ako ay sa’yo

O aking sinta, wala nang dapat ikatakot
Sa dami ng nalagpasan, ‘di na dapat pang magduda
Ang saya’t pagmamahal na iyong idinudulot
Palaging mararamdaman, saan man magpunta

Matapos ang lahat, buo pa rin aking damdamin
Hindi na hahayaang humadlang pa ang oras at layo
Kahit saan tumungo, ako'y uuwi pa rin
Sa tahanang natagpuan ko sa piling mo

You Might Also Like

0 comments: