feature,
Ohayōgozaimasu, visitors!
Feature: Sulyap sa kahapon ng UPIS
January na pala? Sadyang ‘di pa rin talaga kapani-paniwalang mag-iisang taon na tayong nasa lockdown. Ang bilis nga naman ng takbo ng panahon. Ngayong buwan ay nagpapraktis na dapat ang mga mag-aaral para sa darating na Powerdance. Nagpaplano na sana ang ilan na ipakasal ang kanilang kaibigan sa marriage booth. Naghahanda na sana ang mga musikero para tumugtog sa Battle of the Bands. Pero ngayon, hanggang pagbabalik-tanaw at pagtingin sa mga litrato na lamang muna ang magagawa natin.
Hays, sarap balikan ‘no? Ibang-iba talaga ang mga nakagawian noon—pagdagsa sa food court, pagtambay sa stone benches, tulungan para sa promposal, at kung ano-ano pang trip na gawin ng mga Isko’t Iska. Ito kasing si Ms. Rona biglang sumingit kaya’t naging online learning ang klase. Oo, ikaw ang may sala kung bakit hindi na namin naririnig ang bell tuwing 6:30AM ng Martes at kung bakit wala nang intrams at spelling bee!
Simula noong nawala ang mga bagay na nakasanayan nating gawin, para bang may kulang na piraso sa ating pagkatao.
Ang Martes sa UPIS
Tuwing Martes ay sinisimulan ng mga mag-aaral, guro, at mga staff ang linggo sa pamamagitan ng isang Flag Ceremony. Pinamumunuan ito ng mga estudyante mula sa seksyong nakatakdang mamuno para sa nasabing araw. Katuwang nila ang mga Scouts na nagbibitbit ng mga bandila. Pagkatapos ay...paalala. Bilang ito ang unang aktibidad sa buong linggo, hindi maiiwasan ang mga lutang moments kung saan nagkakamali ang iba sa pagbigkas. Syempre hindi natin puwedeng kalimutang ang iconic na mahabang pila sa driveway para sa mga hindi nakarating sa paaralan sa wastong oras.
Feeling freshie kapag may new ID
Oh 'di ba new year, “new me” lang ampeg. Ang mga estudyante’y labas-pasok sa C.R para lang makapagpraktis sa salamin kung paano ang tamang pagngiti kapag haharap na sa kamera. Sa paglalakad papuntang Registrar hanggang sa pag-upo at pagpila ay makakakita ng mga nagchichikahan at nag-aayos pa rin ng buhok. Nagpapabango pa yung isa, ‘kala mo naman maamoy sa camera. Gusto 'ata mag-artista.
“Good morning visitors!” Ito ang karaniwang paraan ng pagbati ng mga mag-aaral sa mga bumibisita taon-taon sa UPIS. Sila ay nagmula sa iba't ibang malalaking unibersidad sa ibang bansa partikular na ang Japan. Gamit ang wikang Ingles, sinusubukang ituro ng mga Japanese students ang paksang Agham sa mga Isko’t Iska habang nakikinig at nag-oobserba ang kanilang mga propesor sa likod. Ang masaya rito ay may mga hatid din silang groupworks at palaro. Kadalasan pa nga ay ibinabahagi nila ang kanilang mga laruan at hobby mula sa Japan. Pagkatapos ng kanilang pagbisita, kadalasa’y nagbibigay sila ng mga souvenir.
May picture taking din ang buong klase. Arigato gozaimasu!
Cosplayer lang yarn?
Tuwing papalapit na ang C.A EMA week, may isang event na talagang pinaghahandaan ng lahat. Ano pa nga ba? Syempre, ang Literally Literary Day o LLD. Ang mga at estudyante mga guro ay kinakailangang magsuot ng isang karakter na mula sa libro, palabas, o comics. Minamarkahan ng mga guro ang kanilang mga estudyante sa pagsusuot ng costume sa araw na iyon. Minsan ay ibabahagi pa sa klase ang napiling karakter. Minsan din naman ay nagiging pangkatang gawain ‘to. Nag-iisip ang mga estudyante ng nakakatawang performances na ibinabahagi nila sa klase. Pagsapit ng lunch o uwian ay pictorial naman! Kinikilig pa ang iba dahil inaaya nila ang crush nilang makipag-picture.
Memorable 4 days
Ang UPIS Days ay ginaganap tuwing Pebrero. Unang araw pa lang ay pasabog at bigay-todo na ang mga K-12 students. Paangasan at palakasan ng cheer upang ma-hype ang audience at ma-impress ang judges. Pagkatapos ay biglang yayanigin ng napakalakas na speaker ang UPIS grounds at magsisimula nang humataw ang mga Iska’t Isko.
Nakamit ang kampeonato at umaabot sa langit ang kaligayahan na nadarama. Ang oras na ginugol para sa praktis ay worth it! Ang mga runner ups naman ay nagpapasalamat pa rin dahil kahit papaano ay nagawa nila ang buong makakaya para makapagtanghal nang bongga.
Proud na proud din ang mga magulang at guardians na nanonood para sa pagsisikap na ibinuhos ng kanilang mga anak.
Sa ikalawa at ikatlong araw ng UPIS Days ay napakaraming aktibidad. Mainit na laban ng intrams, basaan at hulihan sa Jail booth, at kiligan sa Marriage booth. Kapag gutom na, diretso na lamang sa driveway para mamili ng gustong chichain. Mahaba man ang araw, umuuwi ang lahat na may baong masasayang alaala.
Sa huling araw ng UPIS Days, nagkalat sa mga koridor at mga silid ang mga nag-eensayong bandang maglalabanan para sa gaganaping Battle of the Bands. Cover man o composition ang kanilang pambato, nais nilang makamit ang championship at lalo na, ang mapasaya ang mga audience.
Punong-puno naman ng emosyon ang mga Grade 12 students dahil ito na ang kanilang “Huling Sayaw”. Kasiyahan at lungkot ang nangingibabaw dahil panibagong yugto na ang haharapin, malalayo sa mga malalapit na kaklase at ang diwa ng UPIS na tumatak sa kanilang pagkatao ay maaaring maging isang "nostalgic feeling" na sa hinaharap.
Ilan lamang ito sa napakaraming diwa ng pagiging estudyante ng UPIS. Ito ang normal na UPIS. Sa darating pang panahon, ang diwa ay maipapasa sa susunod na mga henerasyon. Maaaring mapanatili o magkaroon ng mga pagbabago, ngunit tiyak na pareho pa rin ang magagawa nito. Iyon ay ang magbigay ng mga natatanging alaala. //ni Gabby Arevalo
0 comments: