filipino,
Literary: Isang Sulat
Minamahal naming Inay,
Kumusta na po kayo? Sinabi po kasi ng mga kapatid ko na mukhang mas lumalala ang sakit ninyo. Naku, Inay, kung may mahahanap lang sana akong doktor na makagagamot sa inyo. Bakit ganoon, Inay? Ilang libong doktor na ang napuntahan natin, wala pa ring nangyayari. Di ka pa rin gumagaling mula sa iyong karamdamang kanser.
Hayaan mo, ‘Nay. Gagawin ko po ang lahat para gumaling kayo. Tatapusin ko po ang pag-aaral ko para ako na po mismo ang gagamot sa inyo sa hinaharap. Iyan po ang pangakong hindi ko kailanman malilimutan. Asahan po ninyo ako, 'Nay. Pati na rin ang mga susunod pang henerasyon ng inyong mga anak.
Ang tagal na po pala ng sakit ninyo, ano? Umabot ng limandaang taon ninyo tinitiis iyan? Baka nga ilang libong taon na po ninyo iyan tinitiis, hindi lang po namin alam. Siguro dahil kakaunti lang po ang alam namin tungkol sa inyong nakaraan. Sabihin na po siguro natin na ang Maylikha lang po sa inyo ang makaaalam niyan. Pero noong narinig namin ang kuwento ng inyong buhay mula sa mga naiwang larawan sa amin ng aming mga nakatatandang kapatid, mas naintindihan namin ang mga nangyari sa inyo ‘Nay. Kaya hinding-hindi maiaalis mula sa aming isipan ang mga karumal-dumal na nangyari sa aming mga kapatid nitong mga nagdaang taon. Alam kong may mga mabubuti rin namang naidulot ito sa atin.
Pero huwag nating hayaang maipagsawalang-bahala ang pagsasakripisyong ginawa ng inyong mga anak noong mga panahong iyon.
Sabi po nila, ito raw po ang pinakamahabang gabi sa buong buhay nila. Nagsimula ito noong dumalo sa inyo ang mga bisitang buhat sa ibang bansa. Bago pa man po raw sila dumating ay nakikita pa nila ang araw sa langit at mga ibong malayang kumakanta at lumilipad. Ngunit simula noong bumisita ang mga banyaga sa ating bahay, tila unti-unting lumulubog daw ang araw at palalim nang palalim ang gabi.
Alam ko po na hanggang ngayon, inaalam pa rin natin kung babalik pa ba ang araw sa atin.
Hindi pangkaraniwan ang gabing iyon, Inay. Nakatutuklap ng balat ang lamig at nabibingi kami sa katahimikan ng paligid. Wala kang ibang makita kundi ang dilim, na tila ba'y nakakapit sa lahat ng mga tao sa tahanan natin.
Magaganap na ang ikasasawi ng marami.
Sa pamamagitan ng pag-inom ng dugo't tubig, ipinangako nila sa inyo na tutulungan ka niya, aarugain, at ituturing na kaibigan.
Isang malaking kasinungalingan! Sa kanilang ginawang pang-aalipusta sa iyong dangal, sa halip na takot ay galit ang nag-aalab sa aking dibdib at pagtangis ang ibinubuga ng aking bibig!
Inay, bakit naman ganoon? Sinaktan ka nila, binusabos! Itinuring ka nilang parang hayop na walang sariling pag-iisip. Tinawag ka nilang alipin at pinaluhod ka pa nila sa kanilang harapan upang iparating sa atin na walang mapatutunguhan ang pamilya natin. O kayraming dugo at luha ang tumulo sa inyong kalupaan alang-alang sa inyo! Ilang daang libo sa inyong mga anak ang ipinahiya, pinahirapan, iginapos, sinakal, binugbog, sinaksak, binaril at sinunog! Ngunit wala pang isandaan sa kanila ang inalala ng inyong mga anak.
Siguro nga, kung sa mga panahong iyon ko rin ito isinulat, malamang, iyan din ang aking magiging katapusan. Ano ba naman ang masama kung kausapin ng anak ang kaniyang ina bago ito mamatay?
Totoo nga ang sabi nila. Marami raw ang namamatay sa maling akala. Inakala nating sila'y sugo ng Maylikha at mas magiging mabuti ang kalagayan ng lahat.
Ngunit dahil sa kadiliman ay nanatili tayong bulag sa ating kalagayan.
Sa loob ng mga ilang daang taon, napakadilim ng langit. Kailan ba ulit lalabas ang araw, 'Nay? Kailan namin ulit maririnig ang himig ng mga ibon at matatanaw muli ang kanilang paglipad? Kailan namin muli makikita ang kagandahan ng ating tahanan? Magkakaroon pa po ba ng liwanag? O isang panaginip lamang ang liwanag?
Ngunit ako’y matibay na naniniwalang sa dulo ng bawat gabi ay palaging may umagang nakaabang. Unti-unting sisilip ang araw, nilalabanan ang dilim, tulad ng paglaban ng mabuti sa masama. Hanggang sa tuluyang maglaho ang dilim. Ngunit sa halip na bughaw na dagat ang inyong matatanaw, ito’y pula, sapagkat iniwan ito ng inyong mga anak na nagbuwis ng buhay alang-alang sa inyo. Ito rin ang kanilang patunay na tumupad sila sa kanilang pangako na hindi ka kailanman nila pababayaan, at ipagtatanggol ka nila sa sinomang mang-aapi sa inyo. Sa lahat ng aming makakaya, hanggang sa huling paghinga, kayo lamang ang dugong itinitibok ng puso namin at ang tanging nasa mga isipan namin!
Kaya ‘Nay, hindi na rin ako magtataka kung bakit nariyan pa rin ang sakit ninyo ngayon. Dahil sa napakapait ng inyong mga naging karanasan, kahit ang mga doktor ay hindi ito kayang pagalingin.
Ngayon, nawalay na tayo sa mapang-abusong mga banyaga, ngunit bakit tila hindi pa rin nagbago ang ating lipunan? Marami pa rin ang nasasakal, naabuso at namamatay. Ang nakalulungkot pa’y marami sa inyong mga anak ngayon ang nagnanais na lumisan mula sa ating tahanan, huwag ka nang balikan, at kilalanin ang hindi nila kadugo na kanilang ina, sapagkat sa akala nila'y higit sila sa atin at tayo ay mga alipin lamang, mga indio, mga mababang uri!
Alam ko 'Nay, sobrang sakit para sa inyo na makitang ganito ang mga anak ninyo. Sana, sa susunod pang limandaang taon, bumalik na rin tayo sa dati. Sana, magkasundo na ang lahat. Sana, wala na ang mga pag-uugaling makasarili kung saan ang habol lamang sa inyo ay salapi, hindi na iniisip ang magiging kapakanan ng mga kanilang kapwa kapatid. Sana, matapos na rin itong mga madudugong labanan at bumalik-loob na rin sila sa inyo.
Magiging mahirap nga ito, 'Nay. Alam kong hindi ko rin mararating ang panahong iyon dahil magiging matagal pa ito. Basta ang pangako ko ngayon sa inyo, sa pamamaraang aking makakaya ay tutulong ako sa aking kapwa kapatid at maibalik sa iyo ang mga naligaw ng landas. Hindi ko kailangan ng armas at dugo upang tulungan ka. Kahit tinta at papel lamang ang gamit ko ay maaari na.
Salamat sa lahat, ‘Nay. Gagaling din iyang sakit ninyo. Huwag kayong matakot sapagkat nariyan lamang ako sa inyong tabi, nagmamahal nang buong puso.
Hanggang sa aming huling paghinga,
mahal na mahal ka namin, 'Nay.
Paalam.
Humahalik sa inyong mga kamay,
Ang Inyong Anak
0 comments: