filipino,

Literary: Pahinga

1/22/2021 08:08:00 PM Media Center 0 Comments





Panahon na upang magpahinga.
Tahanan ang nais matamasa.
Malayo na ang aking nalakbay.
Pasalamat at ako’y ‘di bumigay.

Panibagong taon, panibagong saya,
patuloy pa ring umaasa.
Panibagong taon, panibagong mga pagkakataon,
sumasabay pa rin sa buhay na puno ng alon.

Angat-baba, angat-baba,
ang buhay ay puno ng kaba.
Anong mayroon sa panibagong taon?
Utak ay punong-puno ng tanong.

Talon dito, talon doon,
iiwan ang malulungkot na panahon.
Punas dito, punas diyan,
pagagalingin ang masasakit na mga sugat.

Maraming mga nangyari,
ayoko nang maulit pang muli.
Kukunin ko ang mga karanasan,
at mga luha’y aking iiwan.

Ako’y nasasabik nang maramdaman ang tahanan,
pamilya’t kaibigan ay muling mahahagkan.
Puno ng mga taong ika’y dadamayan,
Yakap ng bahay ay hindi mapapantayan.

May tawanan dito, may yakap doon.
Wala nang nais kundi maparoon.
Pagmamahal ng buong pamilya ang iyong madarama.
Tila ba’y nalilimutan ang mga problema.

Kaya panahon na upang magpahinga muna.
Ako’y uuwi at sarili’y ihahanda.
Aasang ang bagong taon ay parang tahanan,
komportable, maliwanag, at puno ng kasiyahan.


You Might Also Like

0 comments: