filipino,

Literary: Para sa Bayan

1/22/2021 07:52:00 PM Media Center 0 Comments





Tuwing gumigising sa umaga, sakit ng katawan agad ang nararamdaman. Hirap gumalaw ang mga balikat, ‘di makalingon dahil sa ngalay ng leeg, ‘di makayuko dahil sa sakit ng likod, at ‘di mawala ang sakit ng ulo dahil kinakapos sa tulog. Ngayong umaga, ganoon pa rin ang gawain. Pupunta sa banyo at maghihilamos, mahapdi ang pakiramdam dahil sa mga sugat na galing sa mga Personal Protective Equipment namin. May sugat sa noo, marka ng linya mula isang tainga papunta sa kabila, namumulang mga pisngi, pati na rin ang likod ng tainga. Magbibihis at hindi malilimutan ang maskara at face shield. 

Pagdating sa trabaho, takbo agad patungo sa emergency room. Kaunti lang at hindi kami sapat para sa dami ng tao na kailangang tugunan. Buong araw kami naglalakad, pabalik-balik, at paikot-ikot sa ospital. Hindi na nakararamdam ng pahinga. Hindi man lang makaupo kahit saglit lang. Nakaiidlip tuwing nasa trabaho at minsa’y napagsasabihan. Nahihirapang gumalaw sa hirap ng nararanasan. Pero alam sa sarili na para ito sa nakararami. Para sa kaligtasan ng lahat, gagawin ang makakaya.

Pagkatapos ng isang araw ng pagod, muli itong uulitin. Muling isasakripisyo ang buhay para makatulong. Hindi nakakasama ang pamilya para sa kaligtasan nila. Dahil ito ang masakit na kailangang gawin bilang isang frontliner. 'Pag natapos ang lahat ng ito, makauuwi na sa pamilya at mararamdaman ang matagal nang hinihintay na yakap nila.

Salamat sa inyo mga bayani, mga bayani natin sa kasalukuyang panahon.

You Might Also Like

0 comments: