Literary: Magsiuwi na Kayo
Magsiuwi na kayong mga makata
Sapagkat hindi na kayo marunong tumula
Hindi na naipipinta ng inyong mga salita
Ang larawan ng tapang at pag-ibig.
Ang inyong mga talinghaga
Ay pawang mga tulo na lamang ng dugo
Mula sa mga sugat
Ng isang naghihingalong katawan.
Magsiuwi na kayong mga artista
Sapagkat wala nang naniniwala sa inyo.
Hindi na ninyo natatakpan
Ang kalungkutan ng mundo
Ng gawa-gawang pagmahahal.
Ang inyong mga kolorete
at magarbong damit
Pati mga pekeng yakap at halik.
Ay may bahid na rin
Ng tulo ng luha.
Magsiuwi na kayong mga musikero
Sapagkat di na kayo magaling.
Humaba na ang inyong mga kuko
At naubusan na kayo ng hininga
Sa paggawa ng mga dapat gawin
Sa halip na tugtugin ng simbuyo ng damdamin.
Magsiuwi na kayong mga mandirigma
Sapagkat mahina na kayo.
Malalim ang sugat
Mula sa pagsasakripisyo ng pagkabata
at pagbuhos ng luha, dugo, at pawis
Sa isang digmaang walang namang kalaban
Kundi ang kakulangan sa pag-ibig
At mga pangarap na hindi pa natutupad.
Magsiuwi na kayong lahat
Sapagkat nauupos na ang kandila
Ng inyong mga puso.
Pansamantalang patayin ang alab
At magkubli sa dilim
Nang makilala ang sarili
At ang nararamdaman.
At kapag napuno na ulit kayo
Ng lakas, tapang, at pag-ibig
Salubungin ninyo ang isa’t isa
Ng mahihigpit na yakap
Tumula, umarte, tumugtog, makidigma
At, higit sa lahat,
Maging masaya.
0 comments: