Eloisa Dufourt,
Opinion: Kahalagahan ng Climate Justice
Ang climate justice ay ang pagtingin sa global warming bilang isang isyung politikal at karapatang pantao. Ito ay dahil sa kakayahan nitong gumabay sa paggawa ng mga polisiyang tutugon sa suliraning dulot ng climate change. Masasakop din sa polisiya ang mga kaparaanang makatutulong sa mga mamamayang naapektuhan ng pinsala ng mga kalamidad. Ito ay dahil samu’t sari ang mga epekto ng climate change sa mga mamamayan – mula sa aspetong sosyolohikal, ekonomikal, pampublikong kalusugan, at marami pang iba.
Ang konsepto ng climate justice ay nagsimula noong 1999 sa debateng naganap sa Estados Unidos upang mapag-aralan ang pagbabago ng klima noon, ang epekto nito, at ang mga dapat na hakbang upang masolusyonan ito. Simula noon ay patuloy na itong sinusuportahan ng mga tao sa buong mundo.
Kabilang ang organisasyong Greenpeace Philippines sa mga sumusuporta sa panawagang ito. Nahaharap daw kasi ang mga Pilipino sa isang climate emergency dahil sa mga nararanasang matitinding bagyo at tagtuyot. Inaasahang mas lalala pa ito sa hinaharap at dapat papanagutin ang mga plantang nagdudulot ng polusyon.
Mainam na mabigyang halaga ang climate justice sa ating bansa upang magkaroon na ng mga polisiya at proyektong gagabay sa mga planong ukol sa pag-adapt ng mga tao sa matitinding kalamidad. Kaugnay nito ang isinagawang pag-aaral ng Royal Town Planning Institute sa United Kingdom. Inilahad nila sa kanilang pag-aaral ang kahalagahan ng mga polisiyang nag-uugat sa climate justice. Ayon sa kanila, makatutulong ito upang maiwasan ang pagkasira ng lupa at tukuyin ang mga lugar na maaaring bahain o mapinsala ng panahon. Isinusulong din ang pagkakaroon ng green infrastructures kung saan mas magiging maayos ang daluyan ng tubig sa isang lugar. Nililimitahan nito ang paggamit ng sewage system na nagdadala ng maruming tubig. Ang tubig naman na mula sa ulan ay iipunin at gagamiting pandilig ng mga halaman at puno.
Kaugnay din nito ang papel ng climate justice sa pagbabawas sa greenhouse gases na inilalabas sa ating atmospera. Makatutulong ito sa pamamagitan ng mga polisiyang kokontrol sa pagdami ng greenhouse gases. Dagdag pa rito ang aksyon ng climate justice na mapanagot ang mga pribadong kumpanyang nagpapabaya sa mga naidudulot nilang masamang epekto sa kalikasan at sa kabuhayan ng mga tao.
Malaki ang maitutulong ng climate justice sa ating bansa dahil sa tumitinding mga epekto ng climate change. Ayon sa National Aeronautics and Space Administration (NASA), dulot ito ng pagtaas ng temperatura dahil sa paglaki ng porsyento ng greenhouse gases sa atmospera. Ito ngayon ay nagresulta sa mas matitinding kalamidad tulad ng dalawang magkasunod na bagyong tumama sa Pilipinas; ang mga bagyong Rolly (Goni) at Ulysses (Vamco).
Hindi biro ang epekto at pinsalang iniwan ng mga bagyong ito. 720,000 na pamilya o mahigit tatlong milyong indibidwal mula sa walong rehiyon—NCR, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALBARZON, MIMAROPA, Bicol, at CAR, ang naapektuhan ng bagyong Ulysses ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Dagdag pa rito ang 3.84 bilyong pisong halaga ng napinsalang mga pananim ayon sa Disaster Risk Reduction and Management (DDRM).
Maliban pa sa bagyo, isa ring bunga ng climate change ang tagtuyot. Sa isang pag-aaral ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA), ito ay nagdudulot ng kawalan o pagkakaroon ng mababang kalidad ng tubig sa ilang mga lugar na makaaapekto sa kalusugan ng mga tao. Ang mga pananim ang pangunahing naapektuhan ng mabilis na pagbabago ng panahon sapagkat nagagambala nito ang normal na pagtubo na bumabase sa panahon. Maaari rin itong magdulot ng mga panibagong sakit sa mga hayop. Kasabay ng malakas na paghagupit ng mga bagyo, tumataas din ang lebel ng tubig sa mga dagat. Dahil dito, mas lumaki ang posibilidad ng mga pagbaha na sadyang makaaapekto sa mga lugar at kabuhayan ng mga mamamayan.
Malaki ang pinsalang idinudulot nito lalo na sa mga taong nakararanas dahil apektado ang kanilang kabuhayan. Nagbubunga ito sa mas kakaunting suplay ng mga pangunahing bilihin tulad ng isda, gulay, bigas at marami pang iba. Ito ang dahilan ng pagtaas ng presyo kaya naman apektado rin nito ang ekonomiya. Ayon sa ulat ng Philstar, nagkakahalagang 90 bilyong piso ang napinsala ng limang magkakasunod na bagyo ngayong taon; ang mga bagyong Quinta, Rolly, Siony, Tonyo, at Ulysses. Ayon sa pahayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemarie Edillion sa virtual conference noong Nobyembre 18, inaasahang ang mga pinsala ng bagyo ay magreresulta sa pagbaba ng 0.15% sa kabuuang Gross Development Production (GDP) ng bansa ngayong taon.
Napakabigat ng mga pinsalang kinahaharap ngayon ng bansa bunga ng mga sakuna. Pinatutunayan lamang ng mga pinsalang ito na kailangan na natin ng climate justice. Ito ay hindi lamang upang mabigyan ng solusyon ang suliranin sa kasalukuyan, kundi maging sa hinaharap. Sa ganitong paraan, ang mga pinsala sa susunod na pagkakataon ay hindi na lulubha pa.
Ngayong patuloy na nakikibaka ang mga mamamayan sa mga pinsala ng climate change, dapat makita na ang tugon dito ng bansa ay sa pangunguna ng mga nasa gobyerno. Mainam na maging maagap sila sa pagtugon lalo’t marami ang maaapektuhan, hindi lamang sa sektor ng agrikultura at ekonomiya kundi maging sa buhay at tirahan ng mga taong kanilang pinangangasiwaan.
Bilang mga mamamayan, mababatid na ang munti nating hakbang katulad ng pag-demand ng climate justice ay makapagbubunga ng malalaking aksyon para sa kapaligiran at sa mga apektado ng mga kalamidad. Katulad na lamang noong 2015 kung saan ang isang grupong binuo ng mga magsasaka, mangingisda, mga miyembro ng environmental groups, at mga samahang pangkarapatang pantao ay nag-file ng petisyon sa Commission on Human Rights (CHR) upang maimbestigahan ang responsibilidad ng 47 kompanyang nakatuon sa fossil-fuel at cement o tinatawag nilang Carbon Majors. Kabilang sa mga Carbon Majors ang Shell, ExxonMobil, BP, Chevron, at Repsol. Ito ay dahil sa umano'y idinudulot na polusyon ng kanilang mga planta.
Sinimulan ng CHR ang pag-iimbestiga sa isyung ito noong 2016 at natapos lamang ito noong 2019. Sa kanilang tatlong taon ng pag-iimbestiga ay natagpuan nila na ang Carbon Majors ay lumabag sa batas sibil at criminal laws dahil sa obstruction, willful obfuscation, at climate denial. Nagsagawa na ng mga paglilitis sa Manila, New York, at London kung saan inilahad ang mga ebidensiya at ang mga epekto ng kanilang mga paglabag sa Pilipinas at sa daigidig. Sa kabila nito, walang sumipot ni isa sa mga kinatawan ng mga Carbon Majors sa nasabing paglilitis.
Hindi pa man lubos na nakikita ang epekto ng pagpapatupad ng climate justice, natitiyak naman sa mga layunin nito na sadyang magiging kapaki-pakinabang ito sa lahat. Mainam na agad itong mapag-aralan at maisakatuparan na sa bansa sapagkat hindi maiiwasan ng Pilipinas ang mga tumitinding kalamidad.
Ang ginawang petisyon ng grupong binuo ng mga magsasaka, mangingisda, at marami pang iba ay maaari ring gawin ng kahit sinong mamamayan. Maaaring gamitin ang social media upang maipagbigay-alam pa sa mga tao ang mga suliraning kinahaharap at kung ano ang magagawa rito ng climate justice.
‘Ika nga, “Prevention is better than cure.” Ngayon pa lang ay gawan na natin ng paraan ang mga suliraning dulot ng climate change at iwasan na ang lumalalang pinsala nito sa bansa. //ni Eloisa Dufourt
0 comments: