abby lim,

News-Feature: Remote Learning System, isinasagawa sa UPIS

12/11/2020 12:10:00 PM Media Center 0 Comments



Pormal na nagsimula ang Akademikong Taon 2020-2021 sa University of the Philippines Integrated School (UPIS) noong Oktubre 5, sa pamamagitan ng isang online flag ceremony sa opisyal na Facebook page ng paaralan. 

Naging bahagi ng seremonya ang maikling mensahe ng bagong Prinsipal na si Prop. Anthony Joseph C. Ocampo at panimulang pagbati mula kay Justice Christian M. Aguinaldo ng 7 - Mercury na kinatawan ng Pamunuan ng Kamag-aral.

Bago magsimula ang unang klase, nagkaroon ng oryentasyon noong Setyembre 16 para sa pagbibigay impormasyon sa mga mag-aaral tungkol sa online learning at pagpapakilala ng mga miyembro ng Fakulti.

Ayon sa desisyon ng UP Board of Regents, ang susundin na paraan ng pagtuturo at pagkatuto ng UPIS ngayong akademikong taon ay remote learning system

Isang pamamaraan ng pag-aaral ang remote learning kung saan hindi pisikal na nagkikita ang guro at mag-aaral. Gumagamit ng applications na magsisilbing koneksyon para sa gawaing pampaaralan. Mahahati sa dalawang bahagi ang paraan ng pag-aaral ngayong taon. Ang unang paraan ay synchronous session kung saan sabay-sabay na matututo ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng video meeting sa Zoom application. Pangalawa ang asynchronous session na maaaring gamitin ang kani-kaniyang oras sa paggawa ng mga pagsasanay at iba pang awtput sa klase. Google Classroom ang pangunahing application na ginagamit dito.

Sa paghahanda ng remote learning system ngayong akademikong taon, naging konsiderasyon ang sumusunod:

  1. Pagbibigay ng UP email account sa mga mag-aaral na magsisilbing paraan ng kanilang komunikasyon sa kanilang guro; kakabit ng email na ito ang ilang mga benepisyo katulad ng Microsoft Office 365 at ang tiyak na seguridad ng mga gumagamit
  2. Pagsasagawa ng online registration
  3. Paglilimita sa haba ng oras ng synchronous classes upang umayon sa ideyal na screentime para sa mga mag-aaral
  4. Pagsasaayos sa mga aralin - tinitiyak na ang pinakamahahalagang kasanayan sa pag-aaral lamang ang itinuturo
  5. Paglilimita ng mga requirements - walang markahang pagsusulit, ang tanging batayan lamang sa paggrado ay ang mga worksheets, proyekto, at maiikling pagsusulit
  6. Paggamit ng synchronous at asynchronous sa mga gawain gamit ang Google Classroom, Zoom, at Google Meet
  7. Pagsasantabi ng mga co-curricular at extra-curricular organizations - ang mga opisyal ng Pamunuan ng Kamag-aral (PKA) at Year Level Organization (YLO) mula sa AT 2019-2020 ay hiniling na manatili sa kanilang mga posisyon sa kapasidad ng paghawak hanggang sa susunod na halalan
"Because of quarantine restrictions which logically affect how we have been going on with life for months now, there will be major changes in the kind of and the manner the activities that we are used to are conducted. Please wait for the creative ways that organizers of certain activities are planning,” sabi ni Prop. Diana Caluag, Katuwang na Prinsipal Pang-akademiko, ukol sa mga pagbabago sa gawaing pampaaralan. 

Isinagawa ang paghahanda para sa remote learning system mula pa sa nakaraang administrasyon sa pangunguna ni Dr. Lorina Calingasan na dating prinsipal ng UPIS. Nagkaroon ng mga kinakailangang pagsasaayos bilang pagtugon sa usaping pangkurikulum tulad ng rebisyon sa mga silabus at iba pang preparasyon sa mga materyales. Nagkaroon ng mga paghahanda sa lohistika, sa mga gadyet at panteknikal na suporta para sa mga mag-aaral. Mayroon ding naganap na pagsasanay sa mga guro at webinars para sa mga magulang. Tinugunan din ang mga usaping may kaugnayan sa paglilimita sa oras ng trabaho, mga konsiderasyon sa mga pampaaralang pasilidad, at marami pang iba. //nina Jailyn Abby Lim at Kyla Francia

You Might Also Like

0 comments: