Eloisa Dufourt,

Opinion: Voters’ Registration: 2020 Edition

11/27/2020 12:10:00 PM Media Center 0 Comments



Photo Credit: Yel Brusola

Ngayong papalapit na ang Eleksyon 2022 na gaganapin sa Mayo 9, sinimulan na noong Setyembre 1 ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagpaparehistro ng mga botante. Dulot ng kasalukuyang pandemya, iminungkahi ng mga nasa Kapulungan ng Kinatawan na gawing electronic ang sistemang ito upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Ayon sa pahayag nina Senior Citizens partylist Rep. Francisco Datol Jr. at House Majority Leader Leyte Rep. Martin Romualdez sa COMELEC mula sa ulat ng Manila Bulletin noong Hulyo 27, ito ay hindi lamang para sa kaligtasan ng mga tao kundi para na rin sa mas madaling pagpaparehistro sa hinaharap.

“By adopting a system for online voter’s registration, we do not just make our electoral system more resilient to unexpected calamities such as the COVID-19 pandemic but also create a system that provides the Filipino electorate and our government an efficient, convenient, and cost-effective mechanism for voter’s registration in the long term.” 

Dahil dito, ninais ng mga mambabatas na maglahad ng pagsusog sa RA 8189 o ang “The Voters’ Registration Act of 1996.” Sa mungkahing House Bill 7063, gagawing electronic ang pagpaparehistro ng mga tao. Kukunin ang kanilang litrato at biometrics sa pamamagitan ng video conferencing gamit ang mga gadyet at ang makabagong teknolohiya na built-in device for fingerprint. Ang biometrics ay ang pisikal na datos ng tao tulad ng kanyang fingerprint, facial pattern, mata, boses, at iba pa.

May mga adbentahe ang sistemang ito sapagkat una, matitiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at makatutulong ito upang mapababa ang posibilidad ng pagkalat ng COVID-19. Pangalawa, mainam din itong paraan upang maiwasan ang epekto ng mga kalamidad na maaaring makaapekto sa pagdaos ng rehistrasyon tulad ng kasalukuyang quarantine. Magiging maginhawa ang prosesong ito dahil hindi na kinakailangan pang lumabas ng mga tao mula sa tahanan. 

Ngunit ang mungkahing ito ay hindi ipinatupad ng COMELEC at sa katunayan ay hindi ito ang ginagamit sa kasalukuyang pagpaparehistro. 

“Ramdam po namin ang panawagan ng publiko na ‘yan. Unfortunately, especially for first time voters, ay kailangan po kasi natin ang biometrics nila.” Iyan ang pahayag ng Tagapagsalita ng COMELEC na si James Jimenez sa CNN Philippines.

Nararapat lamang ang naging desisyon ng COMELEC sa paraan ng pagpaparehistro ngayong taon. Maraming haharaping mga suliranin ang sistemang electronic kung ito ay ipatutupad sa ating bansa. Kabilang na rito ang pagiging accessible ng internet at gadyet, ang kakailanganing badyet, mga kumplikasyong mararanasan sa paggamit ng panibagong teknolohiya, at ang seguridad ng mga datos.

Hindi masisigurado na ang lahat ng mga mamamayan ay makapagpaparehistro dahil sa kawalan ng akses nila sa internet o gadyet. Ayon sa ulat ng Inquirer, ang dami ng internet users sa Pilipinas noong Enero 2020 ay nasa 67% lamang ng populasyon. Kung ganitong porsyento ang may akses sa internet, hindi malabong ganito lamang din ang mga makapagpaparehistrong botante na kung susumahin ay sadyang kakaunti. Mahalaga na lahat ng mamamayan ay makapagparehistro dahil ito ay isang responsibilidad at partisipasyon para sa lipunan.

Kakailanganin din ng malaking badyet para maisagawa ang prosesong ito dahil sa pangangailangan ng mga mga equipment tulad ng built-in device for fingerprint, computers na gagamitan ng webcams, at iba pa.

Bilang ang sistemang ito ay bago sa karanasan, mataas ang posibilidad na magkaroon ito ng mga isyu. Mayroon nang mga pangyayari kung saan ang paggamit ng makabagong teknolohiya ay nagdulot ng aberya sa mga gawain. Katulad na lamang nang unang ipinatupad ang Precinct Count Optical Scan (PCOS) para sa eleksyon. Sa paggamit ng PCOS, nagkaroon ng maraming kumplikasyon na nakaapekto sa proseso ng pagboto. Kabilang na rito ang paper jamming, hindi pagtanggap ng mga balota, hindi pagbilang ng mga boto, at marami pang iba. Ngunit sa kabila ng mga suliraning kinaharap nito ay wala pa rin itong ipinagbago. Sa katunayan, hindi pa rin ito naging maayos noong sinubukang gamitin para sa Eleksyon 2019. Maaaring magkaroon din ng mga isyu sa electronic na sistema ng pagpaparehistro. 

Dagdag pa rito ay ang seguridad ng personal na impormasyon ng mga indibidwal. Kung gagawing electronic o online ang pagkuha sa impormasyon, hindi matitiyak ang seguridad ng impormasyon lalo na at laganap sa ating panahon ang hackers. Noong Agosto 28, 2020 lamang, na-hack ng “Phantom Troupe” ang website ng gobyerno. Nagawa ng grupong i-hack ang security system ng website at nagdagdag ng content dito. Ninais nilang makakuha ng mga impormasyong makatutulong sa pagpapahina ng gobyerno. Nagkaroon na rin ng mga pagtatangkang i-hack ang ilan sa mga website ng iba’t ibang paaralan. Hindi malayong mangyari itong muli.

Mas mainam ang pagsasagawa ng pisikal na pagpaparehistro kaysa sa electronic upang maiwasan nito ang mga suliraning nabanggit. Dagdag na rin dito ang kasiguraduhan ng makukuhang datos lalo na ang biometrics ng indibidwal. Dulot ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, madali na lamang ding gawing hindi totoo ang mga impormasyon tulad na lamang ng lagda. Natitiyak din sa prosesong ito na ang taong magpaparehistro ay totoo at ang kanyang kalagayan ay pasok sa mga kwalipikasyon na hinahanap ng batas. 

Mas accessible din ang pisikal na rehistrasyon sa lahat ng mga mamamayan lalo na sa mga walang akses sa internet o gadyet. Hindi na rin kakailanganing gumastos ang gobyerno para sa mga equipment. 

Tinitiyak naman ng COMELEC na ang gagawing pagpaparehistro ay magiging maayos at ligtas mula sa pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng Resolution No. 10674. Dito nakasaad ang mga panuto at health protocol sa panahon ng pagsasagawa ng pagpaparehistro. Makikita rin dito ang mga kakailanganing gawin ng mga tao bago pumunta sa registration area.

Mahalaga na sa simulang bahagi pa lamang ng pagboto ay maayos na ang proseso upang maiwasan ang anomang kumplikasyon sa pagpaparehistro at pagtatala ng datos. Sa pamamagitan din nito ay maiiwasan ang pandaraya sa identidad ng mga botante. Mabusisi man ang prosesong ito ngunit magagarantiya nito ang seguridad ng mga impormasyon at ang maayos na sistema ng pagpaparehistro para sa Eleksyon 2022. // ni Eloisa Dufourt

You Might Also Like

0 comments: