Chanel No. 5,

Literary: Pugon

11/27/2020 08:26:00 PM Media Center 0 Comments



Nakahiga sa maruming semento ng selda
Malamig ang pakiramdam nito sa aking balat at mga sugat
Nakabusal, nakagapos,
hindi nakapiring ngunit hindi makakita sa dilim

Ang tanging liwanag ay nanggagaling
sa pugong puno ng nagbabagang uling
na sa tuwing kumikibo ako'y
Ipinampapaso nila sa akin

Kada linggo, may bagong pasok na bilanggo
Bubusalan, itatali ang kamay sa likuran
Papasuin kapag nag-ingay
Bubugbugin hanggang mawalan ng malay

Linggo-linggo parami nang parami
Siksikan, tabi-tabi, naipon kami,
mga bilanggo sa iisang selda,
mga inosenteng nakulong dahil sa pagsasalita

Araw-araw, pinapaso kami isa-isa
Anila'y matuto raw kaming manahimik
Araw-araw, liwanag lamang ng pugon ang nakikita
Hanggang sa napuno ang selda ng bilanggo at galit

Naroon kami sa maruming selda
Ang pugon ang tanging liwanag
Sama-sama, sabay-sabay kaming tumayo at naramdaman
Ang dating malamig na sementong hinihigaan ay umiinit na

Sa paglapat ng uling sa aming mga balat,
itinuring namin itong kaibigan
Niyakap ang bawat sakit at hapdi
sapagkat alam naming ito na ang huli

Kaibigan namin ang pugon, uling, at apoy
Ang tanging kalaban ay ang naghahawak nito
Ang tusong nagbilanggo
sa aming kapwa nila Pilipino

Ang apoy ay malakas, nanlalamon, nag-aalab
At kapag wala ka nang maramdaman kundi galit,
nagsisilbi itong gasolina
at sa dulo, ang galit ay magiging pag-asa

Sa dilim, nakangiti kaming lahat
Alam naming kami ay iisa
May iisang kalaban
May iisang minamahal

At sa unang pagkakataon sa selda
Hindi lamang ang pugon ang nagsilbing liwanag
Kundi ang apoy ng mga nag-aalab na puso
na alam na papalapit na, sisiklab ang pag-aalsa

You Might Also Like

0 comments: