boomerang,

Literary: Bakit tuwing gabi nakikita ang mga tala?

11/27/2020 07:38:00 PM Media Center 0 Comments



    
Hindi ko alam kung paano o bakit ako napunta sa ganitong sitwasyon. Kahit sa murang edad, natuto na ako kung paano magtrabaho at alagaan ang aking sarili. Bilang mag-isa sa buhay, natuto akong kumayod dahil kung hindi, baka hindi na ako masikatan pa ni Haring Araw.

    Sa aking pagtanda, nakagisnan ko na ang pagsilip niya ang hudyat ng aking pagpapahinga. Bilang sa gabi ako nagtatrabaho, ang pagpapahinga ko tuwing umaga ay para mapawi ang aking pagod at para na rin mag-ipon ng lakas para sa panibagong araw. Gustuhin ko mang magtrabaho kahit na umaga, hindi ko na ito pinilit dahil wala rin namang makapapansin sa taglay kong ganda.

    Ang hapon ang natatangi kong libreng oras para sa buong araw. Dito ko nagagawa ang lahat ng nais kong gawin. Pagmasdan ang hugis na binubuo ng mga grupo ng ibon na lumilikas, tingnan ang nagtataasang gusali, bilangin ang dami ng mga saranggola, at isipin kung anong imahe ang binubuo ng mga ulap ang ilan sa mga parati kong ginagawa. Ngunit ang pinakagusto ko sa lahat ay ang pagmamasid sa mga dumadaang eroplano sa langit. Ito ang paborito kong gawain dahil ako'y namamangha sa kung gaano ito kababa o kataas. Minsan pa nga ay natatakot ako dahil ito ay sobrang lapit sa akin.

    Kahit nais ko pang magsaya, kailangan ko na itong putulin upang makapaghanda sa aking trabaho. Dapat ako ay mukhang kaaya-aya at malinis. Hindi dapat magkaroon ng kakarampot na duming maaaring makita sa akin dahil kung magkagayon, hindi ko magagawang magningning sa abot sa aking makakaya. Lagi ko ring iniisip na ang bawat pagpasok ko sa trabaho ay panibagong oportunidad para sa aking buhay. Umaasa akong may makakakita sa akin na malaking personalidad at pasikatin ako. O kaya naman ay nagmamay-ari ng isang kompanya kung saan pwede akong makahanap ng trabaho.

    Sa paglubog ng araw, ang aking pinakahihintay, oras na para ipakita ko sa lahat ang aking liwanag. Dahil sa liwanag na aking taglay, nakikita ko kung paano ako tingalain ng lahat. Hindi man sila malapit sa akin, natutuwa akong may nakapapansin sa akin. Ang gabi ang parte ng aking araw na nagpapaalala sa akin na ako’y buhay pa. Sa araw-araw kasi na paulit-ulit ang aking ginawa, wala nang bagong nangyayari, sa tingin ko nga ako ay tila isang robot na walang pakiramdam.

    Ang pag-antabay ko sa malalaking personalidad o sa mga may-ari ng kompanya ang paraan ko upang makahanap ng pang-umagang trabaho. Ito sana ang pagkakataon ko para magkaroon ng “bago”, ngunit bilang narito pa rin ako sa aking kasalukuyang trabaho, alam niyo na siguro kung may nadiskubre na sa akin o wala. Ang mga tulad ko raw kasi ay nababagay sa panggabing gawain katulad ng aking nakasanayan.

    Sa kabila ng pagnanais ng bagong buhay, patuloy pa rin akong pumapasok tuwing gabi. Hindi ako pwedeng mabakante dahil maliit lamang ang ipon ko at kung ako ay tumigil sa pagtatrabaho, hindi ko masusustentuhan ang aking sarili.

    Isang gabi, minabuti ko nang lumapit sa aking katrabaho. Sinabi ko sa kanya ang lahat ng aking iniisip pati na rin ang nais kong pagbabago. Dinamayan niya ako at sinabing sisikapin niya akong tulungang maghanap ng panibagong trabaho. Bago tuluyang matapos ang gabi, kinausap niya ako.

    “Hindi ko mapapangakong mahahanapan kita ng trabaho. Ang mga tulad kasi natin ay hindi natatanggap sa mga trabahong lihis sa kung ano ang trabaho natin ngayon.”

    “Ayos lang… Pero bakit ba kasi kailangan nating dumaan sa ganito? Kailangan ba talaga na tayo ay dumaan sa dilim? Napapagod na kasi ako. Nakapapagod na kasi ang lahat ng ito. Magpapahinga sa umaga, panandaliang magsasaya, at magbibigay-aliw sa mga tao sa gabi.”

    Tinitigan niya ako at nagbalik ng tanong, “Bituin, makikita ba natin ang ilaw kung hindi naman dumilim?”

You Might Also Like

0 comments: