elora,

Literary: Sa Aking Pagbagsak

8/18/2018 09:19:00 PM Media Center 0 Comments




Hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Ika-22 ng Hunyo, alas-diyes ng umaga. Iniabot ng Homeroom teacher ko ang aking stub. Todo-nginig ang aking mga kamay, nanlalamig, namamawis, puso’y tila kakabog palabas mula sa aking dibdib. Binuklat ko ang parisukat na papel at tumambad sa ’king mga mata ang aking mga marka.

Puso ko’y tila tumigil sa pagtibok,
Hindi ako makahinga.
Tuliro at blangko ang isip,
Paligid ko’y tila biglang tumahimik.

“Ano’ng nangyayari sa ’kin?”
Naitanong ko sa aking sarili.
Kaunti lang naman ang ibinaba ng grado ko,
Kaya binalewala ko muna at nagpatuloy.

Dumaan ang mga araw,
Umaga’t gabi ay di naramdamang lumipas.
Ilang oras na rin akong tulala,
Walang maisip at walang maramdaman.

Laging nagmumuni-muni sa ’king silid,
Isipan ko’y gulong-gulo.
Buong araw walang kausap,
Sinukuan na yata ako ng lahat.

Pumunta ako sa doktor at binigyan niya ako ng gamot,
Inumin ko raw, baka sakaling makatulong.
Sinunod ko naman ang kaniyang payo,
Ngunit bakit tila wala pa ring nagbago?

Kailan ba matatapos ang kadilimang ito?
Paano iaahon ang sarili sa dagat ng kawalan?
Masisilayan ko bang muli ang liwanag?
O, sa huli, ako’y lulubog at malulunod din naman?

Kung alam ko lang na sa ganito hahantong,
Naagapan na sana habang maaga pa.
Di sana binalewala ang kirot na minsang naramdaman,
Na ngayo’y naging dilim na kumokonsumo sa aking kabuuan.

Kirot na dala ng mababang grado sa iisang asignatura,
Tuluyan nang nilamon ang aking pagkatao mula ulo hanggang paa.
Mama, Papa, ‘wag ninyo akong alalahanin,
Ito na ang huling beses na kayo’y aking bibiguin.

Pasensiya na kung sa inyo’y di nabanggit noong una pa lamang,
Na hirap na akong panatilihin ang ulo sa ibabaw ng tubig.
Pasensiya na kung ang pintuan ko’y hindi binubuksan,
Sa bawat pagkakataon na kayo’y kakatok sa kabilang banda.

Maraming salamat sa laging pagpapaalala,
Na ang pagkatao ko’y hindi naibabase sa mga numero.
Maraming salamat sa pag-abot ng inyong mga kamay,
Na muli akong itinayo mula sa aking pagbagsak.

You Might Also Like

0 comments: