feature,

Feature: Walang Makakapigil! Ulan Ka Lang, Gutom Ako!

8/25/2018 08:24:00 PM Media Center 0 Comments



Tag-ulan na muli! Ito ang mga araw na ang hirap pumasok dahil hinihila ka ng kama, ang mga araw na napakalamig at gusto mong itulog na lang ang lahat ng mga problema at mga inaalala sa mundo. Ngunit maliban sa paghimbing, may iba pang mas magandang paraan upang lasapin ang malamig na panahon! Malakas ang ulan? Tapatan mo ng kain! At wala kang ibang tsitsibugin kundi mga Filipino ‘comfort food’!


1. Arroz Caldo
Photo Credit: https://www.knorr.com/ph/recipe-ideas/chicken-arroz-caldo-recipe.html
Isa ang arroz caldo sa mga paboritong pagkain ng mga Pilipino dahil nagbibigay ito ng ginhawa sa mga panahong malamig at di ka makalabas ng bahay. Dagdag pa rito, nakakabusog at maraming maaaring ilagay na add-ons tulad ng tostadong bawang, paminta, itlog, at kaunting kalamansi. Siguradong mapapa-“Thank God It’s Raining” ka.

Tip: Kung gusto mo ng pampadagdag-anghang at init sa katawan, lagyan ito ng chili sa ibabaw at haluin.


2. Sopas
Photo Credit: https://www.knorr.com/ph/recipe-ideas/chicken-sopas.html
Ang sopas naman ay isang popular na pagkain na perpekto para sa tag-ulan dahil sa taglay nitong malinamnam na gatas, mga karot, at maliliit na piraso ng manok. Pero, sa mga nagdaang taon, naging mas malikhain ang mga Pilipino dahil dinagdagan pa ito ng giniling na baboy at kutsay o kaya’y hotdog at itlog.
Tip: Para sa mas malinamnam na sabaw, magpakulo ng buto-buto ng manok at lagyan ito ng kaunting toyo, paminta, at asin.


3. Champorado
Photo Credit: http://pinoyway.com/champorado-recipe-try-chocolate-lovers-dream/
Tag-ulan means “Kakain ako ng champorado ngayon.” And I think that’s beautiful.
Isa pa ito sa mga paboritong pagkain ng mga Pilipino na paniguradong bibigyan ka ng energy boost, lalo na sa mga maulang umaga. Simple at nakakabusog ang pagkaing ito, naglalaman lang ng tatlong sangkap: malagkit na bigas, tablea, at asukal!

Tip: Para mas maging bongga ang iyong champorado, lagyan mo ito ng makulay na sprinkles o di kaya ay M&Ms. Puwede mo ring partneran ang tamis ng champorado ng alat ng tuyo na talaga namang perfect combination!


4. Bulalo
Ang espesyal na putaheng ito ay galing sa Timog Luzon. Naglalaman ito ng mga piraso ng binti ng baka at ng masarap sipsipin na bone marrow. Sa orihinal na pagluluto nito, paminta at asin lang ang gamit bilang panimpla. Ngunit sa paglipas ng panahon, tulad ng nilaga, dinagdagan na ito ng mga gulay gaya ng pechay, mais, sitaw, at kung ano-ano pa!

Tip: Para sa dagdag na linamnam, gumawa ng sawsawan para sa karne ng bulalo. Maghalo ng katas ng kalamansi, patis, at chili flakes.

5. Batchoy
Photo Credit: http://andreaguanco.com/toto-batchoy/

Amoy pa lang ay sapat na upang gisingin ka sa mga umagang ayaw mong bumangon. Ang batchoy ay klasikong Ilonggong pagkain na nakabighani sa panlasang Pilipino dahil sa taglay nitong matagal na pinakuluang sabaw, pansit, baboy, at mga gulay. Dagdagan mo ito ng kalamansi, paminta, at patis, siguradong sisigaw ang tiyan mo ng ‘Namit!’

Tip: Para gawing mas espesyal pa ang batchoy, dagdagan ng dinurog na chicharon sa ibabaw.


Tandaan, kumain nang katamtaman upang hindi sumakit ang tiyan! Pero higit sa lahat, lasapin natin ang maulan na panahon at kumain ng masustansiya! Happy eating!//ni Vea Dacumos

You Might Also Like

0 comments: