filipino,

Literary: Kunwari

8/18/2018 08:17:00 PM Media Center 0 Comments




Mula pa nang maging magkaklase tayo, wala ka nang ibang ginawa kundi ang mang-asar. Natural naman sa ‘yo na mapang-asar ka pero parang sobra ‘yung panunukso mo sa akin. Hindi lang naman ako ‘yung nakakapansin, pati mga kaibigan mo napupuna rin.

Dahil nga sa ‘yo dumami na ang pangalan ko. Paano ba naman? Kada araw, may bago kang itinatawag sa akin—pandak, pangit, siraulo, baby, at kung ano-ano pa. Tanggap ko naman na maliit ako, pangit, medyo baliw, at iyakin pero sana ‘wag mo namang ipamukha.

Siyempre, sa bawat pang-aasar mo, hindi naman ako nagpapatalo. Binabawian din kita. Minsan, nababatukan na lang kita dahil sa sobrang inis ko. Kaya naman pati mga kaibigan natin, tinutukso na rin tayo. Sinubukan ko na ring manahimik, kaso mangungulit ka pa rin.

Pero kahit ano’ng gawin ko, palagi pa rin akong talo. Sino ba naman kasi ang makakatalo sa ‘yo pagdating sa pang-aasar? Kaya nga palagi kang napapagalitan ng titser dahil kung sino-sino ang tinutukso mo. Umabot pa nga sa punto na napatawag ka na sa Guidance.

Isang araw, biglang natahimik ang mundo ko. Kinailangan kong hindi pumasok ng school dahil sumama ang pakiramdam ko. Hinang-hina ako kaya naman pinilit na muna ako ng magulang ko na huwag na munang pumasok. Akala ko isang araw lang ang itatagal ng sakit ko ngunit, kinailangan kong mag-absent ulit kinabukasan.

Hanggang sa ang dalawang araw, naging tatlo, at umabot pa ng isang linggo. May sakit man ako pero, iyon na yata ang pinakamasayang linggo ng buong taon. Bukod sa walang maingay, walang nang-aasar, nasa akin pa ang atensyon ng aking magulang.

Pagbalik ko ng school, laking tuwa ko na iba na ‘yung inaasar mo. Hindi mo nga rin natanong kung kumusta na ang kalagayan ko kahit sa panunuksong paraan man lang. Hindi mo na rin ako kinukulit, kahit nga pagkibo lang sa akin, hindi mo na rin ginagawa.

Ito naman si Ako, kunwari hindi ko napansin na iba na ‘yung inaasar mo.

Kunwari, hindi ko napuna na tahimik ka na, kapag katabi mo ako.

Kunwari, sanay na akong hindi ako ‘yung inaasar mo. Kunwari, hindi ako apektado.

Kunwari, pareho nating hindi naaalala kung ano ang nangyari bago ako magkasakit.

Kunwari, hindi ko naaalala kung ano ang mga sinabi mo noon.

Kunwari, hindi kita tinanong nang pagalit kung bakit sa dinami-rami ng taong puwedeng asarin, ako ang palagi mong pinagtitripan.

Kunwari, hindi mo sinabi na sa bawat pang-aasar na ibinabato mo ay nais mo lang magpapansin dahil natutuwa kang awayin ako. Kunwari, hindi ka umamin.

Kunwari, hindi ako humingi ng pasensya pagkatapos mong sabihin ‘yon dahil kailanman ay hindi ko inaasahang sasabihin mo ‘yon.

Kunwari, hindi ako tumakbo papalayo.

Kaya ngayon, kunwari, hindi tayo magkakilala.

Pero mas mabuti na ngang ganito na iba na ang inaasar mo at parang hindi na tayo magkakilala.

Ngayong tahimik na ang mundo ko, nakakapanibago. Bakit parang hinahanap-hanap ko ang bawat hirit mo?

You Might Also Like

0 comments: