feature,

Feature: Ate, What’s the Kahulugan of Idyoma?

8/25/2018 08:12:00 PM Media Center 0 Comments


Buwan ng Wika na naman! Ngunit kahit na may isang buong buwan na nakalaan para sa ating pambansang wika, tila hindi naman lumalalim ang ating pagpapahalaga rito. Lingid sa ating kaalaman, napakayaman ng ating sariling wika at kadalasan ay nakakaligtaan na natin itong gamitin bunsod ng pandaigdigang kalakaran at kaunlaran ng teknolohiya.

Kalimitan, kapag naririnig natin ang mga matatandang nag-uusap ay may mangilan-ngilang salita na hindi natin naiintindihan. Bagamat Filipino rin ang mga ito, hindi pa rin natin alam ang ibig sabihin dahil ang mga ito pala ay idyoma.

Ang mga idyoma ay mga salita, parirala, o mga pangungusap na mas malalim pa ang kahulugan kaysa sa indibidwal na depinisyon ng bawat salitang ginamit. Hindi ito basta-basta mauunawaan kung hindi alam ang konsepto sa likod ng mga ito.

Kung kaya’t bilang pagpupugay sa ating wika, narito ang ilang piling idyoma na maaari ninyong gamitin sa pang-araw-araw na buhay.

1.


Naghahanap ka ba ng tamang salita na makapagpapaliwanag sa nararamdaman mo tuwing nag-aaral ka para sa isang nakakadugo ng utak na pagsusulit? O kaya’y gusto mong ipaintindi sa mga kaibigan mo na hinding-hindi ka talaga papayagan ng mga magulang mo na gumala kahit magpaalam at magmakaawa ka pa? Ito ang tamang idyoma para sa iyo.

Kung literal na iisipin, napakalayo ng buwan upang ating maabot, lalo na para suntukin. Kung kaya’t upang mas mabigyang-diin kung gaano kahirap o kaimposible ang isang bagay, gamitin ang idyomang ito. Magtutunog ka pang makata, kahit sinasabi mo lang naman ay kung gaano kahirap ang sitwasyon mo!

2.


Halos lahat ng tao sa mundong ito ay nakaka-relate sa idyomang ito sapagkat, sino nga ba ang laging nagsasabi ng kaniyang totoong nararamdaman? Kung minsan, kung ano ang ipinakikita at ipinahahayag natin, hindi ito ang tunay na laman ng ating damdamin. Halimbawa ay sa kaso ng mga kakilala natin na parang aso’t pusa kung mag-away, ngunit sa totoo lang ay may nararamdamang espesyal para sa isa’t isa. Ayon nga sa idyoma, ang ginagawang “pagtulak” ng ating mga labi ay taliwas sa “pagkabig o paghila papalapit” na siyang nais talaga ng puso.

3.


Laganap ito sa lipunang Pilipino—mula sa ilang taong nakakasalamuha mo hanggang sa mga programa at proyekto ng gobyerno. Tumutukoy ang idyomang ito sa ugaling masayahin ka sa pag-umpisa ng isang bagay, ngunit kapag nagtagal, tila magsasawa ka na at iiwan ito nang hindi tapos.

Kung hihimayin ang idyomang ito, ang ningas ay nangangahulugang apoy at ang kugon naman ay isang uri ng damo na kapag sinunog, mawawala agad ang alab. Tulad ng damong ito, ang isang taong ningas-kugon ay hindi napapanatili ang kalidad ng kaniyang ginagawa hanggang matapos.

Ipagpapabukas na lang ang takdang-araling iyong ginagawa? Ningas-kugon ka!

4.


Sa bawat taong nangangailangan ng tulong, dapat lagi tayong bukas-palad. Bakit nga ba?

Kapareho ng literal na ibig sabihin ng idyomang ito, kapag “bukas-palad” kang tumutulong sa iba, ibig sabihin, hindi natin ipinagkakait ang ating tulong. Libre nating inaalok ito sa kung sino mang nangangailangang kumapit sa ating “bukas na palad.”

May kaklase kang nahihirapan sa isang sabjek? O kaya, may nakita kang tao na nangangailangan ng tulong ngunit hindi mo naman kilala? Huwag ka nang magdamot at ihandog ang bukas mong palad.

5.


Sino nga ba ang madalas na umiinom ng gatas? Siyempre, mga bata. At iyon mismo ang ibig sabihin ng idyomang ito.

Ayaw kang iwanan ng mga magulang mo na mag-isa sa mall? O kaya’y hindi sinasabi sa iyo ang lahat? Siguro, nakikita pa nila na may gatas ka pa sa labi.

6.


Tulad ng sampung utos ng Diyos na ibinahagi ni Moises sa mga tao, ang idyomang “itaga sa bato” ay sumisimbolo sa mga pangakong iyong tutuparin. Dahil ang mga bagay na isinasaksak o iniuukit sa bato ay hindi mo na maaaring bawiin, ganoon din ang mga salitang iyong bibitawan pagkasabi na itataga mo ito sa bato.

7.


Madali ka bang umiyak? Aba! Mababaw yata ang iyong luha.

Sa mga taong taglay ang katangiang ito, ang mga kaunting kirot lamang sa kanilang damdamin ay matindi na ang lilikhaing agos sa kanilang mga mata.

Kaiba ito sa mga taong kaunting pang-aasar mo lamang ay maiiyak na. Ang tawag doon ay pikon. Ang mga taong mabababaw ang luha ay ang mga naiiyak sa mga palabas kung saan nagkitang muli ang aso at ang amo nito.

8.


Bawat tao ay nangangarap na magkaroon ng kaniyang forever o ‘yung tinatawag na kabiyak ng dibdib. ‘Yung taong makakasama natin habambuhay at hinding-hindi mang-iiwan, kahit ano’ng mangyari. ‘Yung taong nandiyan para sa atin palagi.

Kung titingnan ang literal na kahulugan ng idyoma, ang ibig sabihin nito ay kahati ng dibdib na ang tinutukoy ay asawa. Ang magkabiyak ng dibdib o mag-asawa ay may pinaghahatiang iisang pag-ibig. Kaakibat din nito ang idyomang “pag-iisang-dibdib” na ang ibig sabihin naman ay pagpapakasal.

9.


Bilang mga tinedyer, marami na tayong natatanggap na mga gawain at responsibilidad mula sa matatanda, lalo na mula sa ating mga magulang. Madalas kapag naatasan tayo ng trabaho, tinatamad tayong gawin ito. Ngunit, dapat kapag tumutulong tayo sa mga ito, hindi lang natin ito ginagawa dahil lang sa inutos, kundi dahil alam natin na ito ay ating tungkulin.

‘Ika nga nila, ang paggawa ng mabuti ay nararapat na bukal sa loob. Ibig sabihin nito, dapat ang iyong ginagawa ay mula sa kaibuturan ng iyong puso at hindi ka lamang napipilitan. Kadalasang ginagamit ang idyomang ito sa pagtukoy ng mabubuting gawain tulad ng pagtulong sa kapwa o pagbibigay sa nangangailangan.

10.


Nakakita ka na ba ng plaka? ‘Yung malaking CD na pinapatugtog sa ponograpo? ‘Yung kadalasang gamit sa mga lumang pelikula? Alam mo ba na kapag sira ang plaka, paulit-ulit lang ang tunog nito?

Doon galing ang idyomang iyan! Ang mga taong di na natapos ang kauulit ng iisang kuwento ay kadalasang nasasabihan ng: “Para kang sirang plaka!”

Sa sampung nailista rito, hindi pa nangangalahati ang bilang ng mga idyomang maaari mong magamit sa pang-araw-araw. Kung napapagod ka na sa pare-parehong mga salita upang ipahiwatig ang iyong mga nais sabihin, magbuklat ng diksiyonaryo, magbasa ng mga librong Filipino, at payamanin ang iyong bokabularyo. Tiyak, hindi mo na kakailanganing maghintay ng Agosto para pahalagahan at pagyamanin ang ating wika.//nina Wenona Catubig at Roan Ticman

You Might Also Like

0 comments: