filipino,

Literary: Bagsak

8/18/2018 09:08:00 PM Media Center 0 Comments




Tandang-tanda ko pa, unang araw ng pasukan noon. Umaga pa lang ay nakapila na ang lahat para sa gaganaping flag ceremony. Tirik na tirik ang sikat ng araw, napakainit at di mapigil ang pagbagsak ng butil-butil na pawis mula sa noo ng bawat isa.

Naaalala ko pa, lingon ako nang lingon kung saan-saan dahil iyon ang unang araw ko sa eskuwelahang ito. Bago ang lahat sa aking paningin, mula sa tao, mukha, lugar, at iba pa. Ngunit pilit kong sinasanay ang aking sarili. Naghanda na ako sa bagong pagsubok na aking haharapin: ang unang araw ko bilang isang senior high school sa paaralang ito.

Iritang-irita ako dahil hindi ko naman ginustong mag-aral dito. Hindi ko naman ito plinano ngunit kailangan kong masanay na ito na ang magiging pangalawang tahanan ko.

Natagalan akong hanapin ang nakatakdang silid-aralan. 11-MH Del Pilar ang grado at seksyon na nakalagay sa ibinigay sa akin na iskedyul. Nalito ako kahahanap dahil tila napakalaki ng paaralan na ito para sa isang estudyanteng kagaya ko.

Hindi nagtagal ay nakita ko na ang Room 404. Agad-agad akong napatakbo dahil ito na ang hinahanap kong silid-aralan! Sa wakas! Nakita ko na! Sinikap kong humabol para maabutan itong bukas habang wala pa ang guro namin nang biglang…

“BLAAAAAAAAAG!”

Bumagal ang oras, kitang-kita ko ang dahang-dahang paggalaw ng buhok, pagpikit ng mata, at ang malakas na pagbagsak niya sa sahig. Nagkalat ang kaniyang mga libro, bolpen, at mga gamit sa sahig.

“Ayos ka lang ba?” tanong ko sabay abot ng kamay ko upang tulungan siya.

“A, oo. Pasensya ka na, di kita napansin. Sorry.”

Pinulot niya ang kaniyang mga gamit at agad-agad na pumasok sa silid-aralan na parang walang nangyari.

Natumba siya at nahulog ang bag niya, libro niya, at mga gamit niya.

Samantalang ang damdamin ko naman ang nahulog sa kaniya.

Napadilat ako mula sa pag-alala ng nakaraan at napalingat sa babaeng hinihintay ko ngayon sa altar.

“Let us all welcome, our soon to be husband and wife, Mr. Jeffrey Dantes and Ms. Genina Cruz!”

Unti-unti akong napangiti nang iluwa ng pintuan ng simbahan ang isang napakagandang anghel na ibinigay ng langit sa akin. Dahan-dahan siyang naglakad nang nakangiti habang nakakapit sa braso ng kaniyang ama papunta sa akin.

Siguro, hindi na rin masama ang napakainit at nakayayamot na araw na iyon. Dahil sa araw na iyon, noon ko nakilala ang babaeng pakakasalan ko ngayon.

You Might Also Like

0 comments: