cannot be reached,

Literary: Cannot Be Reached (Chapter 4)

9/03/2014 07:26:00 PM Media Center 0 Comments

Ang Cannot Be Reached ay kuwentong binuo, sinulat at pinaghirapan ng Media Center 1 2015 staff bilang kanilang creative writing project ngayong semestre.

Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pawang kathang isip lamang, hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kuwentong ito ang maaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.


-----



PA na naman. Gustuhin ko mang magising di ko talaga magawa e!
Silipin ko kaya cellphone ko. Nag-text kaya siya?

---
Yesterday
8:59 pm

Hay.Fine.
---

Ako pala yung huling nag-text. Tsk. I-text ko ba? Wag na. Siya dapat mauna.

Pero nasisiraan na siguro ‘to ng ulo.  Kung ano-ano na ang sinasabi kagabi.

Ang labo lang ng mga text niya. Kakasabi ko lang na ‘wag magkakagusto sa’kin bigla ba namang nag-text ng malalanding message. Naaawa ako sa kanya. Mahina talagang umintindi.

At…

Kung maraming nagkakagusto sa kanya at na-wrong send pa ‘yung kapatid niya sa dami ng babaeng nagkakandarapa sa kanya, bakit pa niya ako tinetext? Kung ganun siya kagwapo dapat may legit na girlfriend na siya. Hindi yung marami siyang tinetext.

Di bale, for the sake na may ka-text lang naman e. Katuwa din kayang mag-correct ng grammar!

Nagtataka din ako kung bakit nung kapatid niya ‘yung humawak ng cellphone niya, biglang umayos ‘yung English niya.  How… intriguing.

“Wui.”

Napatalon ako sa gulat, akala ko si Ma’am! Si Kurt lang pala.

“Wag mo nga akong gulatin nang ganun!” naaasar kong sinabi.

“Bakit bigla kang nagtetext sa klase? May problema ba?” tanong niya.

Kitang-kita pala ako? Kala ko pa naman tagung-tago ako. “Ah… wala. Oks lang…” sabi ko. “…May inaantay lang.”

“’Yan ba yung katext mo simula kahapon?” seryoso niyang tanong sa akin habang nakatingin sa phone ko.

Bakit niya alam? Di ko naman sinasabi sa kanya a. “H-ha?”

Sakto, nagtayuan na lahat para magpaalam kay Ma’am. Yes, lunch time na! Makakatakas na ako sa pang-iintriga ni Kurt!

Kaso hinarangan pa rin niya ako sa pinto. “Saan tayo? Canteen o---“

*BEEP!*

Tumalon yung puso ko. Siya kaya ‘to? Agad kong kinuha mula sa bulsa yung iPhone ko at di ko napigilang ngumiti.

-----
Today 12:27 pm

GET A FREE SAMSUNG ANDRIOD PHONE! 
Sign up and win a raffle ticket for only 20P! 
Just text the ID number below your PIN Code and send to 2236. 
For more information, please call or text 2346 for GLOBE 
and 2857 for TM. Promo runs til September 27, 2015. 
No advisories? Text STOP to 2940 for free.
-----

“Kainis! Paasa.” napalakas kong sabi

“SINO FRIEND? SABIHIN MO,  SASAPAKIN KO!” eto na si Den-Den. The Noise.

“Uy!” Nakakagulat naman ‘yung mga tao ngayon! Pasulpot-sulpot na lang kung saan-saan.

“SINO NGAAAA? Don’t tell me si Forever Love pa rin yan ah. Girl, gumet-over ka na sa kanya. I’m telling you. He’s not worth it.”

“Di kasi siya.”

“Eh di sino?” sabay pa sila ni Kurt na nagsalita.

“Wala nga.“ sabay tingin sa cellphone.

Inakbayan ako ni Den na may ngiting nangungutsa. “Alam mo friend, marami pang iba diyan. Malay mo sa college mo pa makikilala. O kaya… nasa tabi mo lang pala siya… Tahimik lang… naghihintay ng pagkaka----“

Tumayo bigla si Kurt at pinalo yung wallet niya sa mesa. “Yung ka-text kasi niya ‘yun.” Di ko alam kung bakit biglang tumawa si Den at tinignan siya nang masama ni Kurt.

“SO. KUWENTO MO NAMAN ‘YANG BOYLET MO! ‘KAW AH. LUMALABLAYP KA NA.”

“Hindi kasi lovelife yun!” naiinis ko nang sabi sa kanila.

“… andyan naman si Jia!”

May nagsabi ba ng pangalan ko? Nabibingi na ata ako.

 “…ganyan! Marinig ka ng lampang yun!” Sigaw ng kausap niya.

AKO? LAMPA? EXCUSE ME LANG A.

“…wag ka ngang magbiro nang ganyan! Si J…? No way!”

AKALA MO KUNG SINONG… Pasalamat siya hindi ko kayang magalit sa personal. Di ba niya nare-realize na andito lang ako sa tabi niya? Ganun na ba ako ka-invisible?

“…alam ko namang hinding-hindi mo talaga siya type,” sabi ni Jason.

“…hindi ko magugustuhan ‘yang si Jia.  Walang kabuhay-buhay eh. Puro aral. Masyadong perpekto.”

Ano ako? Sarap sapakin nitong Kevin na ‘to! Para namang magkakagusto ako sa katulad niyang mahangin at walang laman ang utak! Hinding-hindi ko rin siya papatulan, ano! Kala niya.

Wait lang… ako, perpekto? Di kaya… PERO BAKIT NILA KAMI ILI-LINK? Anong koneksyon ko sa kanya? Di nga kami nag-uusap nun e. Baka pinagtitripan lang nila kung sinong una nilang makita.  Ganun naman sila.  May pustahan pa nga minsan.  Mga walang magawa sa buhay.

“Sinong una mong gustong resbakan?” bulong ni Den na mukhang sadyang ipinaririnig kay Kevin.
Sa sobrang inis ko di na ako nakapagsalita e.

“Baka lumipad ‘yang kamao mo a. Mukhang manununtok ka na e,” sabi ni Kurt.

“Onti na lang talaga masasapa---“

*BEEP!*
PAG PROMO ‘TO SISIRAIN KO TALAGA YUNG CELLPHONE KO.
-----
Today 12:50 pm
Hi my beautifull and
perfectfull SCHOOLMATE!

-----

MABUTI NAMAN AT NAGTEXT NA RIN SIYA.  Kailangan ko ng pampawala ng galit. Perfect timing!

“Akyat na ako a.” sabi ko.

“AKO RIN GIRL. Next time na lang natin sila bugbugin. Magrerecruit pa ako ng batalyon. BYERS!” at dali-daling umalis si Den.

“O ba’t abot langit ngiti mo? Porke si ano lang yung nagsalita…” sabi ni Kurt na di ko na naintindihan.

Teka ano irereply ko rito, ‘Thanks’? “Okay”?

-----
Today 12:52 pm

Wow! Bola pa!
Hi! Anong meron?

-----
*SENT*

“Ha?” Ano ulit sabi ni Kurt? Di ko kasi siya tinitignan e…

“Sabi ko ba’t ka nakangi----“

*BEEP!*

“----mo nga yang abot tenga----“

*SENT*

“---mo naman ako pinapansin dahil diyan sa---“

*BEEP!*

“HAHAHAHAHAHAHA KURT MAY PICK UP AKO.”

“Narinig mo ba yung sinasabi ko?” Tinignan niya ako na parang tanga yung kausap niya.

“PICK UP KO MUNA PRAMIS ANG BENTA.”

“O, ano?” Pilit niyang sinabi.

“Jeron Teng ka ba?”

“Bakit?”

“Because you’re my every-TENG! HAHAHAHAHAHA!”

“Kelan ka pa natutong mag-pick up? Diyan sa katext mo?”

“Hahahahahaha!”

“Nagreview ka sa Physics?” tanong niya sa akin.

“Hahahahahaha!”

“Ge, ganyan tayo e. Pag nagkaroon ng love life kinakaliumutan yung best friend.”

“Hahahahahaha!----HA? Hala. Wala nga akong lovelife e.”

“Ano tawag mo diyan?” sabay turo sa cellphone ko.

“Katext… Grabe Kurt sobrang benta niya katext pramis di ka mauubusan ng tawa sa dami niyang mali sa grammar at spelling! Ansakit kaya sa ulo, tignan mo pa---“

“---Di na. Ok lang. Una na akong umakyat! Maya na lang,” sinimangutan niya ako at padabog niyang kinuha ang bag niya sa upuan.

Bakit ako iniwan ‘nun? Problema nun? May sinabi ba ako? Wirdo nun ngayon. Di ko nga maintindihan yung sinasabi niya kanina pa e. Baka may pinagdadaanan? Mamaya ko na lang siya lalapitan, hayaan ko muna siyang mapag-isa.


In the meantime…

-----
Today 1:07 pm
Corny! Wala ka bang klase?

-----
*SENT*

*BEEP!*
-----
1:10 pm
Meron. Pero kung para sa’yo 
okay lang ma-late.

-----

Dito ba niya napapasagot yung mga babae niya? Ang lame! Parang pilit, hindi kakilig-kilig. Ano ire-reply ko dito?

Kaso 1:10 na. Mukhang ako naman yata ang male-late sa quiz.


-----20 MINUTES LEFT SA QUIZ-----

*BEEP!*

Aba’y mabuting estudyante pala ‘to. Nagte-text habang nasa klase. Well, that’ll have to wait.

-----PAGKATAPOS NG QUIZ-----


Hindi ako sigurado dun sa bonus part. San si Kurt? Ba’t di ako hinintay?

“Kurt! Ano sagot mo sa bonus number 2?”

“4.”

“Weh? Ako 8. Kasi diba---“

“---Oo tama ka.”

Oh, ba’t badtrip na naman ‘to?

“Uy. Ano problema?” sabi ko habang hinahatak yung bag niya. Dire-diretso maglakad e. Di man lang ako tinitignan.

“Wala,” sabay tingin sa cellphone ko, may sira ba ‘to?

“Ano nga?” giit ko.

“Wala nga.” Pero yung tono niya parang galit na galit.

“Ok. Sabi mo e.” Suko na ako. Di naman niya sasabihin kahit pilitin ko.

“Ano pala pangalan ng ka-text mo?” seryoso niyang tanong.

Oo nga ‘no. Di ko pa kilala yung ka-text ko. Hahahaha! Eh, bayaan mo na, di rin naman niya ako kilala e.  “Uh… Di ko alam. HAHAHAHA!”

“Wala siyang pangalan sa cellphone mo?”

“Wala.”

“Amin’na.”

Binigay ko sa kanya ‘yung cellpone ko. Ano naman kayang gagawin niya?

Pumindot-pindot siya ng ilang beses, sinauli yung cellphone ko, at dumiretso sa paglakad papunta sa susunod na klase.


Ano ‘to?


Mr. Chickboy
-----
Today 1:20 pm
You know what? 
You makes me happy ;) <3

-----

Mr. Chickboy? Haha! Kurt talaga. Pangalanan ba naman yung katext ko. Pero bagay naman kaya okay lang! Hahaha! Thanks Kurt! Ang funny talaga ng kaibigan kong ‘yun! Kahit badtrip marunong magpatawa!

-----
Today 2:40 pm
Wala bang auto-correct 
yung cellphone mo? :p

----
*SENT*
*BEEP!*
-----


Today 2:42 pm
Tinanggal ko syempre! Experts na yata 
‘to sa English! Tulad mo. ;)  <3
-----


Groupwork lang naman yung English kaya okay lang na hindi makinig. Di naman ako napapansin ni Ma’am e.

-----
Today 2:42 pm
Ah. Ok then. :)

-----
*SENT*
*BEEP!*
----
Today 2:42 pm
So… may lovelife ka ba? 
O ako pa lang? <3
-----

May lovelife nga ba ako? Pag sinabi kong wala iisipin niya ang loser ko. Na walang nagkakagusto sa’kin.

Ah! Alam ko na. Para safe.

-----
Today 2:44 pm
May crush ako. :p

----
*SENT*

“Jia!” Tapik sakin sa likod ni Mark. “Tawag ka ni Ma’am.”

Masyado akong naka-focus sa tinetext ko na di ko namalayang tinatawag pala ako ni Ma’am!

“Yes, Ma’am?”

“I asked you a question.” Nakakatakot, nakatingin na naman sila sa’kin.

“What is it, Ma’am?”

“This is your first time not to listen in class. Ask your seatmate to repeat the question for you.”
Tinanong ko si Andrea, at buti na lang alam ko yung sagot. Ligtas!


*BEEP!*
-----

Today 2:44 pm
Please describe me, 
este, he. ;)
-----

Pano ko siya idedescribe? Baka makilala niya yung crush ko. Nako pag nalaman niyang may gusto ako kay ano?

Gagawin ko na lang general yung description sa kanya para di mahulaan.

-----
Today 2:46 pm
Ano… gwapo, mabait, may sense of humor, sporty. :)

-----
*SENT*

*BEEP*
-----

Today 2:46 pm
Na-flatten naman ako!
 Ganyan na ganyan nga talaga ako! :D
-----

“Uy! Jia! Ano ka ba! Bilog daw sabi ni Ma’am!” naiinis na sigaw ni Mark sa akin.

“Hindi ka kasi nakikinig ngayon.” panininisi ni Andrea sa akin.

“Ha?” Teka anlaki ng ulo nitong katext ko, di ko tuloy namalayan na kailangan palang bumilog sa upuan. Palibhasa nasa likod ako.

“Miss Jia. Is that an urgent text message?”

“Uh…”

“If not, then keep your phone.”

STRIKE 2 NA AKO. Tsk. Dapat di ako mahuli.

Itago ko na lang sa loob ng workbook ko. Ano na nga bang irereply ko dito?

-----
Today 2:27 pm
Hindi kasi ikaw. Feeler. :p

-----
*SENT*
*BEEP*
-----

Today 2:27 pm
Ouch naman. </3 
E kung hindi ako, sino?
-----

“Ahem. Miss Santos.” Nakapamewang na si Ma’am at nakakatakot na na ‘yung boses.

“M-m…ma’am?”

“Give me your phone. I’ll see you after class.”


ITUTULOY.

You Might Also Like

0 comments: