filipino,

Literary (Submission): Tumbang Preso

11/21/2016 09:29:00 PM Media Center 0 Comments





Ang tumbang preso ay parang pag-ibig
Ito ay isang paligsahan para sa mga matatapang at handang sumugal
Ang manlalaro ay dapat handang mahirapan at masaktan
Ngayon ang tanong sa sarili ay "Handa na ba uli akong maglaro ng tumbang preso?"

Handa na ba akong masaktan
Handa na ba akong ika'y protektahan
Handa na ba akong saluhin ang mga lumilipad na tsinelas para 'di ka matumba
At kung sakali mang ika'y matumba, handa na ba akong tulungan ka at muling itayo?

Handa na nga ba ako, o baka naman ako’y naglalaro na nang hindi ko namamalayan

Hindi ko alam kung bakit ako’y nasasaktan tuwing ika'y malungkot
Hindi ko alam kung bakit pinoprotektahn kita mula sa masasamang sinasabi nila
Hindi ko alam kung bakit lahat ng problema at sakit na dapat sa 'yo ay sinasalo ko
Hindi ko alam kung bakit tuwing ika'y natutumba itinatayo kita at binibigyan ng lakas ng loob

Hindi ko alam kung bakit ako sumusugal nang ganito
Hindi ko alam kung bakit handa akong masaktan para lang sa 'yo
Hindi ko alam kung bakit gusto kong lagi kang ligtas at magkasama tayo
Hindi ko alam kung bakit nilalaro ko na naman ang larong ilang beses na akong natalo

Pero alam ko at ipinapangako ko
Hindi ko hahayaang matapos itong laro nang hindi ako nananalo.

You Might Also Like

0 comments: