filipino,
Literary: Kulay sa Labas ng Aking Mundo
Ako’y nakalapat sa papel,
Ginuhit sa isang kwaderno.
Itim at puti ang tanging kulay ko
At nang ginuhit ang aking mga mata,
Dumampi ang sinag ng araw
At dahil sa liwanag nakita ko ang maraming bagay.
Nakita ko ang bughaw na kalangitan,
Ang pulang mga rosas at mga luntiang puno.
Nakita ko ang mga mata ng aking Mangguguhit:
Ito ay kulay-kape at ang labi niya’y kulay rosas.
Ang mundong nasa labas ng kwaderno
Ay isang mundong umaapaw sa kulay, puno ng buhay.
Pinagmasdan ko ang mundong pinaglalagyan ko.
Tiningnan ko muli ang mundong nasa labas ng kwaderno.
Nagnais akong umalis sa puting papel
At pumunta sa mundong umaapaw ng kulay at saya.
Nais kong maranasan ang buhay na may porma,
Ang buhay na may bagong ibabahagi araw-araw.
Habang pinagmamasdan ko ang magandang mundo,
May malaking kamay na humawak sa kwaderno
At isinara ito.
0 comments: