bella swan,

Literary (Submission): Sa'yo*

2/18/2015 09:21:00 PM Media Center 0 Comments



“Minsan oo, minsan hindi… minsan tama, minsan mali…”

Tatlong linggo na lang prom na.

Hindi ko pa rin alam ang gagawin ko.

Matagal ko nang pinag-iisipan kung tatanungin ba kita ng “Will you go to prom with me?” Baka mautal ako. Yung mas simple na lang kaya? “Prom tayo?” o kaya “Prom?”

Paano? Bibigyan ba kita ng flowers? Chocolates? Doughnuts? Pizza? Lahat na lang kaya ‘yan? OA naman yata. May balloons ba? O malaking banner na lang? Tutula ba ako? Kakanta? Sasayaw? ANG. HIRAP.

At saan kita tatanungin? Sa bahay nyo? Kaso takot na nga ako sa’yo, mas takot pa ako sa tatay mo. Sa school na lang siguro. Sa harap ba ng maraming tao o ‘pag kasama mo lang mga kaibigan mo? Pero baka pagtawanan lang ako. O ‘pag tayong dalawa lang? Makatiyempo kaya ako? Eh hindi mo nga ako masyadong pinapansin kahit Grade 8 pa lang yata tayo nagpapapansin na ako.

“Umaabante, umaatras… Kilos mong namimintas…”

Gets ko naman. Lalo kang walang time ngayon. YLO. Church. Banda. Akala ko nga pati varsity papatusin mo na. Siyempre acads pa. Aral muna. Thesis. Function. Suring akda. Pag-aalaga ng daga. Kailangan maka-graduate. Ako rin naman busy. Pero kahit napakarami ko ring iniisip, andun ka pa rin. Tatlong taon ka nang nagsusumiksik sa isip at puso ko. Kahit alam kong wala o kung meron man eh napakaliit ng pag-asa ko sa’yo, umaasa pa rin akong maipaparating ko sa’yo at magegets mo na ikaw talaga ang gusto ko.

Kaso lang natotorpe talaga ako. Ewan ko ba kung bakit sa kapal ng mukha ko, pagdating sa’yo tiklop ako. Walang binatbat ang kagwapuhan ko. Wala kang paki sa abs ko. Palpak ang damoves ko. Fail ang mga hirit kong mabenta sa iba. Doon ko lalong napatunayan na ibang klase ka.

Kaya tatanungin pa ba kita? Gusto ko. Gustong-gusto. Pero nauunahan ako ng takot at kaba. Palagay ko kasi tatanggi ka. Na naman. So wag na lang kaya?

“Kung tunay nga ang pag-ibig mo… Kaya mo bang isigaw, iparating sa mundo?”

“Last prom na natin.” Oo nga. Pero may grad ball pa naman.
“Magiging masaya ka ba kung wala kang date? Kung hindi siya ang date mo?” Oo naman. Siguro? Malamang... hindi masyado.
“Okay lang ba sa’yo na iba ang maging date niya?” Wala naman akong magagawa. Pero sino bang niloloko ko? Hindi okay eh. Hindi talaga.

Naisip ko, di bale nang ma-reject kesa naman di ko sinubukan. Kaya hinugot ko na lahat ng lakas ng loob at kakapalan ng mukha.

“Tumingin sa ‘king mata… magtapat ng nadarama…”

Tatanungin kita kung papayag kang maging prom date ko. Pag nag-yes ka, siguradong walang pagsidlan ang saya ko. Pag nag-no ka… eh di iyak na lang ako. Tatanggapin ko na kung hanggang saan na lang ako pagdating sa’yo.

The works sana ang promposal ko… isang dosenang red roses, isang dosenang pink na lobo, malaking banner ng “PROM?”… harana pa nga sana kaso baka dalawa pa tayong mapahiya sa pagkasintunado ko. Tapos sa klase ko gagawin. Sabi kasi nila ganyan ang trip ng mga girls. Kailangan sweet. Kailangan effort. Kailangan alam ng lahat.

Pero parang hindi naman mga ganun ang trip mo. Pwede namang sweet, pwede namang may effort na hindi pinapakita sa iba, na tayo lang ang nakakaalam. Hindi naman sa duwag ako pero gusto ko kasi na papayag ka dahil gusto mo talaga. Hindi lang dahil nahiya ka at binuyo ka ng mga tao sa paligid.

Hinintay kita sa kanto ng Elem dala ang rose na ibibigay sa’yo. Habang pinapaulit-ulit ko sa isip ko ang sasabihin sa’yo, pilit ko ring pinapakalma ang kumakabog na puso ko. Bahala na mamaya pag nagkita na tayo.

“Di gusto ika’y mawala…”

“Oy, uwi na,” sabi ng kaklase ko. Nung sumagot ako na hinihintay kita, sabi niya, “Ha? Eh papunta sa Vinzon’s. Dun na raw sasakay pagkatapos magpa-photocopy.”

Di na ko nag-isip. Tumakbo na ako nang mabilis. Malapit na ako, isang tawid na lang… pero natanaw na kitang sumakay ng jeep na kumaripas na ng alis. Binilisan ko lalo ang pagtakbo at nang maabutan kong nagbababa sa BA, nakita kong napatingin ka sa estribo ng jeep. Alam ko, nakita mo ako dahil nanlaki ang mga mata mo, nagulat ka at bigla itong napalitan ng pagkunot ng noo habang nakatingin sa akin. Mukha kang nagtataka. Sa bagay, kung ako naman ikaw magtataka rin ako kung bakit may mukhang ewan na humahabol sa jeep na sinasakyan mo.

“Mama, para!” malakas kong sigaw. At sa awa ng Diyos, huminto ang jeep. Nagmamadali akong sumakay pero… nagkamali ako ng hakbang. Ayun, sumubsob ako. Sakto sa may paanan mo. Kung tatamaan ka nga naman ng malas! Tumayo agad ako at tumabi sa’yo. Nararamdaman kong nakatingin yung iilang pasaherong kasabay natin pero ikaw lang ang tiningnan ko. Hindi ko alam kung natatawa ka ba o naaawa sa ‘kin.

“Okay ka lang ba?” nakangiti mong tanong. Sabi ko okay lang kahit hindi masyado. Lalo na pag nag-no ka. Ano na lang matitira sa pride ko nun? Nagasgas na nga ang baba ko, masusugatan pa ang puso ko. Pero bahala na.

“Dahil handa akong ibigin ka…”

Nakita kong napatingin ka sa hawak kong rose. “Hala nalukot na yata yung balot,” sabi mo.

“Oo nga eh. Sana magustuhan pa rin ng pagbibigyan ko,” sabi ko. Sana magustuhan mo pa rin. Umupo na ako paharap sa’yo.

“Bayad ka na?” tanong ko.

“Hindi pa.”

“Libre na kita.”

“Kung maging tayo…”

Nagulat ka nang hinawakan ko ang likod ng kaliwa mong tenga, kunwaring may kinukuha. Nagtataka kang nakatingin sa palad ko. Inulit ko ng tahimik ang hiling kong sana’y umoo ka, sabay abot sa’yo ng sampung pisong barya kung saan nakadikit ang tanong ko:

“Will you be my prom date?”

At pigil hiningang hinintay ang isasagot mo.

“Sa’yo lang ang puso ko…”

-----

“Walang ibang tatanggapin… ikaw at ikaw pa rin…”

Huling tatlong kanta na.

Hinawakan mo ang kamay ko at niyaya akong sumayaw.

Hindi pa rin ako makapaniwala. Buong gabi na tayong magkasama at magkausap, matatapos na ang prom pero hanggang ngayon hindi pa rin ako maka-get over na nagpromposal ka.

Kung alam mo lang kung gaano ako nagulat. Hindi ko kasi talaga inaasahan kahit pa sinasabi ng mga kaibigan ko na may balak ka ngang yayain akong maging prom date mo.

“May gulo ba sa’yong isipan? Di tugma sa nararamdaman…”

“Paano kung magpromposal siya?” Weh.
“Papayag ka bang maging date niya?” Baka magpromposal.
“Kung magpromposal nga kasi???” Eh di wow.

Ano naman kasi ang isasagot ko? Mahirap na. Mamaya mag-expect ako. Bawal umasa. Wala akong time. Tuwing magtatanong kasi sila ng ganun, napapaisip ako. Paano nga kaya kung magtanong ka? Paano mo gagawin? Saan?

Kung sakaling topakin ka at magprompose sa’kin, ang hiling ko lang… sana wag naman yung agaw-atensyon. Yung lahat ng tao nakatingin sa‘kin at naghihintay ng sagot na ibibigay ko sa’yo. Sana hindi bongga at magastos. Simple lang sana. Tamang effort lang.

Hala. Ayan. Iniisip ko tuloy yung mga ganyan. Tinatanong ko rin sa sarili ko kung gusto ko bang magpromposal ka. Kung ano ang isasagot ko. Grabe maka-assume di ba? Kaya, okay, stop. It’s not going to happen and I don’t care ang peg ko.

“Kailangan ba kitang iwasan? Sa tuwing lalapit may paalam…”

Pero kasi… sa totoo lang, napapansin kita. Alam na alam ko pag nagpapacute ka. Gusto ko ring makipag-usap sa’yo, sagutin ‘yung mga hirit mo. Ayaw kong iwasan ka. Kinikilig ako para sa mga ginagawa mo para sa’kin. Buuuut, studies first talaga eh. Pagagalitan ako ng tatay kong di na yata natutulog katatrabaho pag napabayaan ko ang pag-aaral ko. Minsan naisip ko, responsable naman ako. Siguro naman hindi bababa ang grades ko. Pero kasi… di ko masabi… pano pag nadala ako sa kilig kilig na ‘yan?

So ang mindset ko, kahit ano pang sabihin nila, wala. Yayain mo man ako o hindi, iba man ang date mo… okay… prom. Just another school activity. Naiisip ko rin kasi na sa daming beses na hindi kita pinansin, na iniwasan kita, inisnab… siguro hindi ka na mag-aattempt. Siguro sa dalawa’t kalahating taon, nagbago na ang feelings mo para sa’kin, nakahanap ka na ng iba.

“Ibang anyo sa karamihan… iba rin pag tayo lang…”

Huling kanta na.

“Salamat at pumayag kang maging date ko,” bulong mo.

“Thank you rin. Nag-enjoy ako.” Hindi ako nagsisising pumayag ako. Mas marami pa akong nalaman sa’yo sa loob ng anim na oras na ‘to kaysa sa tatlong taong magkaklase tayo.

“Tumingin sa’king mata… magtapat ng nadarama…”

“Napilitan ka lang yata eh,” biro mo.

“Uy, hindi ah!” natatawa kong sagot.

“Di gusto ika’y mawala…”

“De, naawa ka lang yata dahil nadapa ako sa jeep eh,” tumatawa mong sinabi.

Lalo akong natawa. “Hindi talaga.”

“Kung maging tayo…”

Kung alam mo lang… kahit lukot na yung pambalot ng rose na ibinigay mo, kahit nakakaloka ang paghawak mo sa tenga ko nung magic trick mo. Kahit humahangos ka pang pumara sa jeep at nadapa sa pagmamadali… Naisip ko na kahit paano mo pa pala ginawa, kahit paano mo pa tinanong…

Oo naman talaga ang sagot ko.

“Sa’yo na ang puso ko.”


*Inspired by Silent Sanctuary's Sa'yo

You Might Also Like

0 comments: