bulalakaw,
Literary (Submission): Bulalakaw
Iminulat ko ang aking mga mata,
Nagbabakasakaling may bulalakaw na bibisita.
Sa dilim ng gabi't liwanag ng mga bituin,
Hinahanap ko ang mga salitang iniiwasang sabihin.
Ako. Ibinaling ang tingin ngunit bakit nakakasabik balikan?
Sila. Sumasang-ayon sa mga hinaing ngunit hindi mapaniwalaan.
Ikaw. Mahirap kalimutan ang mga bagay na nais pang alalahanin.
Tayo. Dinadala pa rin ako sa'yo kahit pinauubaya na sa hangin.
Sa katahimikan ng gabi'y may nadatnan pang mga salita,
Hindi na dapat sinasabi ngunit sa dila'y ayaw magparaya.
Nakikipagtaguan sa mga damdaming hindi maharap,
Baka sakaling sa bilang ng sampu ikaw ang mahanap.
Panahon. Iniwanan na tayo nito, nagmamadaling natapos.
Oras. Hindi pa siguro wasto, kaya't nauwi sa hikahos.
Akala. Patuloy ang pag-agos subalit ito'y tila namamali.
Pag-ibig. Handang mag-antay ngunit ba't hindi mapakali?
Pinikit ko ang aking mga mata.
Nagbabakasakaling narinig ako ng munting bisita,
At sa liwanag ng bukang-liwayway, umagang bituin,
Hahayaan kong dalawin ka ng bulalakaw na may aaminin.
0 comments: