kiel dionisio,
UPIS, lumahok sa U.P. Lantern Parade
Lumahok sa taunang UP Lantern Parade ang mga mag-aaral ng University of the Philippines Integrated School (UPIS) K-12 noong Disyembre 14, 2018, na nagsimula at nagtapos sa Quezon Hall Amphitheater.
Bagama’t umuulan, natuloy pa rin ang nasabing programa na may temang “Paglaot, Pagdaong.” Ang temang ito ay pagpupugay sa mga iskolar, alumni, at tauhan ng unibersidad na gumagawa ng mga adbokasiya sa bansa
Ang taunang parada ay pasiklaban ng parol ng iba’t ibang kolehiyo at organisasyon sa UP. Naging bahagi ang UPIS ng parada sa parol ng Kolehiyo ng Edukasyon. Bitbit ang mga watawat na may disenyo ng vinta at flashlight, pumarada ang mga mag-aaral kasabay ng kanilang cheer.
Dahil sa patuloy na pag-ulan, hindi na umikot sa buong campus ang mga mag-aaral at pinauna na lamang sa parada upang makabalik kaagad sa UPIS.
Ayon kay Aldric de Ocampo, isang mag-aaral mula sa Grado 11 na lumahok sa parada, “Masaya naman yung experience, kasi nakakatuwang makita yung mga ilaw habang naglalakad sa oval.” Dagdag niya, maganda na kasama ang UPIS sa taunang programa dahil nabibigyan ng pagkilala ang paaralan.
Ang nagwaging parol, ay mula sa kolehiyo ng School of Urban and Regional Planning (SURP) na nagpapakita ng environmentalism sa isang urbanidad. Ipinakita ng parol ang masaganang kalikasan sa isang lugar na puno ng gusali. Nagtapos ang programa sa isang fireworks display. // ni Kiel Dionisio
0 comments: