filipino,

Literary: Si Dan

1/25/2019 08:09:00 PM Media Center 0 Comments




Bughaw

Bughaw na bughaw ang langit noon, kapag tumatakbo kami sa isang kalye sa amin. Pataas-baba ang kalye at saktong-sakto talaga upang maehersisyo ang aming mga binti kaya kami’y pumapayat.

Hindi karaniwang kalye sa Pilipinas ang katulad ng sa amin. Dito ay tahimik, walang mga batang maingay na nagtatakbuhan, walang mga tumatambay at nagkukwentuhan, wala ring sari-sari store na karaniwan mong makikita kung saan-saan. Kung sakaling gugustuhin mong bumili ng biskwit, kakailanganin mo pang maglakad ng halos kalahating kilometro.

Kung tutuusin, para sa iba, kami ni Dan ay mayaman. Nasa amin ang madalas tawagin na "rich kid vibe". Kung minsan pa nga'y naiinis ang mga tao sa amin dahil pinagti-tripan namin sila sa pagsasalita namin ng conyo. Inis na inis sila sa "like parang" namin na halos sinasabi namin sa isang pangungusap.

Noong una'y di ko inakalang makakakilala ako ng katulad ni Dan. Paano ba naman, napakaarte niya. Maarawan lang nang halos isang minuto ay naiirita na siya. Pareho kaming pinalaking hindi lumalabas ng bahay ngunit ang pinagkaiba namin ay hindi ko ginusto ang magmistulang preso sa loob ng aming tahanan. Kaya't lagi akong pinapagalitan noon. Lagi akong tumatakas para lang makipaglaro sa mga kaedad kong kapitbahay habang si Dan ay nasa bahay lang. Siya pa ang pinupuntahan ko noon sa kanila nang kami'y nasa ikalimang grado noon at simula noon ay nagustuhan ko na siya.

Luntian

Luntian ang kulay ng damo na hinigaan namin ni Dan nang kami'y nasa ikawalong grado na. Hindi niya pa alam na may gusto ako sa kaniya. Ngunit, naisip kong malabo na rin naman na maging kami. Naniniwala kasi akong mayroong mga taong pangkaibigan at pangkasintahan. Isa ako sa mga taong pangkaibigan lamang para kay Dan.

Nag-aasaran pa nga kami sa mga gusto naming tao noon. Ang dami niyang sinabing pangalan sa akin at madalas ay puro mga basketball player. Minsan pa nga'y
nagkunwari akong kinilig sa isang basketball player kasi inakbayan niya ako at sinabi niyang "Kuya! Single 'tong si Jessica!" Hindi ko napigilan ang kilig ko't namula ang mukha ko. Inakala talaga ni Dan na gusto ko yung basketball player na si Eric. Pero sa totoo lang, ‘yung akbay niya ang nagpakilig sa 'kin. Sa sobrang kilig ko'y nahampas ko siya noon sa balikat at namula din ito. Hanggang ngayon ay di ko makalimutan ang araw na iyon.

Dilaw

Dilaw ang kulay ng skirt na suot ni Ashley na aking kinaiinisan. Simula nang magkakilala sila ni Dan, tila nawala na siya sa 'kin. Hindi na niya ako pinupuntahan sa lamesang bato sa damuhan tuwing tanghalian. Hindi niya na rin ako sinasamahan sa silid-aklatan upang mag-aral kami nang magkasama sapagkat sa tingin ko'y mas gugustuhin niyang aralin ang buhay ng babaeng iyon.

Minsan, nakita ko pang kinantahan ni Dan si Ashley. Sa sobrang selos ko'y umiyak ako ng halos dalawang oras noong gabing iyon. Naloka naman yung babaeng iyon. Pero sa totoo lang, ako nagturo kay Dan kung paano kumanta at tumugtog ng gitara. Ngunit nagpasalamat ba siya? Hindi. Hindi siya marunong magpasalamat sa mga ginagawa ko para sa kaniya.
Hindi lang 'yon. Hindi niya pa alam kung anong mga ginagawa ko para sa kaniya. Madalas ay tatambay ako sa kantina at hihintayin ko siya para lamang akbayan niya ako at sabihan ng: "Libre 'mo 'ko!" Oo, napapagastos ako ng sobra dahil sa kaniya. Tila ba ang pagkain na binibili ko ang bayad para sa pang-aakbay niya sa 'kin. Paano ba naman, mahal na mahal ko siya e. Pero nawalan na ako ng pag-asa sa kaniya dahil kay Ashley.

Pula

Pulang-pula ang mukha ko nang isugod ako sa ospital. Nagambala ko pa ang pahinga ng aking magulang noong ikasais ng hapon. Sobrang nag-alala sila, tila ba’y mawawala na ako sa kanila. Nang makarating sa ospital, tinawagan ng aking mga magulang si Dan at ang balita’y kanyang ikinabigla.

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko noon sa sobrang sakit.

Makalipas ang ilang oras, nasa ospital na rin siya. Galing daw siya sa opisina at dumiretso agad siya dito. Laking tuwa ko nang nalaman kong nagpunta siya sa ospital at kinaya niyang makapaglaan ng oras para sa akin. Pumasok si Dan sa silid kung saan ako nakahiga at nang marinig niya ang batang umiiyak, agad siyang sumigaw ng: "I can't believe it! Tatay na ako!"

You Might Also Like

0 comments: