filipino,

Literary (Submission): Noong Nakaraang Taon

1/25/2019 09:32:00 PM Media Center 0 Comments




Matingkad ang mundong angkin ay milyon-milyong kulay,
Kay sigla ng lahat at punong-puno ng buhay!
Pinaliliwanag pa lalo ng iyong mga mata,
Ng iyong ngiti, tawa at matatamis na salita!

Dumaan ang mga araw na kay sagana ng ating hardin,
Bawat bulaklak at bunga'y maaliwalas sa paningin.
Ngunit lumipas ang panahon at ang mga ani'y nalanta
Hanggang ang saysay at kagandahan ay kumupas na.

Tuluyang nawala ang hiwagang kinasanayan,
Tuluyang naglaho ang dating nararamdaman.
Napalayo nang napalayo ang ating mga dibdib,
Lumihis ang liwanag at sinalubong ng pusikit.


Bagong taon, bagong simula,
Ikaw sana'y malilimutan na.
Ikalabimpito ng Enero, ika'y muling nakita
Napagtantong 'di pa rin ako makawala.

Narinig ko na naman ang tawa mong makulay
Kay tingkad na kahel, punong-puno ng buhay.
Sa kabila ng aking tahimik na pagkahimlay,
Nanaig ang iyong kantang hindi naman sa akin iniaalay.

Ang ating pag-ibig ay dapat nang pakawalan,
Huwag nang manatili sa lumipas na nakaraan.
Paunti-unti, susubukang tanggapin ang katotohanan
Na ang puso mo ay may iba na ngang tahanan.

At baka... baka lang naman,
Makabalik pa ako sa aking pinagmulan,
Sa mundong may mga kulay, mga hugis at kabuluhan
Ngunit mundong kupas, ordinaryo at pangkaraniwan.

You Might Also Like

0 comments: