cedric creer,
OPINION: Panibagong Polisiya, Panibagong Problema
Noong nakaraang Enero 7, 2019 ipinatupad ng Land Transportation Office (LTO) NCR at Davao Region (Region 11) ang polisiya sa bagong sistema ng aplikasyon para sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho. Kasunod ito ng inilabas na Memorandum Circular No. 2018-2157.
Nakasaad dito na tatanggap lamang sila ng mga pinasang medical certificates online mula sa mga accredited na clinics at mga physicians para masigurong tunay ang mga medical certificates at kwalipikado ang aplikante para magmaneho. Layunin din nitong mas mapabuti ang pag-streamline sa mga drivers’ license applications.
Ang issuance ng mga online-only medical certificates ay nagkakahalagang 300 piso hanggang 600 piso. Saklaw nito ang aplikasyon para sa mga student permits, drivers’/conductors’ licenses, at license renewals.
Pero epektibo nga ba ang patakarang ito?
Kung titingnan ang mga unang araw ng implementasyon, masasabing naging palpak ang pagpapatupad ng polisiyang ito.
Samu’t saring problema kaagad ang kinaharap ng mga apektado ng patakaran. Marami ang nagreklamo sa kakulangan ng mga accredited clinics at physicians sa iba’t ibang lugar na nagresulta sa mahahabang pila at sa mas mabagal na proseso ng license application.
“Kanina pa kaming 8 dito sa medical, until now di pa natatawag. Sayang ang araw babalik pa bukas, a-absent na naman,” sabi ni Aian Austria Raso, isang aplikante, sa UNTV News and Rescue.
Ang mga accredited clinics ng LTO ay umabot lang sa bilang na 77 sa Metro Manila. Makikita dito ang kawalan ng kahandaan ng LTO dahil kulang na kulang ito kung pagbabasehan ang lawak ng Metro Manila at ang dami ng bilang ng mga taong nangangailangan ng lisensya sa pagmamaneho.
Bukod pa rito, hindi rin maikakaila ang mabagal na internet sa Pilipinas, na isa pang dahilan kaya mas lalong bumagal ang kanilang sistema.
Sa ngayon, ang maaring gawin ng LTO ay dagdagan pa ang bilang ng mga accredited clinics at physicians. Dapat ay masiguro nila na makararating ang listahan ng mga ito sa lahat ng mga aplikante upang hindi masayang ang pagpunta sa mga klinika na hindi naman accredited ng LTO.
Sa kabilang banda, puwede rin namang tingnan na bago pa lang talaga ang sistema kaya hindi pa ito perpekto. Maaari ring bigyan ng pagkakataon ang LTO. Huwag sana nating ipagkait sa kanila ang pagkakataong mapabuti ang serbisyo sa mga mamamayan dahil lahat naman ng pagbabago ay may adjustment talaga sa simula.
Patunay nito ang binagong sistema ng number coding scheme na ang pangunahing layunin ay masolusyonan ang masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila. Tinanggal ang dating window hours kung kailan maaaring bumyahe ang mga plaka na coding sa partikular na araw. Maraming ang nagreklamo dahil napilitan silang iwan ang kanilang mga sasakyan sa bahay at mamasahe.
Noong una, nahirapan ang mga motorista na mag-adjust sa polisiyang ito. Pero sa paglipas ng mga buwan, natutunan nila itong tanggapin dahil nakita nila na ito ay mas makabubuti para sa nakararami.
Oo, mahirap magtiwala, lalo na sa panahon ngayon kung saan kahit ang mga sinasabi ng ating presidente ay hindi na mapagkakatiwalaan. Halimbawa ay ang kanyang pangakong susugpuin ang korupsyon, droga at kriminalidad sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan na hanggang ngayon ay hindi pa rin nangyayari. Pero paano tayo nakasisiguro na matutulad lang ito sa pangako ng ating presidente at hindi ito makatutulong sa atin kung hindi pa naman natin nakikita ang kabuuang resulta nito?
Ang maaari nating gawin ay maging mapagmasid. Bantayan natin ang pagpapatupad ng mga polisiya. Magsalita at ipahayag ang ating mga saloobin nang may sapat na pagsusuri at batayan. Huwag nating hayaang magpatuloy ang mga bagay na sa tingin natin ay hindi tama. Kung nakikita natin na palpak pa rin ito at hindi karapat-dapat sa pagkakataong ipinagkaloob dito, ipahayag natin ito nang sa gayon ay makagawa ng aksyon sa ating mga problema. Dapat din natin tulungan ang ating mga kababayan at ipaalam natin sa kanila ang mga bagay na dapat nilang malaman tungkol sa polisiyang ito.
Walang mangyayari sa ating problema bagkus, maaari pa itong lumala sa hinaharap kung wala tayong gagawin. //ni Cedric Creer
0 comments: