casualdehyde,

Literary (Submission): May Kaibigan Ka Bang Clarisse?

8/12/2015 07:11:00 PM Media Center 0 Comments



Ako ang hilig na takbuhan ng kaibigan kong nagngangalang Clarisse. Mahilig siyang magpaloko, aminado naman siya. Mahilig siyang magmahal. Punung-puno siguro siya ng love kaya madalas siyang magmahal. Kung gaano kadalas siyang umibig, ganoon din siya kadalas na malungkot at masaktan.

At kapag nasasaktan si Clarisse, bumabaha ng luha sa aking harapan.

Anuman ang mangyari sa kanyang buhay pag-ibig ay hindi buong kasalanan ni Clarisse. Kung maloko man siya, hindi niya kasalanan. Sadyang may mga taong malakas ang loob na manlamang sa kanyang kapwa. Kung di magtagal ang relasyon nila ni Clarisse, hindi rin naman niya purong pagkukulang sapagkat ang relasyon ay pandalawahan at hindi isahan. Pareho silang maaaring nagkulang.

Marahil, ang problema sa kaibigan kong si Clarrise, labis siya kung magmahal. Hindi pa man opisyal na “kayo” kapag nakita ka niyang kakaiba ang ikinikilos mo, labis na siyang nasasaktan at nag-iisip ng kung ano-ano.

Ang kaibigan kong si Clarisse, napakasensitibong tao. Kaunting kibo, kaunting mali, nasasaktan siya’t sa huli’y makikita mo nang humihikbi. Kapag nasagi po ang kanyang damdamin, magdaramdam, magmumukmok, hanggang mauwi sa labis na kalungkutan.

Maaaring mahirap siyang intindihin o unawain, pero hindi siya mahirap mahalin. Maliban sa given na ang pagiging mapagmahal niya, mapagbigay din siya. Marunong umunawa. Marunong makiramdam. Sensitibo sa iniisip at nararamdaman ng iba.

Sa ngayon, hindi pa nahahanap ni Clarisse ang taong para sa kanya. Pero ang tangi ko lamang hiling, huwag naman sanang kapag dumating na ang pagkakataong iyo’y ang Clarisse na punung-puno ng love ay nagbago na.

Ikaw, may kaibigan ka rin bang Clarisse?

You Might Also Like

0 comments: