filipino,

Literary (Submission): Dula-dulaan

8/27/2015 08:12:00 PM Media Center 0 Comments



PLAY
Unang beses kitang nakita sa isang entablado sa kwarto ng ating kolehiyo, nag-eensayo, umaarte. Ni hindi ko nga nagawang magkaroon ng “second look” nang makita ka. Pero nasabi ko ng mga oras na ‘yun, “ay infairness, cute siya.” Hanggang sa nakita kita sa mas malaking entablado, mas malaking produksyon, isang dula. Magaling kang umarte, ang ganda ng boses, ng tindig, ah basta! Bagay ka sa gitna ng entablado. Maging sa likod ng mga aninong pinagagalaw at binibigyan mo ng buhay. Ang sarap balik-balikan ng mga panahong sinisilayan kita. Hindi ko rin naman maiwasan na alalahanin ang unang beses na binalik mo ang iyong tingin sa akin, pinakaunang beses kang ipinakilala sa akin, unang beses na magkita tayo, nang tayong dalawa lang. At heto tayo ngayon, magkasama uli. Nasa harap kita, nagkukwento ng mga naranasan mo sa kamakailan mong biyahe. Nandito ka sa harap ko ngayon, kasama kita sa oras na ito pero hindi mo lang alam kung saang lupalop na ng kaligayahan mo ako nadala.

PAUSE
Nakangiti ka habang nakatingin sa akin. ‘Yang maliliit mong mata, para bang halos wala ka nang makita dahil hindi lang labi mo ang nakangiti sa akin, kundi maging ang iyong mga mata. Wala naman akong hawak na remote pero tumigil ang mundo ko. Tumigil ang lahat ng nasa paligid: si ate na nag-jo-jogging sa acad oval, ‘yung Katipunan jeep na dumaan, maging mga lamok, napatigil sa pagpipiyesta ng pagkagat sa mga binti at braso ko. Pati ata puso ko muntik nang makalimutang tumibok. Nang may biglang kumalabit ditto at sinabing, “psst, ingatan mo ang puso mo ha. ‘Wag mong kalimutan na gamitin pa rin ako.”

REWIND
Pamilyar ako sa karamihan sa mga daan dito. Siguro kasi matagal na rin naman ako rito at maka-ilang beses ko na ring tinahak ang daang tinutukoy ko. Pero nag-iba ang rutang ito nang ikaw na ang kasabay kong naglalakad sa kalsadang ito. Walang jeep, sasakyan, joggers. Hindi katulad ng madalas kong makita kapag dumadaan sa kalyeng ito. Sa gabing ito, ikaw lang at ako ang laman ng kalsada. Komportableng nakakapaglakad sa gitna ng kalye, tinatahak ang parehong daan, uuwi na sa kanya-kanyang tahanan. Pero hindi pa rin natatapos ang mga kwentuhan, tawanan at kulitan. Nang dapat na magpaalamanan, gusto ko na lang hatakin pabalik ang oras, bumalik sa lugar kung saan tayo nag-umpisang maglakad. Para mabalikan lahat ng tawanan at kuwentuhan. Pero naisip ko, dadaanan ko pa rin naman ang kalyeng ito kinabukasan. Hindi man kita kasama bukas, alam kong nagmarka sa daang ito ang mga alaala ng gabing ito.

RECORD
Masarap pakinggan nang paulit-ulit ang boses mo. Ilang beses ko na rin sinabi sa’yo yan. Maka-ilang beses ko na ring nakilala ang boses mo kahit hindi ako nakatingin. Kahit pa nga ata nakapikit, alam kong boses mo yun. Mapapalingon na lang ako kung saan nanggaling ang mababang tono ng boses na narinig ko at ayun, walang palya, laging ganoon, nandun ka nga. Sa labas ng lugar na humubog sa pagkatao at mga ambisyon mo, sa pasilyo ng paaralan, sa tambayan ninyo at sa tuwing sinasabi mo ang mga sponsor ng palabas ninyo. Pero sa mga oras na ‘yun, hindi lamang boses mo ang gusto kong ulit-ulitin. Gustong gusto kong maramdaman ulit ang mala-kuryenteng naramdaman nang saktong oras na ibinalik mo ang higpit ng hawak mo sa kamay ko. “Wag kang masyado sa gilid, baka mahulog ka, usog ka na lang dito” nang bigla mong ikinawing ang mga daliri mo sa kamay ko at sabihing “ayos lang, malayo pa naman.” Sana nga malayo pa, malayo pang mahulog ang loob ko sa’yo nang tuluyan.

STOP
Ang problema lang naman kasi talaga para kang palitaw na lulubog lilitaw. Para kang kabute na bigla-bigla na lang susulpot. Hindi na nga tayo madalas magkita ngayon dahil hindi naman nagtutugma ang mga libreng oras natin. Pero hindi ko rin naman kasi maintindihan, ano ba talagang meron sa atin? Mayroon ba talagang “tayo” o guni-guni ko lang ang lahat ng ito? Baka isang malaking entablado ang mundo mo at pareho tayong gumaganap lang sa mga karakter na hindi totoo. Baka naman din isang mahabang nobela lang pala ang sinusulat ko sa isip ko at tayong dalawa ang karakter na nilikha ko sa sarili kong mundo. Gusto ko na lang sabihin sa’yong “tigil.” Tama na, itigil mo na yang panlilito mo. Itigil mo na pabago-bagong pakikitungo mo sa akin. Tama na. Pwede bang bigyang buhay natin ang mga karakter?

FAST FORWARD
March 2014 nang unang beses kitang nakausap. Sa text. Pero ibang klaseng ligaya ang naramdaman ko noong mga panahong ‘yun. Abot hanggang langit. Tinanim ko sa mga kalamnan, buto, pati puso at utak ko ang lahat ng pag-uusap natin mula ng araw na ‘yun. Isang taon ang lumipas, ang dami na nating napag-usapan, makailang beses na rin tayong nagkita at nagkasama. Ang dami na rin nating napag-kwentuhan tungkol sa buhay, pagiging estudyante, mga ambisyon, pangarap. Maging mga prinsipyo sa buhay napag-usapan na natin. Pero sa tuwing magkausap tayo, lagi akong may panibong natutuklasan tungkol sa’yo, may kakaiba. Ayokong pangunahan ang mga pwedeng mangyari. Pabago-bago man ang pakikitungo mo sa akin, kung sakaling kathang-isip lang naman pala talaga ang lahat, ayokong pangunahan. Natatakot akong pangunahan. Mas mabuti sigurong pagtuunan na lang ng pansin ang ngayon. Tutal alam kong masaya naman ang kalagayan ng puso at isip ko. Kuntento naman ako sa kung anong meron ang “tayo.” Tingnan na lang natin ang mangyayari. Abangan na lang natin ang susunod na kabanata.

You Might Also Like

0 comments: