bertram matabang,

Literary (Submission): Araw, Gabi

8/27/2015 07:47:00 PM Media Center 0 Comments



“Bakit hindi kailanman mahahabol ng buwan ang araw?”

Wow. Deep, Pilosopikal, Scientific. Paminsan hugot sa tweet ng kabataan ngayon.

Ngunit bakit nga ba? Hindi ko rin alam, at tinatamad akong halungkatin ang internet at lalo na ang libro namin sa agham. Lumabas ako, nagmuni-muni, tinitigan ang buwan. Aba, para akong nakaharap sa salamin: maputi at mabilog ang mukha, puro butas ang makikita. Nakalulungkot siyang tignan, napakatahimik at malamlam, parang puno ng lumbay ‘pagkat napalilibutan ng mga bituing kailan ma’y hindi siya malapitan. Masaya kaya ang buwan? Siguro, dahil lagi naman niyang kalaro ang araw.

Ang araw, ang araw… Naiisip ko na rin ang araw. Napakaliwanag, napakasaya… Hindi ko siya matitigan nang matagal, pero anong saya ang nararamdaman ko kapag nariyan na siya. Nakasisigla ang pagdating niya, at ang lahat ay buong galak siyang tinatanggap. Kaya siguro siya lagi ang hinahabol ng buwan. Kahit isang sulyap lang, kahit isang silip lang ng paglubog ng araw sa karagatan, kahit isang haplos lang sa mapulang himpapawid na iniiwanan ng kanyang kalarong si araw.

Ngunit, kahit kailan kaya’y napagod din ang buwan? Araw-gabi niyang sinusubukang mahabol ang araw. Hindi ba nasasayang ang oras niya para sa wala? Sa bagay, paano mo nga naman malalamang nagsasayang ka lang ng oras kung umaasa kang may makakamit ka pagkatapos ng lahat. Sana’y kahit minsan tinulungan siya ng araw. Sana’y hindi na niya ito pahirapan.

May naisip ako at napakalaking ngiti ang umukit sa aking mukha.

Nakita ako ng kapatid ko at sabay birong tumigil na raw ako sa paghithit ng droga.

Bumalik ako sa kwarto at sinagutan ang tanong ng aking guro.

“Bakit hindi kailanman mahahabol ng buwan ang araw?”

“Hindi maaaring sabihing ang buwan lamang ang humahabol sa araw, o ang araw lamang ang humahabol sa buwan. Marahil kapwa nila hinahabol ang isa’t isa. Ninanais na sa isang saglit ay magkita ang mga landas nila. Marahil may mga bagay na sadyang hindi para sa isa’t isa na magkita at magsama.Sapagkat sa kasamaang palad, pareho silang pinagkaitan na magkatagpo pa.

You Might Also Like

0 comments: