chapter 5,

Literary: Isang Araw (Chapter 5)

9/26/2011 08:00:00 PM Media Center 7 Comments

Ang kwentong ito ay ipinasa ng staff ng Media Center 1 2012 bilang kanilang creative writing project para sa unang semestre. Sama-sama nila itong binuo, sinulat, at pinaghirapan.

Sa kwentong ito, ang mga tauhan at mga pangyayari ay pawang kathang isip lamang. Hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kwentong ito ang maaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.


Chapter 5: Lunch

12:02 pm

Lunch na! Mag-isa akong pumunta sa canteen para bumili ng pagkain. Habang nakapila ako, may tumapik sa likod ko...

“Bes! Bakit mag-isa ka?” Ginulat na naman ako nitong besprend ko.

“Uy Alex! Buti dumating ka. May make-up quiz kasi sina Bea at Grace eh,” sabi ko sa kanya. Sabayan mo kong kumain, Bes ha.”

“Sige, dali bili ka na! May baon ako eh.”

12:17 pm

“Ate, barbecue with rice po. Magkano?”

“’Yan lang? 35,” sagot sa akin nung ate sa canteen.

“35? ‘Di ba 30?”

“May lalagyan eh, kaya plus 5!”

“Gano’n? Sige.” Grabe, ang mahal talaga ng mga tinda dito tapos ang susungit pa ng mga tindera.

Papunta na sana kami ng Multi pero noong lumiko kami ni Alex, natigilan ako. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman sa nakita ko. Napatakbo ako sa loob ng Multi.

Sinundan ako ni Alex. “O Bes, bakit para kang nakakita ng multo?” agad na tanong niya sa akin.

“Eh Beees! Hindi mo ba nakita?! Nakita ko siyaaa!” mangiyak-ngiyak na sagot ko sa kanya.

“Sino? ‘Yung multo?” biglang sabat ni Grace, na naupo sa silya sa harap ko. “Teka, hindi kita maintindihan. Ano bang nakita mo, ‘te?”

“Teka, bakit nandito ka? Akala ko ba may make-up quiz kayo?” sabi ko.

“Bukas na lang, wala si Sir eh. Tsaka gagawa pa ko ng homework sa Pinoy. Ano nga yung nakita mo?”

“Nakita ko si Andrew. Kasama niya si Zara! At mukhang enjoy na enjoy sila!”

Habang sinasabi ko ‘yun sa kanila, naiiyak na ako sa totoo lang. Alam ko namang wala akong karapatang magselos kasi hindi naman kami pero kasi... Hay! Kailangan kong malaman kung anong meron sa kanila para tigilan ko na ‘to.

“Huminahon ka nga, Bes. Alam mo namang matagal na silang mag-best friend, ‘di ba? Parang tayo! Bespwet pa nga tawagan nila eh!”

“Pero bakit parang “sila”? Ang sweet sweet! Nakita ko sila palabas ng PA Dept. eh. Ganyan ba talaga sila kahit sa klase?”

“Hindi naman... Kanina kasing Physics hanggang PE, Bes, badtrip ‘tong si Drew. Tapos noong PA na, medyo okay na kasi nakapag-usap na sila ni Zara,” kwento sa akin ni Alex.

“Na-comfort na siguro ng best friend!” dagdag pa ni Grace.

“Talaga? Eh ‘di sila na! Siya na! Siya na ang sobrang close kay Andrew! Siya na ang nakakapagpasaya at nakaka-comfort sa taong kinababaliwan ko!”

Tinitigan lang ako ni Alex at Grace noong sinabi ko ‘yun. Parang sinasabi ng mga tingin nila na ang OA ko na. Pero sabagay, mukhang totoo naman. OA talaga. Pero sino ba naman kasing hindi mabibigla... Kaninang umaga, nang hiramin niya ‘yung sci-cal ko, okay kami eh! Sinamahan pa niya ako hanggang room namin. Tapos biglang hindi siya ‘yung nagsauli at hindi pa ko tinulungan sa pagkadulas ko? Ang labo lang.

Muli kong inusyoso si Alex... “Uy Bes, alam mo ba kung anong pinag-usapan nila? Bakit nabadtrip si Andrew? Alam mo? Ha? Uy!”

“Hmm... Ano kasi, hindi ko sigurado eh!” sagot niya na para bang nagdadalawang-isip kung sasabihin niya sa akin o hindi. Lalo tuloy akong naintriga.

“Eh ano nga kasi ‘yun? Sige na Bes, please? Alam mong hindi ako matatahimik ‘pag di mo sinabi sakin,” pangungulit ko pa.

“Sige na nga pero kumain muna tayo. Sabihin ko sa’yo pagkatapos, ayos?”

“Bakit hindi pa ngayon? Pwede naman tayong kumain habang kinukwento mo ah!”

“Basta, Bes! Gutom na kasi ako. I’m too awesome to be hungry! Hahaha!” Pabitin talaga ‘tong mayabang kong bestfriend.

12:26 pm

Wala naman akong nagawa kaya kumain na lang ako. Tahimik akong nag-iisip habang kumakain. Hindi rin ako mapakali kasi gustung-gusto ko na ring malaman kung ano ‘yung ikukuwento ni Alex. Binilisan ko na lang pagkain ko.

“Glo-ria, may bukas pa. Wag ka magmadali,” sabi ni Grace.

“Oo nga, Bes. Hinay-hinay lang! Baka pati ‘yung barbecue stick, eh makain mo! Hahaha!” pang-aasar na naman ni Alex. “Excited masyado, chillax! Para namang ‘di ka pinapakain sa inyo eh,” dagdag pa niya. Hindi ko nga pinansin!

12:32 pm

“Tapos na ko! Kwento na!”

“Hanep sa bilis ah! Sandali, kita mong hindi pa ko tapos lumamon eh! Konting antay na lang Bes, hehe.”

“Oo nga. Wait, ‘di pa rin ako tapos sa homework ko!” sabi ni Grace.

12:36 pm

Sa wakas!

“O, Ma’am Ria, tapos na po ako kumain.”

“Ako rin ‘te, pa-compare na lang ako mamaya ng sagot ah! Hehe,” sabi ni Grace.

“Buti naman, ang tagal niyo ah! Ano na? Dali!”

Hindi pa rin talaga nagkuwento si Alex… “Painom pala muna! Pinagmadali mo ‘ko eh.”

“Putek, kaasar ah. Ano pang kailangan mo?” inip na inip na ako.

“Doon na tayo sa Boston mag-usap. Baka kasi may makarinig dito.”

Loko ‘to ah! Lalong pinatatagal ang pag-aantay ko. Ano nga kaya ‘yung kwento niya? Nakakakaba na tuloy!

“Takte! Kanina ka pa ah. Paasa naman. Tara na nga, dali!” naasar kong sabi kay Alex.

Sabay na kaming tatlo na lumabas at pumunta sa Boston. Wala ni isa sa amin ang nagsalita habang naglalakad. Si Alex, hindi ko alam kung anong iniisip niya pero mukhang seryoso siya. Si Grace, keri lang. Ako naman, kinakabahan talaga. ‘Yung feeling na hindi mo sigurado kung gusto mo talagang malaman o hindi kasi baka hindi ka handa sa magiging reaksyon mo. ‘Yun eh!

12: 39 pm

“Ria, hindi ko kasi alam kung paano sisimulan ‘yung kuwento.” pinangunahan na ni Alex ang usapan. “Siyempre bestfriend kita, hangga’t maaari, ayaw kitang masaktan! Ikaw ang Bes ko eh!”

Mukhang alam ko na kung saan tutungo ang kwento niya. Gusto ko pa bang ipatuloy o ‘wag na lang kaya? Ano ba ‘to... Nanahimik lang ako at yumuko, hindi ako sumagot. Pero itinuloy niya ‘yung sinasabi niya.

“Hoy, Alex! Wag mo ngang niloloko ng ganyan si Ria,” sabi ni Grace, sabay tawa. “Mabilis pa naman maniwala yan. Hahaha.”

“Hahaha. Hindi kasi nasa likod nila ako noong nag-uusap sila,” sabi ni Alex. “Narinig ko na may inaasar si Zara kay Andrew at itong babaeng ito rin yata ang dahilan ng pagkabadtrip ni Andrew mula Physics,” pagpapatuloy pa ni Alex.

Sa pagkakataong ito, si Grace ang sumagot… “Hmm... Alex? Sino ‘yung babae? Kilala ba natin? Narinig mo ‘yung pangalan?”

“Eh naging kaklase niya noong grade 8 yata. Tapos sabi pa mabait. Matulungin. Masipag. Responsible. At maganda,” dagdag ni Alex, na binilang pa sa mga daliri niya ang mga description.

“Nakuuuu... sino kayang kabatch natin ‘yun, ‘te?” nakangiting sabi ni Grace.

“Matagal na yata siyang may gusto dun eh,” dagdag ni Alex na parang nagpipigil ng tawa. “Parang dalawang taon na.”

Hindi na ako kumikibo hanggang sa siniko ako ni Grace. “Hoy, Glo-ria! Bakit tulala ka na diyan? Hahaha,” sabi niya na may himig ng pang-aasar.

Hindi ko na ulit alam ang sasabihin ko. Parang tumigil ‘yung oras sa pagtakbo at ang mundo, sa pag-ikot. Ang sakit eh! Tagos sa buto! Bakit hindi ko man lang naramdaman na may iba nang gusto si Andrew? Si Ysa kaya ‘yung tinutukoy niya? O baka naman si Mika? Haaay. Tuloy, muntanga kong kinikilig at umaasa sa kanya.

"Eh anong gusto mo? Magtatatalon ako sa tuwa dahil sa nalaman ko? Kung kayo nagtatawanan pa habang kinukuwento ni Alex 'yun, ako, hindi natutuwa. Tsaka ikaw Grace, naka-Glo-ria ka na naman ah!" sabi ko na may halong pagka-irita na.

Hindi nakaimik 'yung dalawa sa sagot ko.

Ang feelingera ko para isipin na magugustuhan din ako ni Andrew. Hindi ko naisip na sadyang pala-kaibigan siya at ganoon siya sa lahat. Mabuti na rin sigurong nalaman kong may iba siyang gusto para tapusin na ang dalawang taong pag-iilusyon sa kanya. Hay buhay...

"Tara na sa AVR! May batch assembly 'di ba?" niyaya ko na sila pero hindi pa rin sila tumatayo. "O bakit kayo na 'yang tulala dyan? Tara na sabi eh!"

"Sabi ko nga! Binibiro ka lang eh. 'Lika na nga. Grace, tara!" sabi ni Alex.

ITUTULOY

You Might Also Like

7 comments: