filipino,

Literary (Submission): Aksidente

12/05/2014 09:10:00 PM Media Center 0 Comments



Di ko na alam kung gaano na katagal ang lumipas
Ngunit, hinihintay pa rin kita
Parang tanga dito sa may gilid ng kalsada
Nagtataka kung darating ka pa.

Ang akala ko’y aabot tayo
Doon sa sukdulan, hanggang sa dulo
Kung saan payapa na ang lahat
Kung saan ang daan ay ‘di na baku-bako.

Anuman ang madaanan o masalubong
Lagi kang nariyan sa tabi ko
Maligayang-maligaya nga tayo sa biyaheng ito
Iyon ang akala ko.

Sa aking pag-idlip
Naramdaman ko ang paggewang
Bumilis na rin ang iyong takbo
Gaya ng pagtibok ng puso ko.

Ano ito? Bakit ganito?
Ayokong magduda sa’yo
Ngunit bakit ibabangga mo?
Bakit sisirain ang ating takbo?

Sa pagsalpok ng kotse
Napapikit ako’t lalo nang hindi ko maramdaman
Ang lahat ng sakit na mararanasan
Ang lahat ng sakit na dulot ng iyong kapabayaan.

Tumilapon ako at nahulog
Nahulog nang gaya ng labis na pagkahulog sa’yo
Ngayon ay nauunawaan ko,
Ako’y itinapon mo na rin, gaya ng pagtilapon ko.

Dahil sa pagmulat ko ay wala ka na
Sa kalsadang ito’y naiwan nang nag-iisa
Hindi ko alam kung bakit nandito pa ako
Ni hindi makabangon, ni hindi makatayo.

Iba ata ang dulot ng aksidenteng ito
Imbis na ako’y makalimot
Buong-buo pa rin ang alaala ko
Sa isip ko’y puro ikaw ang naririto.

Matagal na nga ang lumipas
Ngunit hinihintay pa rin kita
Umaasang ako’y susunduin mo
Umaasang ikaw ulit ang makasama ko.

You Might Also Like

0 comments: