duquela,

Literary: Isang Oras

12/05/2014 09:04:00 PM Media Center 0 Comments



Mag-iisang oras na yata tayong nawawala. Hindi ko alam kung dahil ba ito doon sa nasagi mong babae o dahil ba muntik na tayong mabangga ng bus kanina. Basta ang alam ko nawawala tayo ngayon.

--------------------
Mag-iisang oras ka na ring tahimik, kaya nanahimik na lang ako. Baka kasi magalit ka pa ‘pag ginulo kita. Paminsan-minsan, tumitingin ka pa rin sa direksyon ko, ngumingiti, minsan ikaw pa ang nagsisimula ng usapan. Pero minsan na lang kasi ‘yun.

--------------------

Mag-iisang oras na tayong paikot-ikot sa lugar na ‘to. Panlimang beses ko na yatang nakita yung rotunda ni Lorna. Kanina ko pa rin sinasabi na mali ‘yung dinadaanan natin. Pero sabi mo alam mo ‘yung ginagawa mo, na hayaan na lang kita. “Tiwala lang,” sabi mo. May tiwala naman ako sa’yo, sana alam mo ‘yun. Pero kasi mali na talaga ‘yung dinadaanan natin. ‘Di ka pa ba napapagod sa kakaikot?
--------------------

Mag-iisang oras ka nang walang imik. Nainis ka na ata sa kakulitan ko. Kanina pa kita sinusuyo. Ilang beses mo na rin binagalan yung takbo ng kotse, tingin ko gusto mo na akong ibaba. Pero sa tuwing unti-unti mong inaapakan ang preno, napapatingin ka sakin. Mapapatitig. Tapos ngingiti. Pagkatapos aapakan mo na muli yung pedal, at tatakbo na ulit ang sasakyan sa normal nitong bilis.

--------------------

May isang oras na nakumbinsi kitang kumanan. Lagi na lang kasing kaliwa ang liko mo.

--------------------

Isang oras, araw, linggo, buwan o taon; kahit humigit pa doon. Kahit maka-ilang maling ikot or liko pa tayo, huwag kang mag-alala. Hindi kita iiwan sa paglalakbay na ito.

You Might Also Like

0 comments: