chapter 1,

Literary: E=MC^2 (Chapter 1)

12/05/2014 09:35:00 PM Media Center 0 Comments

Ang E=MC^2 ay kuwentong binuo, sinulat at pinaghirapan ng Media Center 2 2015 staff bilang kanilang creative writing project ngayong semestre.

Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pawang kathang isip lamang, hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kuwentong ito ang maaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.




Ika-21 ng Nobyembre, taong kasalukuyan. Ang araw na kinatatakutan ng karamihan sa mga mag-aaral ng UPIS. Oo, karamihan, pero hindi ng lahat, dahil hindi ako kasama sa kanila. Ang stub-giving day.

“Matteo, anak, matataas pa rin ang mga marka mo, tulad ng inaasahan. Magaling, magaling.”

“Oh, Mi (maiksing mom), ikaw pala. Maaari ko po bang makita ang aking stub?”

Monteverde, Matteo
10 – Narra (Pterocarpus indicus)
Subject
Q1
Q2
Science 10
98
100
Math 10
93
95
CA English 10
93
94
CA Filipino 10
92
92
Practical Arts 10
90
93
Social Studies 10
96
98
Statistics
92
90
Health 10
89
92
P.E. 10
--
E

Ganito ang buhay-paaralan ko. Hindi naman sa pagmamayabang pero tila ba naka-imprint na sa aking DNA ang pagkuha ng matataas na marka. Nakakukuha ako ng mga gradong line-of-nine nang walang kaeffort-effort. Kaliwa’t kanang mga competitions na ang mga nasalihan ko at naipanalo ko mapa-Science man ‘yan, Math, o Economics.

Ewan ko ba, minsan nakakatamad na nga rin eh. Alam ko sa sarili kong hindi sukatan ng worth ng isang tao ang grades. Pero wala tayong magagawa. Kapag bumaba ‘tong grades ko, yaring-yari ako kay mama. At isa pa, ito rin yung nakikita kong paraan para kahit papaano naman eh masuklian ko ang mga paghihirap nina mama sa akin para mapag-aral ako.

“Ma, mauna ka nang umuwi. Nagpasundo ako kay Kuya Domeng ng 6:00. Marami pa akong gagawin eh,” sabi ko kay mama. Well, totoo naman talaga, marami pa akong gagawin.

“Oh sige anak, umuwi ka agad ah, magpapaluto ako sa chef natin ng paborito mong ulam.  Huwag kang magpapapawis lagyan mo ng tuwalya yung likod mo.  Check mo ‘yung mga gamit mo bago umuwi.” sagot sa akin ni mama sabay halik sa pisngi ko bago umalis.

Pinagmamasdan ko yung napaka-astig kong pangalan sa Principal’s List nang biglang may marinig akong isang pamilyar na boses.

“MATT! MATT!” sabi ng boses.

Ah. Si Coco. Well, halos buong araw ko rin siyang hindi nakausap.

“Coco!” sambit ko kasabay ng isang mabilis na yakap.

“Matt, ano ka ba, CowhCowh kasi.  Teka, ‘musta grades?”

“Ganun pa rin, tulad ng dati,” sagot ko sabay ayos ng salamin.

“Nasaan stub mooo, patingin ngaaa, pleaaaseee.”

“Oh, eto. ‘Wag mong lukutin baka i-paframe ni mama ‘yan bukas,” sabay abot ng stub ko sa kanya.

Inisa-isa niya ang mga grades sa stub ko. Pinagmasdan ko siya habang unti-unti siyang nangingiti habang tinitignan niya yung grades ko.

“HAAAH! Walang kuwenta!” sigaw niya, “mas mataas pa rin ako sa‎’yo sa Math.”

“Ano bang nakuha mo?” tanong ko.

“Well,” sabi niya pagkatapos umubo nang pakunyari, “100 lang naman ako. BOTH quarters. Anong masasabi mo?”

“Wala. Meron ba dapat?”

“Ayyyy sore loser!”

“Oo na, sa Math mo lang naman ako natatalo eh. Pero kamote ka sa ibang subject,” sagot ko nang medyo naiinis sabay inayos kong muli ang aking salamin.

“HAAAH! Diba nag-promise ka sa akin na ililibre mo ako ng kwek-kwek kapag mas mataas ako sa‎’yo sa Math?”

“Hindi ko maalala.”

“Last week ‘yun, noong pagkatapos ng isang Long Test sa Math na confident na confident ka sa mga sagot mo.”

“Ah, naalala ko na. Oo, yun nga yun.”

“Yaaay! Tara na, daliii~~! Kain na tayo ng kwek-kwek Matty...”

Si Consolacion Pamintuan. Mas kilala sa buong paaralan bilang si Coco. Pero CowhCowh ang gusto niyang tunog kapag binigkas mo.  Kailangan may hangin sa dulo ng palayaw niya.  Parang utak niya, may hangin.   Pero, siya lang naman ang aking, uh--- girlfriend.  Girlfriend ko siya simula noong Grade 8. Nakilala ko siya noong pagpasok ko rito sa UPIS noong Grade 7 bilang isang lateral entry. Maganda, mahaba ang buhok, astig ang bangs. Parang naka-glue lang sa puwesto.  Humangin, umulan di nasisira ang ayos.  Nakasalamin din siya tulad ko, at higit sa lahat, sobrang galing sa Math. Kahit siguro tulog nagco-compute ang utak niya ng kung ano-anong Math problem.  Hanggang ngayon, malinaw pa nga sa isipan ko ‘yung pinakaunang araw ng klase sa Math noong first year…

----

Bilang panimulang gawain, may ibinigay na tanong sa amin si Ma’am ------

“Okay class, sino sa inyo ang nakakaalam ng formula ng area ng circle?” tanong ni Ma’am.

At siyempre ako, bilang isang bidang estudyante, agad na nagtaas ng kamay.

“Ma’am ako po! Matteo Monteverde po!” sabay itinaas ko ang aking kamay nang napakataas para agad na mapansin.

“O sige, isulat mo sa whiteboard yung sagot.” Iniabot niya sa akin ang marker.

Dali-dali akong pumunta sa harap at isinulat yung sagot.

2πr

Saktong pagkatapos ko magsulat ay may biglang sumigaw sa likod mula sa mga kaklase ko.

“Ma’am! Mali po yan! πr^2  po yung tamang sagot,” sabi ng kaklase kong may matinis na boses.

Ay, oo nga, shet. Formula ng circumference ng circle yung nasulat ko.

“Aba, tama! Anong pangalan mo, hija?” tanong ni Ma’am.

“Consolacion Pamintuan po. But you can call me Coco. Coco as in /CowhCowh/,” sabi niya sabay kindat sa akin na parang nang-aasar.
-----

Simula noon, wala pang quarter na kung saan mas mataas ako sa kaniya sa Math. Noong tumagal, tumaas nang tumaas ang paghanga ko sa kaniya. Sabihin niyo nang mababaw pero iyon yung naging dahilan kung bakit nahulog ang loob ko sa kaniya.

“Ate, kwek-kwek nga po, dalawa,” sabi ko sa may tindera doon sa kiosk sa Vinzons.

“O, eto oh,” sagot ni ate habang iniaabot sa akin iyong binili naming kwek-kwek.

Humanap kami ni Coco ng upuan sa may Sunken Garden tsaka namin nilamon yung binili naming kwek-kwek.

“Coco, di mo pa napapakita sa akin ‘yung stub mo, patingin nga,” sabi ko habang nginunguya yung kwek-kwek.

Kinuha ni Coco yung stub niya sa bulsa niya pero nung akmang iaabot na niya sa akin, natapon yung sauce nung kwek-kwek at nabuhusan yung stub niya.

“Halaaaa, yuck, kadiriiiiiiii, tumapon yung sauce dun sa stub!! Paano ko ‘to mapapakita kay mommy? Yuck, yuck yuck, ayoko naaa huhuhu,” pag-iinarte ni Coco.

“Ayan kasi, wag kasing masyadong careless,” sabi ko.

“Eh bakit ba, tumapon na nga yung sauce tapos magagalit ka pa sa akin,”

“Nako,” nasabi ko na lang pagkatapos ng isang malalim buntong-hininga

Mga ilang minuto rin siyang nanahimik. Nainis siguro sa akin. Kakausapin ko na siya nang biglang may bumusinang kotse.

“Oh my god, si Bumblebee! Totoo nga!” sigaw ni Coco sabay turo sa dilaw na Chevrolet Camaro na pinagmulan nung busina.

“Andyan na pala si Kuya Domeng,” sabi ko.

“Ay, sundo mo pala yun? May bago na naman kayong kotse? RK ka talaga.”

            “Anong RK?”

“Duuuh. Eh di “Rich Kid,” panunuya niya.

“Ah.. Sige, aalis na ako.”

“Bye Matty, take care! I love you!”

“Okay, bye.”

At tahimik akong pumasok at naupo sa malambot na upuan ng kotse namin.

Ganito kami palagi ni Coco. Tatambay sa Sunken pagkatapos ng klase kapag walang homework. Pagmumuni-munihan namin ang mga bagay-bagay sa mundo tulad na lamang ng kung itlog nga ba ang nauna o manok. Kung may homework naman, pagtutulungan naming gawin habang naghihintay na paalisin kami ng guwardiya dahil ala-sais na at may curfew. Lalabas kami paminsan-minsan at kakain sa KFC o kung saan man. Bihira kaming hindi magkasama pagkatapos ng klase.

Pero nitong mga nakaraang linggo, napansin ko na parang naging mas nagger siyang bigla. Lalapit sa akin tapos magpapabili ng kung ano-ano. Kapag ibinili ko siya noon, bigla siyang hihingi ng panibago. Pag hindi ko naman ibinili, magagalit siya.  Pero ang hindi ko na talaga maintindihan ay ang kaartehan niya. 

Parang taon-taon, nag-eevolve ang arte niya sa katawan na nagsimula sa pangalan niyang CowhCowh. Minsan, pag sabay kaming gumagawa ng HW, napapansin kong mas maraming beses pa siyang magsuklay kesa magsulat. Sagot. Suklay. Suklay. Suklay. Sagot. Suklay. Suklay. Suklay. Suklay. Sagot. Tingin sa salamin. Suklay. Suklay. Tingin ulit. Suklay.

Tapos nakakabadtrip! Magdadala ng napakaliit na bag na may feathers at beads pa pero cellphone at mahiwagang suklay lang naman ang kasya. Tuloy lahat ng gamit niya sa backpack ko nilalagay. Pero okay na yun. Kesa sapilitang pinagbibitbit niya ko pag malaki ang bag niya kasi di bagay sa “porma” niya. Eh naka-uniform naman.

May pagkakataon pang nag-away kami dahil nakalimutan kong mag-good night sa kanya. Sa sobrang antok di ko rin nalagyan ng I love you at I miss you. Inabot ng halos isang linggo na hindi kami nagpansinan dahil sa napakababaw na dahilang iyon. Walang sense di ba?

Ewan ko. Di ko na talaga siya maintindihan. Hinahanapan ko na nga ng scientific explanation ang kaartehan niya para makagawa ng antidote. Pero wala akong makita.

Oo, alam ko, masaya kami. Pero dati ‘yun.

Ngayon, may mga bagay na nagbago na. Hindi na kami gaya ng dati. Hindi ko alam kung ako lang ba ang nakakakita no’n. Hindi ko alam kung ako lang ang nakakaramdam no’n. Masyado lang ba akong maraming napapansin o sadyang hindi na talaga siya ang Cocong (Cowhcowhng) minahal ko?

Hindi ko na maintindihan, pero isa lang ang alam ko.

Ayoko na.

Plan A now loading...



ITUTULOY.

You Might Also Like

0 comments: