chapter 8,

TRESE: Chapter 8 - ENERO

9/28/2012 08:09:00 PM Media Center 8 Comments

Ang Trese ay isang serye ng iba't ibang magkakaugnay na kuwento na binuo, sinulat at pinaghirapan ng Media Center 2013 staff bilang kanilang creative writing project.

Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pawang kathang isip lamang. Hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kuwentong ito ang maaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.




MARTES


[Clara]

HALAAAA. Late na ako! Bagong taon na nga eh, wala pa ring nagbabago. Haynako. Ang haba kasi ng pila sa canteen eh, lagi tuloy akong na-lelate. Pagdaan ko kila Aling Norms, nakita kong may kumakain. Si Gino yun ah.

“Hindi ka pa ba papasok? Late na tayo sa FD ah!” sabi ko sa kanya.

“Bumili lang ako. Gutom na ko eh,” sagot niya. “Oo nga! Lagot tayo nito.”

Talagang lagot. Nagtext pa naman si Ma’am na kailangan naming mag-practice ngayon ng maaga. Nakuha kasi namin yung lead roles para sa play sa Fil Drama. Kahit ayaw ko. Kakilig daw kasi kami tignan.

Naalala ko, yung last meeting namin sa FD bago mag-Christmas break, hindi kami umuusad, kaya biglaan na lang na kaming napili.

----

“Oh guys, may gusto bang mag-audition para sa mga lead roles natin?” tanong ni Direk Ezra. Walang sumagot.

“Wala atang interesado. Sige, ako nang bahala,” desidido niyang sinabi. “Wala kayong magagawa." Tumingin siya sa amin, sabay sabi, "Gino at Clara! Kayo na!”

Nagkatinginan kami ni Gino. Siyempre nagulat kami pero parang a—

“Sige, Direk! Okay lang sa’kin,” sagot naman ni Gino. Wala na, napa-oo na siya eh. Wala na kong magagawa. Naunahan niya pa ako. Okay. Ayos 'to!

“Ayan! I demand na gamitin niyo ang chemistry niyo!” banat pa ni Direk.

----

“Anong iniisip mo? Tulala ka dyan, baka madapa ka sa hagdan ah,” tanong ni Gino. Nagulat ako sa kanyang sinabi at nahila niya ako pabalik sa kasalukuyan.

“Ah, wala,” sagot ko.

Paano ba naman ako hindi matutulala? Kasama ko siya ngayon at kahit pa sa Biyernes na yung play namin, hindi pa rin nag-sisink in sa akin na siya ang kapartner ko.


[Gino]

“Tara na nga! Baka mapagalitan pa tayo ni Ma’am Diaz,” yaya ko.

Lagi talagang tulala ‘tong si Clara, ano bang iniisip nito?

“Tayo? Bakit a---” sabi niya, sabay ngiti.

“Anong nginingiti mo diyan? Ang dami pang sinasabi eh. Dali!”

Nauna na ako pero naiwan lang siya dun, nakangiti. Tignan mo to, late na nga kami eh.


[Clara]

Ano? Kami talaga? Siguro hinihintay niya lang ako na dumaan para sabay kami pumasok sa FD. Dapat nagtext na lang siya kung saan kami magkikita.

ANO BA CLARA! TAMA NA! TUMIGIL KA NA NGA!

“Tara na!” sigaw niya, sabay hila sa akin.

Nagulat ako sa ginawa niya. Gino, bakit ka ba ganito? Mali. Clara, bakit ba pati yung mga maliliit na bagay, pinanghahawakan mo? Hay.

Pagdating namin sa room, nagbibigay na si Ma’am ng reminders.

“FD! Bibigay ko na yung rest of the time para ma-finalize niyo na yung gagawin niyo para sa play. Malapit na to. Sige na!”

“Sorry Ma’am, we’re late,” sabi ko.

“Malapit na ang play natin ha. Wag niyo nang uulitin to. Sige, magpraktis na kayo,” sabi niya. Ang bait ni Ma’am ngayon ah.


[Gino]

Kasalanan kasi ‘to ni Clara eh. Para naman kasing hindi siya seryoso sa play.

“Clara,” tinapik ko siya. “Tara na, mag-practice na tayo.”

Umupo kami para sabihin ang mga linya namin. Palitan ng linya,emosyon at iba pa. Nasa kalagitnaan na kami ng script nang tinawag ni Ma’am ang atensyon namin.

“FD! Sa Huwebes ang ating general rehearsal. Kayo ay ma-eexcuse. Wag kakalimutan, sa Biyernes na ito,” paalala niya. “Kailangan ko nang umalis, may meeting kami ngayon. Kayo na ang bahala rito. Paalam!”

Umalis na si Ma’am at naiwan kami ng klase sa room.

“Ano yung last line niyo?” tanong ko kay Nathan.

“I-enjoy na lang natin ‘to,” sagot ni Clara. “Yun yung nakalagay sa script, di ba? Dun tayo papasok.”

“Sige. Dapat kabisado mo na yung script ah. Ang tagal na niyan kaya dapat kabisado mo na,” paalala ko.

“Asus, ikaw naman Gino! Wag mo namang tarayan si Clara, ang sweet-sweet niyo nga eh,” singit ni Nathan.

“Okay na muna yan. Sa Thursday na lang ulit. Magpractice kayo ha!” sabi ni Direk Ezra.


MIYERKULES


[Clara]

Kailangan naming mag-rehearse pero hindi ko alam kung ano yung huling klase ni Gino kaya nandito ako sa Lover’s Lane.

Ano ba ‘tong iniisip ko? Sa lahat ng bagay na pwedeng isipin, ito pa talaga.

Tinabihan ako ni Elise. “Uy Clara! Kanina ka pa mukhang problemado diyan ah. Anong meron?” tanong niya.

“Si Gino kasi...”

“Bakit? Anong ginawa niya sa’yo?” tanong niya.

“Kasi naman!” pagmamaktol ko. “Alam mo naman di ba? Elem pa lang tayo, crush ko na siya. Hanggang ngayon, ganun pa rin! Parang yung lahat ng bagay na ginagawa niya, kahit gaano pa kaliit yun, binibigyan ko ng ibig-sabihin. Ang sakit kaya ng ganun. Kahit alam ko namang wala talaga, niloloko ko pa yung sarili ko.”

Napaisip siya. “Pero... paano kung totoo yung pinapakita niya? Paano kung umamin siya sa’yo?” sabi ni Elise.

Natigilan ako. “Hindi ko alam, Elise. Sawang-sawa na ako umasa sa kanya pero hindi ko naman mapigilan," malungkot kong sagot.


[Gino]

Asan na ba si Clara? Akala ko ba ngayong dismissal yung practice naming dalawa? Wala naman siya dito sa may Boston.

“Gino!” sigaw ni Abi. “Yung report pala natin sa Science ha? Paano na yun?”

“Ay oo nga pala! Sige, daan muna tayong lib, wala pa naman ata si Clara.”

Napangiti si Abi, na parang nang-aasar.

"Bakit?" sabi ko.

"Wala, wala... Haha," sabi niyang natatawa. "Tara na."


[Clara]

“Ano ngang gagawin mo pag umamin siya sa’yo?” tanong sa akin ni Elise.

Ano nga ba gagawin ko? Yun ata yung bagay na gustong-gusto ko marinig mula sa kanya. Pero sa tagal nang hinintay ko, hindi ko alam kung matatanggap ko pa yung sasabihin niya at kung mapapaniwala pa niya ako.

“Hindi ko alam... Hindi ko talaga alam...”

Bigla na lang tumulo ang luha mula sa mga mata ko.

“Sawang-sawa na talaga ako kakahintay sa kanya. Alam kong iba yung gusto niya pero...”

Pero ganito pa rin ako ngayon, kahit pa parang wala lang sa kanya, hinihintay ko pa rin siya. Ganun ba talaga ako katanga at nagagawa ko pang maghintay?

“Iiyak mo lang yan, Clara,” sabi ni Elise, sabay hagod sa likod ko. “Alam kong matagal mo nang tinatago yan eh, sabihin mo na kaya sa kanya?”

“Paano kung i-reject niya ako? Paano kung ayaw niya sa akin? Paano kung tuluyan na niya akong layuan?” sagot ko.

Hindi ko na talaga alam. Litung-lito na ako.


[Gino]

Nang matapos kami maghanap ng tungkol sa report namin sa Science, iniwan ko na si Abi sa library dahil dumating naman si Matt doon para samahan siya.

Lagi silang magkasama mula nung UPIS Week. Kaya lang ang saklap. Paalis na si Matt eh. Di ko alam kung alam na ni Abi...

Papunta ako ng New Building nang makita ko si Clara na kasama si Elise. Parang umiiyak ata siya. Ano kayang meron?


[Clara]

“Anong gagawin ko, Elise?”

Hindi pa rin tumitigil ang pagpatak ng luha ko. Bakit ko ba siya iniiyakan? Bakit ang laking bagay niya na sa akin?

“Hi Elise! Uy Clara,” bungad sakin ni Gino. “Bakit ka umiiyak?”

Ha? Bakit biglang nandito ‘to? Narinig kaya niya yung pinag-uusapan namin ni Elise?

Pinupunasan ko yung luha ko nang inalok niya sa akin ang kanyang panyo.

“Ano ba yung iniiyakan mo?” tanong niya.

Tinitigan ko lang ang panyong binibigay niya. Tama na, Clara. Ano bang mapapala mo sa kanya?

“Wala ‘to. Nag-papractice lang ako,” sagot ko.


HUWEBES


[Gino]

Kailangan ko na namang hanapin si Clara, hindi nagrereply eh. Umagang-umaga, late na naman.

“Uy Gino! Sorry, wala akong load. Hindi kita ma-replyan,” paglingon ko, si Clara pala. San galing yun? Ninja ah.

“May iniwang note si Ma’am para sa’kin. Mag-papractice daw tayong dalawa ngayong umaga,” sagot ko sa kanya.

Siguro sa Lovers Lane na lang kami mag-papractice, para tahimik at wala masyadong makakakita sa amin.

“Ta-yong dalawa lang?” gulat niyang sagot nang nanlalaki yung mata.

“Oo. Mamayang hapon daw yung sa buong cast.”


[Clara]

Seryoso ba to? Kaming dalawa lang? Kinakabahan ako. Hindi ako mapakali kapag kasama ko siya tapos biglang ganito kami ngayon?

“Saan tayo?” tanong ko.

“Sa puso mo...” sagot naman niya.

Hindi ko alam kung kikiligin ako o maiinis eh. Pero dapat hindi ako kinikilig kasi alam ko namang normal na sa kanya yun eh. Pigilan mo na yung sarili mo, Clara. Tama na.

“JOKE. Sa LL na lang, tutal wala masyadong tao at tahimik. Malapit na naman tayo eh,” dugtong niya.

Pagdating namin sa LL, nagsimula na kami mag-practice.

“Paano kapag iniwasan kita?” tanong niya.

Hindi ko kaya, Gino. Sinanay mo akong lagi tayong magkasama tapos bigla kang iiwas?

“Syempre magtataka ako at magtatanong kung anong naging dahilan,” sagot ko.


[Gino]

Ano pa bang pwedeng itanong o sabihin? Hindi kasi straight to the point yung character kong si Miguel eh.

“May napapansin ka ba?” patuloy ko.

“Ha? Saan?”

Nagtataka siguro ‘to kung bakit ang weird ng mga tanong ko. Bakit kasi walang matinong script na ginawa si Eric? Tuloy, nag-iimbento ako dito.

“Ah, wala. Ngayon ko lang nalaman na ang ganda ng mata mo.”

Wala na akong maisip at kung anu-ano na lang ang pinagsasabi ko. In character lang. Tama naman eh. Kasi kung yung character ko ay may gusto sa character ni Clara, e di dapat sweet ako.

“Salamat,” sagot niya


[Clara]

Kung isang panaginip ito, sana hindi na lang ako magising. Eto na naman ako eh. Bawal kiligin pero kanina nung sinabi niya yun, nakatitig siya sa mga mata ko eh. Sino bang hindi kikiligin diba?

Hindi ko maintindihan kung para sa play yun o totoo na ba. Pinag-tritripan lang ata ako nito eh.

“Wag kang mag-aalala, hindi kita papabayaan."

Ha? Ano na namang sinasabi nito? Si Gino ba ‘to o si Miguel?


BIYERNES


[Clara]

Eto na, buti na lang natulog ako ng maaga kagabi. Malapit nang magsimula, wala pa rin si Gino dito sa AVR.

Baka sakaling makita ko siya sa FD room. Habang naglalakad, nakita kong magkasama sina Aya at Martin.

“Good luck, Clara! Galingan mo ha,” bati ni Aya sa akin.

“Yieee. Kayo talaga oh. Manunuod kayo together di ba?” tanong ko sa kanila.

"Siyempre!" sabi ni Martin. "Support sa brad!"

"Sus! Kunwari pang dahil kay Nathan," pang-aasar ko. "Gusto mo lang kasama si Aya eh."

“Clara talaga. Ikaw nga eh, blooming. Yieee. Oo naman, susuportahan namin kayo. Basta, good luck, good luck!” sagot sa akin ni Aya na sobrang saya.

“SALAMAT!” sagot ko naman.

Blooming? Ako? Hindi naman ah. Wala, walang dahilan para maging blooming ako.. .

Mag-enjoy na lang kami. I-internalize na lang ang character, maganda kalalabasan nito.

Pagdating ko sa FD Room, nandoon nga, nag-aayos pa ng itsura. Ang arte naman nito, daig pa babae. Hmm. Bagay naman pala sa kanya ang magsuot ng formal. In fairness, ang gwapo niya.

“Nandito ka lang pala. Hinahanap ka na dun kanina pa. Tara na, 5 minutes na lang,” pag-aaya ko sa kanya.


[Gino]

Sumunod na ako kay Clara, nakakahiya namang pinaghihintay ko siya.

Hala. Baka makalimutan ko lines ko mamaya. Impromptu, ayos na yun. Aamin ako pero medyo nahihirapan. Labo pero gets ko naman.

“Clara, ready ka na ba?” tanong ko. Mukhang kabadong-kabado eh. Mas makakalimot pa ng lines to sa’kin, pustahan.

“Medyo kinakabahan. Ang daming tao eh,” sagot niya.

“Sumakay ka na lang mamaya sa akin ha?” sabi ko.

“Oo, sige. Susunod na lang ako sa’yo.”

Sabi na eh. Halata sa mukha niya. Pati sa kilos, hindi mapakali.

“Ang dami talagang tao...” kinakabahan niyang sinabi.

“Malamang. Alangan namang si Ma’am Diaz lang manuod sa atin? Kaya natin to! Sumakay ka na lang kapag nagkalimutan tayo ng lines,” sabi ko sabay akbay sa balikat niya.


[Clara]

Nagulat ako nang bigla akong inakbayan ni Gino. Parang nawala at nadagdagan ang kaba ko.

“Gino, may sasabihin ako...” pabulong kong sabi.

“Clara at Gino yung part niyo na! Goodluck!” sabi sa ’min ni floor director.

Nagkatinginan kami ni Gino. Tumango siya, tumango na rin ako.

Hindi ko na rin nasabi sa kanya yung gusto kong sabihin. Mamaya na lang, sa play. Iisipin ko na lang kaming dalawa mismo ang nag-uusap na para bang kaming dalawa lang yung nasa harapan.

Eto na. Hingang malalim, Clara. Ay este, Jana.

----

Set-up: Kasama ni Jana ang classmate niyang si Hiro.

Hiro: Jana, kanina pa hinahanap ni Miguel. May sasabihin ata sa’yo.

Jana: Ako? Parang hindi naman. Hindi pa kami nagkikita ngayong araw eh.

----

Naramdaman kong may bigla na lang humablot ng kamay ko at hinila ako palayo. Teka, wala to sa script ah. Baka nga ito yun, sasakay na lang ako.


[Gino]

Jana: Bakit tayo lumalayo?

Buti na lang sumakay tong si Clara. Ayos!

Miguel: Matagal ko nang gustong sabihin ito kaya lang wala akong mahanap na pagkakataon.

Jana: Ha? Anong sinasabi mo?

Miguel: Marami mang humadlang, pero ngayon, wala nang makakapigil sa’kin.

Litong-lito yung mukha ni Clara pagkatapos ko sabihin yung mga linyang yun.

Hindi ko namalayan, hawak ko na yung pisngi niya. Eto na, aamin na ako. Pero paglapit ko sa kanya, bigla niya akong tinulak at lumabas na ng set. Bakit ba hindi na lang siya sumakay?

*lights off*

“Marami pong salamat sa inyong papunta at panunuod ng aming play. Sana po ay nagustuhan ninyong lahat ang aming inihandog.”


Pinuntahan ko kaagad si Clara pagkatapos ng eksena namin, nakita kong tumatakbo papunta ng FD room.


[Clara]

Bakit niya ginawa yun? Bakit ang lapit ng mukha namin sa isa’t isa? Bakit niya ako ginaganito? Unti-unti na ngang nawawala yung nararamdaman ko para sa kanya tapos biglang ito na naman! Naguguluhan na ako.

Gino, bakit ba sa lahat ng tao kailangan ikaw pa? Ikaw pa maging partner ko sa play, ikaw pa yung hindi ko makalimutan? Lagi mo na lang ako sinasaktan, pinapahirapan. Ano pa bang gusto mong maramdaman ko?

Sabi ko sa sarili ko, titigilan ko na pero kahit anong gawin ko, bakit parang di ko ata kaya?

Tumakbo ako palayo pero hinabol ako ni Gino at hinila niya yung kamay ko.

“Clara, ano bang meron? Bakit ka nag-walk out?” tanong niya.


[Gino]

“Bakit mo ako tinulak? May sasabihin pa dapat ako eh!” tanong ko.

“Bakit mo yun ginawa?” tanong niya sa’kin.

“Sabi ko sumakay ka diba? Dun rin naman papunta yung storya eh. Pinaganda ko lang yung ending.”
Ano bang sinasabi nitong si Clara.

“ANO? So, pinag-titripan mo ko? Kung sa’yo trip lang, sa akin hindi! Bakit parang concerned na concerned ka sa’kin? Sinabihan mo pa ngang maganda yung mga mata ko eh! At yung kanina, hinawakan mo pa pisngi ko! Ano ibig sabihin lahat ng yun? Gino...” sigaw niya.

Naghihimutok na sa inis tong babaeng to pero hindi ko pa rin siya maintindihan. Bakit kailangan may ibig sabihin lahat? Hindi ba pwedeng wala lang?

“Clara, anong sinasabi mo? Hanggang teatro lang ang mga linya ko...” 

You Might Also Like

8 comments:

  1. AW. SHIZZ.

    HAHAHAHA. Naiimagine kong ginagawa 'to ng mga writers nitong chapter. :))

    ReplyDelete
  2. TAGOS TO THE BONES <///////////////////3

    ReplyDelete
  3. Clara, itigil mo. =))))))))))

    ReplyDelete
  4. WHY SO TANGA CLARA. WHY SO TANGA. BAKIT SA GANYANG KLASENG LALAKI KA UMAASA. HUMANAP KA NA NG IBA.

    ReplyDelete
  5. nakakaloka naman. nakakarelate ako ng bongga. bwiset:))

    ReplyDelete
  6. ka-bv ng mga paasa =))))))

    ReplyDelete
  7. bitin na ewan XDD

    bwiset yung story, pero hindi ko parin maiwasang makarelate

    ReplyDelete
  8. trabaho lang! walang personalan!

    ReplyDelete