chapter 7,

TRESE: Chapter 7 - Disyembre

9/26/2012 08:08:00 PM Media Center 10 Comments

Ang Trese ay isang serye ng iba't ibang magkakaugnay na kuwento na binuo, sinulat at pinaghirapan ng Media Center 2013 staff bilang kanilang creative writing project.

Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pawang kathang isip lamang. Hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kuwentong ito ang maaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.





LUNES

-- Last Na 'To! -- 


[Abi]

Hay, malapit na naman mag-Pasko. Mapapabilang na naman ako sa SMP, Samahan ng Malalamig ang Pasko. Hahahaha! Echos lang. Malapit na rin ang UPIS WEEK! Sana maayos na ‘tong routine namin sa cheerdance. Bukas na ‘to eh! At last na namin!

Ang bilis talaga ng oras. Parang kailan lang, grade 7 pa lang kami na walang kaalam-alam sa mga stunts at lifts, tapos ngayon, last chance na para mag-perform sa Quad.

Nakakainis naman ‘tong si Martin maging back spot, ang tagal-tagal na namin ‘tong pinapraktis, hindi pa rin magawa ng maayos. Pano ba naman, kay Aya nakatingin.

"Uy Martin, palit na lang kaya tayo?" biglang sabi ni Matt. "Ikaw na lang backspot dito ni Aya. Kanina ka pa nakatitig eh. Ako na lang diyan kay Abi," dagdag niya, sabay kindat kay Martin.

Ano naman kayang balak nito?


[Matt]

"Kups ka talaga!" sabi ni Martin sa akin. "Pero sige..." sinabi niyang nakangisi. Nagpalit na kami.

"Abi, ako na lang sasalo sayo ha?" banat ko. "Baka hindi ka masalo ni Martin eh. Puro Aya kasi yan."

“Hmpf! Bahala kayo. Sige na, i-lift mo na lang ako," sagot niya.

"Oh game na! From the start, 5,6,7,8," sigaw ni Abe. Ni-lift namin si Abi at...

Ang bigat naman nitong babaeng 'to!

"Ayusin mo nga yan Matt, pag ako nahulog, ikaw sisisihin ko," sigaw ni Abi mula sa taas.

"Ang ayos na nga eh. Ikaw diyan ang mabigat kaya hindi mo ma-balanse sarili mo!" sagot ko.

"Aba, tignan mo nga ang nag sa-AHHHHHHHHHHHHHH!!!"

"ABIIIIIII!" sigaw nila.

Buti na lang nasalo ko siya, kung hindi, baka nahulog na lang siya basta sa ground.

"Yan kasi, ang likot mo!" sermon ko sa kanya.

"Ako pa may kasalanan! Eh ikaw nga ‘tong..." sagot niya.

"Kasalanan ko pa ngayon, nakalog na yang utak mo, no?!" sabat ko.


[Abi]

Nagdilim ang paningin ko at medyo nahilo. Buti na lang nasalo ako ni Matt.

Narinig ata sa buong Quad at New building yung sigaw ko kaya lahat sila, sa akin nakatingin.

“Kasalanan mo naman talaga eh!" sigaw ko sa kanya pagkatayo ko na para bang lahat ng galit sa mundo ay ibinuhos ko na sa kanya. "Dahil diyan, libre mo ko ng calamares, shaved ice, blue lemonade at popcorn bukas!” 

“Geh. Yun lang pala eh!” sagot niya.

Aba, ang taray! Argh! Akala mo kung sinong gwapo! Well, cute naman siya in some angle. Parang acute angle lang. HAHAHAHA.

"Ok ka na, Abi?" tanong ni Mr. President Abe.

"Oo!" sagot ko sa kanya. “Hoy Matt, umayos ka bukas ha. Baka mamaya bukas pa tayo mag-fail,” seryosong paalala ko.

“Yes ma’am!" sabi niya, sabay saludo sa akin. "Ako lang aayos? Ikaw din dapat!”

“Guys, sige na, last na yun. Mukhang pagod na tayo eh. Bukas na lang, 5 am sa multi. Matulog nang maaga ha!” announce Abe.

“Ay, Balete!” paalala ni Gino. “Yung sa Secret Santa pala natin ha. Something sweet.”

Ay oo nga pala. Yung Secret Santa sa section namin. Sus. Si Suzy naman yung bibigyan ko eh. Kendi lang, ayos na.


[Matt]

Hay, buti na lang uwian na. Bugbog na katawan ko. Pero kailangan ko pa dumaan sa SM. Bibili pa ako nung pang-Secret Santa ko. Dapat special, special din kasi yung pagbibigyan ko eh.

"Bye Abi, magpahinga ka na, baka kung ano pang mangyari sayo," pagpapaalala ko sa kanya.

"Wow! May pa-concerned effect ka pa ngayon. Mas matindi pa yan sa tyndall effect ah," pagpapatawa niya.

"Ano?! Alam mo ba kung ano yung tyndall effect?"

Nakalog nga ata utak nito, loka-loka na.

"Oo. Yung parang effectasent oil," sabi niyang tumatawa.

"Hanep! Tawang-tawa ako, please," sabi ko. Lalo siyang humalakhak.

Hala, makatawa ‘to parang walang bukas. Ayos ka lang? Ang corny ng joke mo! Pero sige dahil cute naman ng tawa mo, makikitawa na lang ako.

"HAHAHAHAAHA. Ang corny mo. Umuwi ka na nga!" sabi ko.

"Oo na. Bye Matt! Agahan mo bukas ah. Ayoko lumipad ng mag-isa," sabi niya, habang palayo mula sa Quad.



MARTES

-- Something Sweet --


[Matt]

Shet, this is it. Cheerdance na. Last na talaga 'to. Parang kahapon lang, noong una kaming nag-cheerdance. Todo away at pikunan pa kami noon dahil di namin alam anong gagawin. Hay.

"Guys, punta na raw sa Quad!" sigaw ni Abe.

"Huy Matt!" tawag sakin ni Abi. "Tulala ka diyan, ate! Punta na daw sa quad!"

Shet di ako tulala, kinakabahan ako. Ayoko pumalpak! Huli na 'to eh!


[Abi]

Pagdating namin doon, pumwesto muna kami sa Patag na Bato para hintayin yung turn namin.

“Uy guys, galingan natin ah. Kahit di tayo manalo, i-enjoy na lang natin yung last na cheerdance. Huling pagkakataon na ‘to. Last chance na natin para mag-cheerdance at magperform nang sama-sama."

Words of wisdom ni Gino. Inspiring talaga ‘to forever, akala mo kung sinong maangas pero madrama din pala.


[Matt]

"At ang susunod! Ang grade 10!"

Ito na! This is it. This is our show, this is our time... It’s show time!

“Abi, tara?” sabi ko na may halong kaba at takot.

Hindi ako sinagot ni Abi at alam ko kung bakit, kinakabahan din siya. Pumunta kami sa formation namin at hinintay ang music.

"Starships were meant to flyyyyy...."


[Abi]

Hay sa wakas, natapos na din yung sayaw. Buti na lang. May mga hindi kami nagawang stunts pero sabi ng iba, bawing-bawi daw dahil sabay-sabay kami. Hintayin na lang namin yung results mamaya.

"Matt, nice one. Buti na lang hindi tayo fail kanina," bati ko kay Matt nung nakasabay ko siya pag-akyat ko sa hagdanan.

Paakyat pa lang ako sa room pero siya, pababa na. Saan naman kaya 'to pupunta?

“Libre ko nga pala?” pabiro kong dinugtong.

"Oo nga eh," sabi niya. "Teka may aayusin pa pala muna ako sa BSP. Sige, una na ako ah. Yung libre mo, pwede bukas na lang?" kunot-noo niyang sagot.

"Haha. Joke lang kasi yun!" sinabi kong tumatawa. "Kahit wag na!” pahabol ko sa kanya nang makababa na siya.

Pagbalik ko sa room, nandun halos buong batch, ang ingay. May naglalaro ng pusoy dos, nagpapatugtog, nag-uusap tungkol sa LoL, nakatambay... habang ako, ito, forever alone.

Pagtingin ko sa bag ko, may nakita akong candy cane. Kanino kaya galing ‘to? Kay Secret Santa? May kasamang note:

Hi Abi, sana magustuhan mo ‘tong something sweet.
Kung pwede lang sanang iregalo yung sarili ko, sweet naman ako eh.

Ayyy... ang keso naman ni Secret Santa. Sino kaya ‘to?


MIYERKULES

-- Something Soft --


[Abi]

“O, kulang pa ng isa para sa Agawan buko! Sinong gustong sumali?” sigaw ni Abe.

“Ako, ako!” kapal talaga ng mukha kong mag-volunteer. Masaya naman kasing mag-agawan buko. 3 years straight na ako naglalaro, ngayon pa ba naman ako aayaw?


[Matt]

Gusto ko sanang maglaro ng agawan buko kaso naunahan ako nitong si Abi. Pasaway talaga ‘to. Baka kung ano pang mangyari dito eh. Concerned lang naman ako.

"Abi, ako na lang ang maglalaro baka maaksidente ka pa diyan,"pag-aalala ko.

"Hay nako Matt, bakit naman ako maaaksidente, marunong naman akong mag-ingat. Nag-biogesic ako!"

"Ano ngayon? Paki ko sa Biogesic mo? Pero Abi, lalaki ako babae ka…"


[Abi]

"Nye!" sabi ko. "Ayan ka na naman eh, hindi porket lalaki ka ay mas malakas ka na. Kaya ko rin yung mga ginagawa mo noh. Dun ka na nga!" sigaw ko kay Matt.

Bwiset, lumapit lang pala para mang-insulto. Tsk mga lalaki talaga, grabe kung makapagsalita.


[Matt]

"GO ABI!" sigaw ng lahat nang tinawag ang numero niya. Nakisali na lang din ako kahit nakikita kong nahihirapan na siya. Abi, ano ba naman 'yang pinasok mo?

Nandun siya sa gitna, nakikipaggitgitan sa iba pang mga babae. Buti na lang pumito na bago pa madaganan si Abi.

Pagbalik niya sa base, napaupo siya bigla. Lumapit ako sa kanya at nagtanong, "Oi, anong nangyari?"

"Napilayan ata ako. Sub muna!" sigaw niya na mukhang namimilipit sa sakit.

“AYAN KASI! SABI KO SA’YO AKO NA LANG ANG MAGLALARO EH! AYAN NAPAHAMAK KA PA! SINO NGAYON ANG TAMA?! NAGMAMAGALING KA KASI EH!”

Hindi ko alam kung bakit pero bigla na lang lumabas yun sa bibig ko. Napatingin sa aming dalawa ang lahat dahil sa nasigaw ko na yun.


[Abi]

Mas masakit pa ang mga salitang binitawan niya kaysa sa sakit ng paa ko. Mas masakit na sa kanya pa nanggaling. Paulit-ulit na tumakbo sa isip ko ang sinabi niyang "Nagmamagaling ka kasi eh..."

"OO SIGE IKAW NA TAMA IKAW NA MAGALING IKAW NA, LAGI NAMAN EH!!!!" sigaw ko kay Matt. Ewan ko ba kung bakit ako nagalit. Pero kasi ako na nga yung nasaktan ako pa ang mali.

Nakakainis! Na-sprain lang naman yung paa ko, wala namang matinding injury eh. Dahil lang dun, sumigaw na siya? Nasaktan na nga ako, sasaktan pa niya ako lalo? 

Hindi na siya sumagot. Binuhat na lang niya ako bigla papunta sa clinic. Kumalma na ko.

"Sorry," mahina kong sinabi, habang dinadala niya ako. "Nasigawan kita ng matindi kanina."

Hindi siya nagsalita at ngumiti na lang, alam kong hindi magagalit sakin si Matt. Hindi naman kasi siya yung tipo ng taong magagalit eh. Kahit minsan, snob siya, mabait din siya at alam kong magaan ang loob ko sa kanya.


[Matt]

"Sige Abi, magpahinga ka muna diyan," sabi ko, pagdating namin ng clinic. "Matulog ka muna habang hinihintay yung nurse. Bibili lang ako ng pagkain. Ano nga ulit yung pinapabili mo? Calamares at blue lemonade?” tanong ko.

"Ay joke lang ano ka ba! Huwag na!" nakangiting sagot niya. "Tinulungan mo na nga ako eh. Ayos lang, kahit wag na. Sige, matutulog muna ako ha."

Wushu. Ayaw mo lang ako paalisin eh. Hay nako Abi, ayoko ring umalis dito. Ayokong iwan ka pero...

Hindi na sana ako aalis pero biglang nagtext si Gino: Matt, punta ka dito sa room, may aayusin sa BSP.

Panira naman ‘to oh. Sige na nga, dadating na rin naman yung nurse eh.

"Abi, sa room muna ako ha. Kups tong si Gino eh. Tulog ka na ha?" sabi ko sa kanya, sabay tapik sa ulo niya at gulo sa buhok niya. Iniwan ko na siya sa clinic.


[Abi]

Paggising ko, nagulat ako nang wala na si Matt at may isang dolphin na stuffed toy sa tabi ko. Kanino kaya galing ‘to? Kay Secret Santa?

“Abi, sana magustuhan mo ‘to. Kasinlambot ng stuff toy na ito ang puso ko.”


HUWEBES

-- Something Inspiring --


[Abi]

"Maliit ka na nga, magbubuhat ka pa ng mabigat," napalingon ako, si Matt pala yun. Kinuha niya yung timba ng water balloon na hawak ko.

"Tatawa na ako?" sabay lingon sa kabilang direksyon habang naglalakad kami.

"Sungit. Meron ka noh?" pagpapatawa niya.

"Busy lang talaga ako sa Peer booth. Dun ka na nga sa Jail Booth n’yo," sagot ko.

"Humanda ka mamaya sa’kin," pagbabanta niya. Tumingin siya sa akin na para bang may kakaibang ngiti sa labi niya. Tumigil kami sa tent ng Peer sa may Patag na Bato at nilapag na niya yung timba.

"O siya, kitakits na lang mamaya. Sagot ko lunch mo, di ba? Pero kung ako sa’yo, magtago-tago ka na."

Pag-alis niya, hindi ko alam pero bigla na lang akong kinabahan.


[Matt]

Pag-alis ko sa Peer booth, dumiretso agad ako sa booth namin para mag-set-up.

"Uy, mamaya ah," bulong ko kay Gino.

"Ahh yung kay ano?"

"Oo," sagot kong nakangiti.


[Abi]

11:30 na. Tapos na rin duty ko sa wakas. Makapagpahinga nga muna at nagugutom na rin ako.

"Ate," sabi nung grade 7 na lalaki na kumalabit sakin. "Ikaw ba si Abi?"

"Ah oo, bakit?" Sino naman kaya 'to?

"Ate, sama daw po kayo sa amin. May naghahanap sayo eh," pagpupumilit pa ng isa.

"Ah pwedeng mamaya na lang kasi..."

Hindi ko na natapos yung sasabihin ko dahil dalawa na silang grade 7 na nakahawak sa dalawang kamay ko. At sa pagkakataong yun, iisa lang ang naiisip ko.

Hindi na ako nakapalag. Ano pang magagawa ko? Sumunod na lang ako sa kanila. Humanda siya sa akin pagdating ko dun, alam ko namang siya may pakana nito eh.

"Hoy Matthew, ilabas mo ako dito! Wala akong pera!" paglulupasay ko pagdating ko sa Jail Booth sa gilid na part ng Quad.

"Haha, wag kang KJ Abi. Sige na! Minsan ka lang naman mabasa eh," sabi niya.

Hindi ko alam kung bakit ganun yung tingin niya sa akin, natatawa na naaawa na hindi ko maintindihan.

Buwiset tong si Matt. Fine. Last naman na ‘to eh.

"Siguraduhin mo lang na malinis yang tubig na yan ha," huling hirit ko bago niya ako basain.


[Matt]

Nanginginig siyang lumabas sa jail booth, basang basa ng tubig. Pero kahit na parang basang-sisiw na siya, tawa pa rin ng tawa.

"May pamalit ka ba?" tanong ko sa kanya.

"Naks. Ayan na naman yang pa-concerned effect mong mas matindi pa sa tyndall effect. Oo meron, nasa locker," nakangiti niyang sagot sa akin.

"Ah sige, samahan na kita doon. Libre ko pa rin lunch mo, wag kang mag-alala," sabi ko. "Hintayin na lang kita sa room ah. Hahaha. Mukha ka talagang basang sisiw. Magpalit ka na, magkakasakit ka niyan."

Alam kong mali yung ginawa ko na pinagtripan ko siya. Pero alam ko namang di siya magagalit eh, hindi siya yung tipo ng taong nagtatanim ng galit.


[Abi]

Grabe. Basang-basa ako. Buti na lang talaga may pamalit akong damit. Scout din ako noh. Pero ayoko nang mainis, masaya din naman eh. Kasama talaga sa fair yung nababasa at napagttripan.

Pagbukas ko ng locker, may nakita akong bookmark sa paborito kong libro. Wala naman akong naalalang bumili ako ng ganitong bookmark ah.

"Time flies, don't waste it,” ang quote na nakalagay dito.

Pero sino naman kaya may alam ng password ko sa locker? Don't tell me, stalker din si Secret Santa?

Pagtingin ko sa likod ng bookmark, may nakalagay na message,

“I hope this inspires you as much as you inspire me.”

Bakit ang galing niya magtago?! Naiintriga talaga ako. Di bale, malalaman ko din yan bukas.


BIYERNES

-- Something Memorable --


[Matt]

Last day na ng UPIS week. Last day na ng year. Last lantern parade na rin namin mamayang magkakasama.

Hindi ko alam kung bakit malungkot ako. Sa apat na taon ko sa high school, hindi ko alam kung sulit ba yung oras na nabigay sa akin. Hindi ko alam kung kulang ba o sadyang hindi ko lang ginamit nang maigi yung oras na pinahiram sa akin.

Pero, kahit ito na yung last UPIS week ko, aaminin ko, ito rin yung pinakamasaya, pero hindi ko alam kung nasulit ko. Madami akong nagawa na hindi ko pa nagawa kahit kailan. Madami rin akong bagong nakilala at naging kaclose. Isa na dun si Abi.

Tuwing iniisip ko siya, nasasaktan ako. Sasabihin ko na ba sa kanya mamaya?


[Abi]

Finally, Christmas party na rin. Malalaman ko na kung sino yung Secret Santa ko.

"Abi, nakita mo ba si Matt?" tanong ni Suzy sa akin.

“Ha? Hindi, bakit?”

“Ah wala. Hala, madami pang wala sa atin mag-sstart na yung party. Ano ba naman yan, last Christmas party na nga, hindi pa rin pupunta!”

Pumunta ako sa pila ng pagkain para kumuha nang may tumapik sakin.

"Uy Matt! Nandito ka na pala!" bati ko kay mokong.

"Ay hindi, wala pa. Baka reflection lang ako," pilit niyang pagpapatawa.


[Matt]

"Ano yan?" sabi ko habang nakaturo sa hawak niyang regalo.

"Relo," sagot ni Abi na abot-tenga ang ngiti. "Galing kay Secret Santa. Pero hindi pa rin siya nagpapakilala. May message pa nga oh...

Ang relong ito ang simbolo ng oras na magkasama tayo. 
Sana tuwing nakikita mo ito, ako ang naalala mo at sa tuwing hinihintay mo dumaan ang oras, 
ako rin, sana, hihintayin mo...

...Ang sweet di ba!"

Nang makita ko ang ngiti sa labi niya, naisip kong hindi pa iyon ang tamang oras. Hindi ko kayang masaktan siya.


[Abi]

"Pupunta ka ba sa Lantern Parade mamaya?" tanong ni Matt.

"Ah, oo, bakit?"

"May kailangan lang akong sabihin. Sige, mamaya na lang," pagpapaalam niya, diretso sa pila ng pagkain sa room.

Ano kaya yun? Mukhang seryoso, hindi nga siya makatingin ng diretso sa akin eh.


-- Lantern Parade --


[Matt]

Nasaan na si Abi? Kailangan ko nang sabihin sa kanya. Ilang linggo rin ang dadaan bago kami magkita ulit kaya kailangan niya nang malaman.

"Uy Gino, nakita mo ba si Abi?" kalabit ko sa kanya.

"Yiee! Hinahanap, nandoon sa harap ng pila," pang-aasar niya.

"Eh kung batukan kita?" hirit ko pa.


[Abi]

Nagulat ako nang may kumalabit sa akin, si Matt lang pala.

"O bakit?" bungad ko.

"May kailangan akong sabihin," pabulong niyang sagot.


[Matt]

Hindi ko alam kung saan magsisimula, hindi ko rin alam kung paano magtatapos. Ang alam ko lang, hindi ko dapat sayangin ang oras na 'to.

"Abi..." panimula ko. "Salamat sa lahat. Sa mga katatawanang ibinigay mo, sa mga kalokohang pinauso mo."

“Ay teh, mamatay ka na? Ang arte ah, with all the feelings! Daig mo pa ang mga Koreanovela,” singit niya.

“Seryoso kasi,” pagpapatuloy ko. "Abi..."


[Abi]

BOOM!

Napuno ang kalangitan ng makukulay na ilaw. Ngiti lang ang naisagot ko kay Matt. Hindi ko narinig ang mga sinabi niya dahil nabaling sa fireworks ang tingin ko.

"Matt, ano nga pala yun?" tanong ko.

"Wala, Abi. Gusto ko lang sabihin sa'yo na kasing halaga ka ng oras para sa akin. Sana nagustuhan mo lahat ng binigay ko."

"Ah... Ikaw pala yun..."

Nginitian ko ulit siya at tinignan ko ang relong binigay niya. Isa na ito sa pinakamasayang taon ko at masasabi kong hindi na ako kasama sa mga SMP dahil sa mga regalo ni Matt.

"Salamat, ha?" sabi ko nang nakatitig pa rin sa relo dahil nahihiya akong tumingin sa kanya. "Pinasaya mo ako ng bongga. Salamat sa regalo, salamat sa lahat. Sana magkasama pa tayo ng matagal."

Hindi ako nagsisising sa kanya ako nahulog nung practice namin, hindi ako nagsisising siya ang tumulong sa akin nung agawan buko kahit pa sinigawan niya ako, hindi ako nagsisising nakipagbasaan ako sa kanya sa jail booth at hindi ako nagkamaling siya ang kasama ko ngayon. Wala akong oras na nasayang. Salamat,Matt.

Napantingin na lang ako sa langit at ngumiti. Sana hindi na matapos ang oras na ‘to.


[Matt]

Wala na akong naisagot sa ngiting binigay niya. Hindi ko kayang sabihin sa kanya na aalis na ako papuntang U.S. bago pa mag-graduation. Ayoko makitang malungkot siya dahil lamang sa sasabihin ko.

Nagsisisi ako dahil hindi ko nasulit yung oras na binigay sa amin nung practice, nung UPIS week, pati na nung mga nakaraang buwan. Sinayang ko lang lahat ng pagkakataong binigay sa akin, kaya eto ako ngayon, nagsisisi. Ang tanga ko. Sorry, Abi.

Napatingin na lang ako sa sahig at napayuko. Sana hindi ko sinayang yung oras na ‘to.

Kahit masakit, Abi, sana, kapag tumigil na ang relong yun... sana... matigil na rin ang nararamdaman ko para sa iyo dahil alam kong sa dulo, walang kasiguraduhan kung magkikita pa tayo. 

You Might Also Like

10 comments:

  1. Nakakalungkot talaga. :(

    ReplyDelete
  2. Grabe. Andaming trahedya ang nangyayari. Ugh. Sunod-sunod ko pa namang binasa yung mga chapter. T_T

    ReplyDelete
  3. ang dami nga lang mga characters. pero ang ganda ng mga story bawat chapters. kelan kaya ang sequel sa mga naunang chapters?

    ReplyDelete
    Replies
    1. andami talagang character nakakalito no????

      Delete
  4. this is the best chapter :)

    ReplyDelete
  5. :'( grabe ang galing niyo nang gumawa

    ReplyDelete
  6. ang ganda kahit ilang beses ko basahin, di ako nagsasawa :"> super nakakaiyak :(( #13est :)

    ReplyDelete
  7. this chapter WILL ALWAYS be the best and my favorite :) galing naman ng gumawa :) more!!!!!!! :)

    ReplyDelete
  8. Utang na loob ngayon ko lang nabasa to ang sakit sa puso

    ReplyDelete